Kabanata 21

363 78 43
                                    

Pagkalugmok 

•••

Sinabi ko na lahat ng problema ko kay Sining at dahil doon naging malapit kami sa isa't isa. Kapag nakikita niya kaming kumakain sa cafeteria kasama 'yong tatlo at sina Salem, nakikigulo rin siya. Halos dalawang linggo na rin akong nakikituloy kina Niccolo. Sa mga nakalipas na ilang araw ay ang saya ko, sa sobrang saya halos natatakot ako. Hindi ba ang kapalit ng saya ay lungkot?

"Ayos naman ako rito..." sabi ko sa kausap ko mula sa kabilang linya.

Sa unang beses ay tinawagan ako bigla ni mama at ang una niyang bungad ay Kumusta.

Iyong isang salitang 'yon...ilang taon kong hindi naririnig mula sa kaniya 'yon...napakatagal kong hinintay...isang salita lang naramdaman kong may magulang ulit ako.

[Gano'n ba...]

"Hmmm..."

[Napatawag nga pala ako kasi hindi ko alam kung nakarating na 'to sa'yo...]

"Ano 'yon?"

[Tumawag sa akin ang mama ni Jorge. Huwag kang magagalit Jaq...pero kasi si Jorge...]

Bumibigat bigla ang pakiramdam ko. Bigla akong kinabahan. Tibok ng puso ko parang naguguluhan.

"Ano?"

[....]

Iyong boses ni mama tila ba hindi ko marinig dahil sa pagkabigla. Para bang naging malabo at mabagal ang pagbuo ng mga salitang iyon mula sa kabilang linya. Lahat ng nasa paligid ko tahimik...buong buo ang narinig ko pero pinagpipilitan kong hindi. Tila ba sumang ayon ang katahimikan ng gabi para lang akin itong marinig.

[...wala na siya.]

Nanatili akong walang imik at nakadungaw lang sa labas ng bintana. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman dahil magulo at malabo ang lahat.

[Jaq? Ayos ka lang ba?]

Ayos lang ba ako? Isang malapit na tao sa buhay ko ang nawala. Ayos lang ba ako?

"Nasaan siya?" tanong ko kay mama, at unti unti na ngang tumutulo 'yong luha ko sa kaliwang mata.

[Nakaburol siya sa kanila. Dadalaw ako sa huling lam---]

Hindi ko na pinatapos ang mga sasabihin ni mama dahil pinatay ko na ang tawag at kumaripas ng takbo palabas ng kwarto.

"Saan ka pupunta? Hoy!" Naririnig kong tanong ni Niccolo pero hindi ko na siya pinansin dahil tumakbo ako ng mabilis palabas sa bahay nila, palabas sa subdi.

Halos nakikisama sa akin ang lahat. Mabilis ako nakasakay ng jeep patungo sa bahay nila Jorge. Halos kalahating oras din ang tinagal ng aking biyahe. Buti na lang alas otso na, wala masyadong traffic dahil hindi ako mapakali.

Pagtingin ko sa tapat ng bahay nila Jorge ang lungkot na agad ng awra. Sa may gate nakita ko 'yong dalawa kong tropa no'ng high school na sina Mark at Paulo.

"Jaq!" tawag sa akin ni paulo ng makita akong palapit sa gate.

"Kailan pa?" bungad kong tanong.

"Kahapon pa pare." sagot ni paulo.

"Kahapon? Tapos ngayon ko lang nalaman?"

Hinawakan ako ni mark sa kaliwang balikat. Alam nilang dalawa kung gaano katagal kaming magkaibigan ni Jorge. Para kaming buntot ng isa't isa. Hindi naglalayo at naghihiwalay.

"Pare, kahapon daw kasi inaasikaso pa 'yong kaso kaya hindi napaalam ng maaga. Nalaman ko nga lang din kaninang umaga, eh." sabi ni mark.

"Hindi ka ba papasok doon sa loob para sumilip?" wika ni paulo.

Minsan, Madalas (Life Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon