Chapter 15

49.4K 1.5K 14
                                    

Chapter 15

Naipokpok ko na lang ang ulo ko sa unan ng kuwarto ko nang nakauwi. Pagkatapos ko kasing kumain kanina ay nagpaalam na ako sa kanya na uuwi na ako para makausap si Ate. Nag-offer pa nga siya na ihatid ako ngunit hindi ko siya hinayaan dahil hiyang-hiya ako sa kadugyutan na ginawa ko kanina.

Ginulo ko ang sariling buhok ko at nagpagulong-gulong sa kama. Pulang-pula na ang mukha ko at yakap-yakap ko ang unan. Para akong uod na binudburan ng asin.

Ano ba ang gusto niyang mangyari at bakit niya ako sinabihan na maganda? Well, hindi ko naman maipagkaila na may kagandahan din ako kahit ang pangit ng ugali ko. Si Cheska nga ang palaging pumupuri sa akin, eh. Gusto niya raw ang mata ko. Para kasi akong mataray kapag hindi nagsasalita.

Kaya first impression ng lahat, mataray ako tapos tinotoo ko na lang para hindi sila mapahiya.

Ang totoo'y namana ko ang mata ko sa Papa ko. Hazel brown ang kulay. Si Ate Kalla naman ay black, siguro kay Mama niya namana na kailanman ay hindi ko pa nakita.

At saka, bakit niya sinabi na iisa lang kami ng kuwarto at may pa kiss and hug? Nabigla tuloy ako at nabugahan ko siya ng coke na may laway ko.

Hindi ko naman iyon intensyon at talagang nagulat ako. Magpapanggap lang naman kami sa lahat ng tao pero kapag kami nang dalawa, dapat hiwalay na kami ng kuwarto.

At isa pa sa pinoproblema ko ngayon ay si Ate! Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba sa kanya o hindi!

Tinakpan ko ng unan ang mukha ko at sumigaw-sigaw habang gumulong-gulong sa kama. Natigil lang ako nang narinig ko ang pagpihit ng gate mula sa labas. Mabilis akong bumangon at tumayo para magpunta sa bintana. Hinawi ko ang kurtina at kinusot ko pa ang mata ko bago ko nakita si Ate na nakangiting kumakaway kay Kuya Jude.

Bigla tuloy akong nawalan ng lakas. Knowing na maganda ang mood ng kapatid ko ngayon, ayaw ko iyon masira. Naibagsak ko na lang ang balikat ko at nanghihinang naglakad patungo sa pintuan.

***

"Ate," tawag ko sa kanya habang bumababa ako sa hagdanan.

Kapapasok lang ni Ate sa bahay na may ngiti sa labi. Tumango lang siya at hinubad ang kanyang takong. Pagkatapos, nagpunta siya sa couch at doon nilapag ang dala niyang bag. Binalingan niya ako.

"Ano iyon?" maligaya niyang tanong sa akin.

Nang nakababa ako ay bigla akong kinabahan lalo na't nasa mood si Ate ngayon. Napalunok ako at naibaba ang tingin.

"M-May sasabihin ako sa iyo, Ate," nauutal kong sambit at saglit na napapikit.

Piniga ko pa nga ang kamay ko dahil pinangunahan ako ng kaba. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon niya kapag masabi ko na sa kanya ang gusto kong sabihin.

Pero ayoko rin naman na sa ibang bibig niya mismo marinig ang tungkol sa amin ni Ashton. Gusto ko, ako mismo ang magsabi para mas maipaliwanag ko pa. Kapag sa ibang tao na kasi, secondary source na.

Nang bahagyan akong nag-angat ng tingin, kumunot ang noo niya at maingat na umupo sa couch. Humalukipkip siya.

"Bakit para kang tuta diyan?" Natawa siya at inilingan ako. "Takot ka ba sa akin?"

Napakurap-kurap ako at saka agad na umupo sa sofa malayo sa kanya. Para kapag sisigaw siya sa kung ano man ang marinig niya mula sa akin, hindi ako mabibingi. Mas mabuting maging handa.

"H-Hindi po." Pinagsalikop ko ang kamay ko at saka tumingin sa kanya. Para na akong malalagutan ng hininga dahil sa kaba na naramdaman. "H-Huwag ka sanang magalit sa sasabihin ko, Ate. P-Para sa atin din naman po ito."

She scratched her head. "Ano ba kasi iyan? Pakipot ka pa, eh! Magte-text pa si Jude sa akin mamaya kaya dalian mo diyan."

Tumango ako at saka huminga nang malalim. Tumikhim ako at medyo umusog para mas lalong maging handa.

"A-Ate..." Bumuga ako ng hangin. "N-Nasa akin ang titulo ng lupa."

Sandaling katahimikan ang bumalot sa aming dalawa. Dahil sa sobrang tahimik, rinig na rinig ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Paunti-unti, nag-iba ang kanyang ekspresyon. Para siyang naguluhan sa akin.

Nagtaas siya ng kilay. "What do you mean? Binenta ko na ang lupa. Nasa ibang kamay na ang titulo."

Lord, help me.

I swallowed hard. "B-Binili ni Ashton sa foreigner."

Kumunot ang noo niya at nagsalubong ang kilay. Kita ko rin na bahagyang umawang ang labi niya, maybe because she was confused.

"Ashton?" tanong niya, na parang hindi niya narinig ang sinabi ko kanina.

Agad akong tumango kahit sobrang kaba ko na. "O-Opo, si Ashton. Binigay niya ang titulo sa akin kapalit ng—"

"Wait!" pagpuputol niya sa akin at mas lalong naguluhan. Nilakihan pa niya ako ng mata. "Ashton? Familiar...Ex mo?"

Nang hindi ako sumagot ay napatayo siya mula sa pagkaupo. Mas lalo lang akong kinabahan nang nakita ang disgusto sa mukha niya.

"Ate..." Gusto ko sana siyang lapitan ngunit huli na ang lahat.

Nang nalaman ni Ate kung sino'ng Ashton ang tinutukoy ko, bigla na lang siyang nagbuga ng apoy. Galit siya kay Ashton.

Umiling siya at galit akong tiningnan. "Ano ang ibig mong sabihin na nasa iyo ang titulo? Nagmakaawa ka ba sa lalaking iyon para maibalik sa iyo iyon?"

Napasinghap ako at agad tumayo. "Hindi!" agap ko. "Hindi ko alam na binili niya pala sa foreigner na iyon ng doble. And he gave it to me in exchange..." Natigil ako dahil hindi ko iyon kayang sabihin sa kanya.

Lumapit si Ate Kalla sa akin sabay hawak sa magkabilang balikat ko. Nanginig ako sa takot dahil sa nakatatakot niyang tingin.

"Kapalit ng ano, Katarina?" tanong niya sabay yugyog sa akin. "Kapalit ng ano?"

Kinagat ko ang ibabang labi ko at nagbaba ng tingin. "Kapalit ng pagpapakasal ko sa kanya..."

Halos bulong na lamang iyon pero alam ko na narinig niya iyon. Naramdaman ko ang pagkaluwag ng paghawak niya sa balikat ko kaya napaangat ako ng tingin sa kanya. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Umiling-iling siya habang umaatras. Kumirot ang puso ko at halos maiyak na.

"Kasal?" she asked in disbelief. "Sinaktan ka ng lalaking iyon tapos ngayon, kasal?" Tumaas ang boses niya. "Tanga ka ba? Para saan ang pagpayag mo? O pumayag ka ba? Kung sa lupa lang din naman iyan, bitiwan mo na dahil wala na si Papa!"

Tuluyan nang tumulo ang luha sa aking mata.

"Hindi ko pa rin makalimutan ang ginawa ng lalaking iyon sa iyo, Katarina. Ikaw lang din ang gagawa sa sarili mong kasiraan! Alam ko na mayaman na ang lalaking iyon at kaya na niyang bilhin ang lahat ng bagay ngunit hindi ko akalain na pati ikaw ay magpapakuha sa kanya! Paglalaruan ka lang no'n dahil mayaman siya at mahirap tayo!"

"A-Ate..." Sinubukan ko siyang hawakan ngunit iniwas niya ang kanyang sarili sa akin at galit akong tiningnan. Kumirot ang puso ko at pinunasan ang luha sa mata. "A-Ate, palabas lang naman ang l-lahat. G-Gusto ko lang b-bumawi kay Papa."

Dismayado na ang kanyang tingin sa akin. "Tanga ka, Katarina. Gawin mo ang gusto mo!" Napaigtad ako sa sigaw niya. "Hindi ka naman marunong makinig! Kapatid mo ako kaya alam ko kung ano ang nakabubuti sa iyo at hindi! Pero dahil malaki ka na, gawin mo na ang gusto mo! Bahala ka na sa buhay mo, Katarina!" Dinuro niya ako. "Huwag mo na akong idamay kung ayaw mo sa opinion ko. Hindi magbabago ang pananaw ko sa lalaking nanakit sa iyo, ang dahilan ng pagbagsak mo at ang lalaking sagabal sa pangarap mo. Magpakasal ka kung gusto mo! Para sa lupa ba talaga? O baka naman gusto mo lang bumalik sa lalaking iyon! Basta huwag kang magsisi sa huli, Katarina!"

Inis na kinuha ng Ate ko ang kanyang bag sa couch at padabog na tinalikuran ako. Sunod-sunod na pagtulo ng luha ang naramdaman ko at alam ko na hindi ko na ito mapigilan.

Mahina akong napaupo pabalik at saka napayuko. Butil-butil ng luha ang pumatak sa mala-tiles naming sahig sa pagyuko ko. Ito ang unang pagkakataon na galit na galit si Ate sa akin. At hindi ko alam kung kailan kami magkakaayos. 

Marrying Mr. Billionaire (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon