Chapter 29
Third Person's POV
Malalim na ang gabi. Rinig na rinig sa buong paligid ang sigaw ng isang babae upang makahingi ng tulong at sa pag-aasam na makakatakas sa mga kalaban na hawak siya. "Ano ba! Sabing pakawalan ako!" Kanina pa siya nagpupumiglas mula sa pagkakatali sa kamay niya patalikod pero tila bulag at bingi ang mga nakahuli sa kanya dahil kahit maliit na sulyap at pansin ay hindi siya pinagbibigyan na para bang alam na sa sarili nila na hindi nila patatakasin ang isang mortal.
"Leche! Alam nyo ba talaga ang ginagawa niyo?! Hindi ako aksidenteng napadpad dito!"
Sakay-sakay ng isang karawahe ay sumasabay ang galit niyang tinig sa tulin ng takbo nito. Lumalampas sa mga kakahuyan ang kaniyang mga sigaw na pakawalan na siya mula sa pagkakatali. "Bingi ba kayo? Sabi ko, pakawalan niyo ako dito!"
"Nagtatrabaho kami sa kaharian mortal, malinaw sa batas namin na dakpin ang mga makakapasok sa mundo namin at yun lang ang ginagawa namin kaya tumahimik ka na lang." Mahinahong sambit ng isang tauhan sa gilid niya kung saan siya nakaupo. "Wala akong oras sa batas niyo! Wala akong pakiala—"
Natigil siya sa pagsasalita ng bigla siyang sampalin ng isang tauhan ng kaharian sa kakulitan niya kaya Parang umikot ang buong mundo niya."Patahimikin mo ang bibig mo mortal! Sa supreme ka na magpaliwanag!" Galit na sigaw ng isang sumampal sa kanya kaya napapikit nalang siya sa galit kasabay ng pagdugo ng ilong niya. Pinahid niya ang kaniyang nagdudugong ilong sa damit sa balikat bago siya huminga ng malalim at agad na sinipa ang dalawang kalaban na katabi lang niya.
Nagkagulo ang buong karawahe. Nagmistulang may lindol dahil sa lakas ng pagkayugyog ng karawahe na bumabagal na ang takbo.
Nanlilisik ang mga mata ng tauhan na kumuha ng espada sa kaniyang bewang ngunit agad siyang nasipa ng babae sa bandang leeg na agad niyang kinawalan ng malay at bumagsak sa inuupuan nila. Humarap ang babae sa isa pang tauhan na nagpupunas ng noo na dumudugo. Akmang susugod na sa kaniya pero agad siyang nakailag at sinipa ang sikmura nito kaya bahagya itong napaatras.
Nanlaki ang mga mata niya ng kumuha ito ng punyal sa likuran at hinagis papunta sa direksiyon niya at hindi niya namalayan na agad itong tumarak sa gilid niya at agad na umagos ang dugo. Napangisi ang tauhan na gumawa niyon sa kaniya pero bago pa siya mahawakan ay agad siyang lumundag palabas ng karawahe.
Nagpagulong-gulong siya sa gitna ng daan kung saan pinapalibutan ng madilim na kakahuyan. Napasigaw siya sa sakit ng matanggal ang kutsilyo sa gilid niya at tumilapon kung saan.
"Ang lakas ng loob niyong mga mortal na kumalaban sa amin!"
Napadura siya ng dugo at nakitang papalapit na ang isang tauhan ng kaharian na bumaba din pala sa karawahe. Nanlalabo ang mga mata niyang umatras dahil hindi na niya magagawang tumayo sa panghihina ng katawan. Kahit ang nakatali niyang mga kamay sa likod ay hindi na niya nagawan ng paraan na alisin man lang.
Palapit na palapit ang tauhan na nakahawak ng isang espada. "Kung matigas talaga ang ulo mo ay mas mabuti ng tapusin nalang kita dito pa lang." Napaatras siya at gumapang sa madilim at maputik na daan at wala na siyang pakialam kung ano ng itsura niya ngayon. Ang mahalaga sa kaniya ay makatakas sa mga humahabol sa kaniya dahil hindi pa siya handang mamatay. Naisip niya na ito pa lang ang simula niya ng kaniyang misyon sa Arrazus.
Napadaing siya sa sakit ng tapakan siya ng tauhan sa likuran niya kaya napahinto siya sa paggapang sa maputik na lupa. "H-huwag..."
Umalingawngaw ang malakas na halakhak ng tauhan sa buong kagubatan ng marinig ang pagsusumamo ng babae na pakawalan at tigilan na siya. "Ganyan nga... matuto kayong magmakaawa sa amin mortal. Masyado na kayong mapagmataas sa inyong mga sarili! Wala kayong mga utang na loob!"
BINABASA MO ANG
Behind Those Wings (COMPLETED)
FantasíaNoon pa man, namulat na si Patrice sa isang buhay na wala ang Ama sa tabi. Gayunpaman, ginawa niya ang lahat upang maging normal lang na istudyante ng isang unibersidad. Pero isang kakaibang bagay ang napulot niya sa isang C.R. na nagpabago ng buong...