Hindi lugar ng makukulit ang Citadel ngunit si Joseph Zach lang talaga ang bukod tanging tao roon na hindi marunong sumeryoso ng sitwasyon maliban na lang kung buhay at kamatayan na ang usapan.
At dahil nangako si Cas na hindi niya kakausapin ang dating fiance sa loob ng opisina, sinama niya si Ara sa Matriarca para doon ito kausapin. Nanatili lang sa layong dalawang metro ang Guardian Decurion niya habang nakaupo silang dalawa sa pinakaitaas na hagdan ng gazeebo.
"Palagyan mo na nga ng mesa rito," utos ni Joseph habang tinuturo ng ulo ang likuran. "Sabihin mo kay Daddy, gagawin mong tambayan yung gazeebo ni Mama."
"Alam naman niyang tambayan ko talaga 'to. Di naman ako singkapal mo para umabuso," pairap na sinabi ni Cas.
"Magpapalagay ka lang naman ng mesa saka upuan. Kung ayaw mo, ako na lang ang magsasabi."
"Ang kapal talaga ng mukha mo, Saf. Nagtataka na ako kung bakit hindi ka pa napapatay ni Lord Adolf." Naghahalo na ang inis at pagkabilib sa tono ni Cas.
Natawa lang si Joseph at tumanaw na naman sa malawak na hardin. Malamig sa lugar kahit na nagtatalo ang umaga at tanghaling araw.
"Ano pala'ng kailangan mo?" tanong ni Cas habang inaayos ang laylayan ng suot niyang dress. Inurong din niya ang inuupuan nilang asul na plaid picnic blanket na hiniram nila sa kusina ng kastilyo.
"Ang laki ng ibinayad ko sa cargo," sabi ni Joseph saka natawa. "Hindi naman sobrang mahal ng laman ng container. Tatlo lang yung natipuhan ko."
"Sino ba kasing may sabing bilhin mo nang mahal?" sarkastikong tanong ni Cas sabay paikot ng mata.
"Nabili ko naman na. Nakausap ko na rin ang mga Devide."
Napasulyap si Cas sa kaliwa niya. "Dumiretso ka sa kanila?"
Tumango si Joseph. "It felt like I had to do that. Nakipagkasundo na rin ako na tatapusin na ang kontrata ninyo. We agreed and everything was settled already. Siguro kasi alam nilang Zach ako."
Napabuga ng hininga si Cas at napatungo. Hindi naman mabigat na bagay ang cargo na pinagtatalunan nila dahil mababang kalakal lang iyon. Maliban sa ginagamit iyon ni Cas upang pumuslit ng ibang kargamentong hindi rin alam ng mga Devide at ng Citadel. Nadismaya tuloy siya na may mga transaksyon siyang mahihinto dahil natapos na ang kontrata. Iyon nga lang, hindi niya iyon maaaring ipaalam sa guild dahil mas lalo siyang hahabulin ng Citadel.
"Kung mabigat sa 'yo, babayaran ko na lang," sabi ni Cas.
"Naniningil ba 'ko?" tanong agad ni Joseph.
"E bakit pinauulit-ulit mo?"
"Hindi naman. Ang point ko lang, mahal kasi."
"Sabihin mo na lang na babayaran ko. Nagrereklamo ka pang mahal, sino bang tanga ang nagpresyo ng isang milyong libras doon sa cargo? Pasikat ka?"
"E ano ba kasing ginagawa mo roon sa cargo? Cas, hindi ako naniniwalang wala kang ginagawang kakaiba sa ganoon kababaw na transaksyon. Kilala kita."
"Pakialam mo naman kung may ginagawa ako roon."
"May pakialam ako, ako yung bumili ng mahal e."
"Alam mo, talagang naiirita na 'ko sa reklamong mahal yung ginastos mo. Akin na nga't babayaran ko na! Hindi ka ba pinatulog niyan?" Akma sanang tatayo si Cas pero hinigit agad ni Joseph ang braso niya para ibalik siya sa pagkakaupo.
"Ito naman, di ka na puwedeng biruin?" Hinigpitan ni Joseph ang hawak sa braso ni Cas para hindi ito makaalis. "Ang point ko lang, nakihati ang Citadel sa binayaran ko. Apparently, kasama na roon ang mga Zordick at Wolfe."
BINABASA MO ANG
The Backup Plan (Book 13)
RomanceThe BackUp Plan by Lena0209 ------ Dalawang taon pagkatapos ng kanilang divorce, hinahanapan na si Cas ng magiging tagapagmana niya, at wala siyang ibang maisip na magiging ama ng anak niya kundi ang ex-husband niyang si No. 99-isang highly-classifi...