Nagpalipas ng oras si Cas sa pagbabasa ng mga papeles na nasa mesa niya. Tumambak na iyon dahil hindi rin niya inaasikaso. Napapagalitan na siya roon pero binabalewala lang niya. Tamad na tamad siyang nililipat ang pahina niyon habang nag-uubos ng minuto kahihintay sa pagdating ng dati niyang asawa.
"Lady Cassandra, panghimagas para sa inyo."
"Ha? Ah." Nagulat si Cas nang lapagan siya ni Ara ng isang platito ng mga prutas sa office table niya. "Salamat."
Tumungo lang ang Guardian at bahagyang umatras. "Mag-utos lamang kayo kung may maipaglilingkod pa ako."
Humugot ng malalim na hininga si Cas at pinagmasdang mabuti si Ara. Kagalang-galang itong tingnan sa suot na itim na suit na ibinagay sa itim na pencil-cut skirt na hanggang ilalim ng tuhod ang haba. Nakapusod ang buhok nitong kulay ginto at hindi pa niya nakikitang nailugay kahit minsan. Sa pagkakaalam niya ay matanda nang labinlimang taon ang ginang at isa sa mga mayordoma sa kastilyo ng mga Zach. Bakas sa itsura nito ang pagiging istrikta, at kung magiging guro ito ay nasa mukha nito ang namamalo ng batang matigas ang ulo gaya niya, ngunit hindi naman ito naging mahigpit sa kanya. Alam niya ang pinagmulan nitong pamilya at mula ito sa angkan ng mayayamang mangangalakal sa Europa at may sapat na yaman para mabuhay nang marangal. Dalawampu't pitong taong gulang na siya at tatlong taon nang pinaglilingkuran nito. Hindi niya alam kung ano ang estado ng buhay nito maliban sa alam niyang naglilingkod ito sa kanya.
"Madame Yula," pagtawag niya rito, hindi sa pangalan nito bilang Guardian. "Gaano katagal na kayong naglilingkod sa guild?"
"Magbuhat noong pormal nang ihayag ni Frederico Decavalcante ang pagsasabatas ng Criminel Credo, milady."
"Gaano na 'yon katagal sa taon?"
"Tatlumpung taon na rin, milady."
Natigilan si Cas at naisip na hindi pa siya ipinapanganak noon. O kahit sina Joseph Zach at Hwong Yoo-Ji.
"Pero may pamilya ka sa labas ng Citadel, di ba? May mga anak ka rin."
"Ganoon nga, milady."
"Nakikita mo ba sila?"
"Nasa batas ng Citadel na hindi sila maaaring makita."
"Bakit?" Bumigat ang tanong ni Cas dahil alam niyang ganoon din ang nangyari kay Joseph Zach at sa pinakasalan nito, damay na ang anak nitong maliit pa.
"Dahil binabantayan ng mundo ang bawat kilos ng mga tagarito, milady. At oras na malaman nila ang tungkol sa mahahalagang tao sa buhay natin na naninirahan sa labas ng Citadel ay magiging dahilan iyon upang mapahamak sila. Masyadong delikado sa labas ng lugar na ito kaysa rito sa loob. At ayokong magamit sila laban sa akin."
Hindi nakasagot si Cas. Tinitigan niya ang mukha ng ginang na hindi kababakasan ng lungkot sa sagot nito. Bigla siyang natulala habang iniisip na kung ganoon ang sitwasyon nila, inililigtas lang ni Joseph ang mag-ina niya na nasa labas—o hindi si Joseph kundi ang Fuhrer. Dahil kung si Joseph lang ang masusunod, kikitain at kikitain nito ang asawa.
Tinusok na lang niya ng fruit fork ang hinain sa kanya ni Ara saka isinubo at nginuya nang padabog.
"Narito naman ang pamilya ninyo, Lady Cassandra," ani Ara na may matipid na ngiti.
"Pamilya?" Napairap si Cas. "Mula noong namatay ang ina ko sa panganganak sa 'kin, nawalan na 'ko ng pamilya."
"Subalit mahalaga ka naman sa mga narito, milady. Ikaw ang prinsesa ng Citadel. Anak na ang turing sa inyo ng Fuhrer maging ni Xerez."
"Si Lord Adolf, mas malala pa siya sa ama ko kung manermon. At si Xerez . . ." Natigilan si Cas at napaisip. Nawala ang pag-irap niya. "Si Xerez, sige, tanggap ko. Sana nga, siya na lang ang ama ko. Mas mabait pa siya sa kahit sinong kadugo ko rito." Sunod-sunod ang subo niya at pinuno ang bibig saka inipit sa kanang pisngi ang pagkain. "Wala pa ba si Hwong Yoo-Ji?"
BINABASA MO ANG
The Backup Plan (Book 13)
RomanceThe BackUp Plan by Lena0209 ------ Dalawang taon pagkatapos ng kanilang divorce, hinahanapan na si Cas ng magiging tagapagmana niya, at wala siyang ibang maisip na magiging ama ng anak niya kundi ang ex-husband niyang si No. 99-isang highly-classifi...