Kabanata 1

20.2K 346 94
                                    

01 – Santan

"Allysia! Umuwi ka na rito, anak!"

Kumunot ang noo ko saka nagtago sa halaman. Ngumuso ako saka binalikan ng tingin ang lahat ng patpat na itinali ko para magmukhang stick man. Uuwi na agad? Hindi ko pa nagagamot ang pasyente ko, e!

Dahan-dahan akong tumayo saka kinuha mula sa lupa ang gawa kong stick man. Ang iilang dahon na pinitas ko ay dinala ko rin palayo. Muli akong sumilip mula sa halamanan saka nakitang naghahain na si nanay sa loob ng bahay.

Nagmamadali akong tumakbo dala ang pasyente ko. Ang iilang dahon ay nahulog na dahil sa pagmamadali ko.

"Saglit lang, ha? Magtiwala ka lang sa akin.." ngumiti ako. "Ililigtas ko ang buhay mo."

Pinasok ko ang kakahuyan malapit kina Aling Nenita. Hanggang dito ay rinig ko pa rin ang pagtawag ni nanay sa pangalan ko. Ayaw ko pa ngang umuwi! Baka mamatay ang pasyente ko kung hindi ko siya gagamutin ngayon.

Hindi ko namalayang nakalayo na ako sa kakahuyan. Natatanaw ko na ang malaking bahay nina Aling Nenita bukod sa nauna kanina. Maraming tanim ang pamilya niya at mga trabahador, binibigyan pa nga nila kami ng prutas. Ang alam ko pa ay binebenta nila ang mga ito sa palengke.

"Ally, nandito ka na naman? Tanghali na, ah?"

Ngumisi ako sa isa sa nag-aani. "Naglalaro lang po, kuya!"

Kumunot ang noo niya. "Hindi ka pa kumakain, 'no?"

Humagikgik ako saka umiwas ng tingin. Agad akong tumakbo palayo saka pumunta sa gate ng malaking bahay nina Aling Nenita. Tumalon-talon pa ako para makita kung mayroong magbubukas ng gate para sa akin. Napansin kong mayroong mga bagong sasakyan ang nakaparada sa harap. Kanila kaya ito?

"Magandang araw, Mang Renato!" Kumaway ako.

"Nandiyan ka pala, Ally!"

Lumapit siya sa gate saka binuksan iyon. Si Mang Renato ay isa sa guard ng farm na ito. Kung minsan ay nagmamaneho rin siya ng truck.

"Napadalaw ka ulit?"

Hinaplos niya ang buhok ko saka pinunasan ang pawis ko sa noo. Ngumiti ako nang malawak saka nagtanong.

"Si Aling Nenita po?"

"May bisita siya ngayon, galing Maynila.." tumingin siya sa dala ko. "May kailangan ka ba?"

Tumango ako saka lalong ipinakita ang dala kong mga patpat at dahon.

"Ililigtas ko lang po ang pasyente ko. Puwedeng humingi ng kaonting santan?"

Kumunot ang noo niya saka naglakad patungo sa halaman. Masaya akong tumawa saka sumunod. Hindi ko maiwasang mamangha sa magagarang sasakyan na narito ngayon. Ganitong ba ang uri ng sasakyan sa Maynila? Pampasahero lamang kasi ang madalas kong makita rito sa lugar namin.

"Pasyente? Doktor ka ba?"

Pumitas siya sa halaman saka iniabot sa akin iyon. Magiliw ko iyong tinanggap habang pinagkakasya ang lahat sa kamay ko.

"Opo!"

"Bakit puro dahon? Albularyo ka yata, hindi doktor.."

Tumawa siya saka ginulo ang buhok ko. Ngumuso ako saka ipinadyak ang paa ko.

"Mang Renato naman, e."

Umiling siya habang tumatawa pa rin. Tumawa na rin ako nang agawin ng balbas niya ang atensiyon ko. Nakakatawa ang hitsura!

"Pangarap mo ba ang magdoktor?"

Tumango ako saka sinabayan siya pabalik sa gate. Ang iilang dahon na dala ko mula kanina ay nagsisimula na namang mahulog. Hindi bale na, marami naman dito sa farm.

Rage Against The Heart (Valdemar Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon