04 – Remember
Napagdesisyunan kong bawiin ang sinabi ko kina nanay. Pakiramdam ko'y dapat nga lang na hindi muna ako lumuwas para mag-aral dahil highschool pa lang naman ako. Kung kolehiyo ay papayag sila, ngunit ngayon ay hindi muna. Gagamitin ko na lang ang isa sa mga scholarship na nakuha ko para bumawas sa gastos namin, para na rin hindi masayang.
Nanatiling gaya ng dati ang ginagawa ko. Tuwing umaga ay nagbabasa ako sa kubo habang nagtatrabaho si tatay, sa hapon naman ay tumutulong ako sa palengke. Hindi na ako bumibisita sa mansyon dahil hindi na rin naman ako interesado sa mga santan gaya noon.
"Malamang ay star section ka sa pasukan. Sana makapasok ako para magkaklase ulit tayo."
Ngumisi ako kay Randy. "Malay mo naman. Ano bang pinakamataas mong grade?"
"90.."
"Pinakamataas na iyon?" Kumunot ang noo ko. "Hindi ako sigurado. Baka sa second section ka mapunta."
Bumuntong-hininga siya saka nagkamot ng ulo. Si Randy ay anak ni Mang Renato. Dati ay hindi naman siya pumupunta rito ngunit nang malaman niyang dito ako madalas tuwing umaga ay nagpupunta na rin siya.
"Sayang naman!"
Mahina akong tumawa. Puwede namang bumawi sa susunod. At saka section lang naman iyon, walang importante ro'n.
"Uy, Ally.. Narito ka pala?"
Bumaling ako sa pinanggalingan ng boses. Mayroon silang dalang supot ng mga prutas na malamang ay galing sa mansyon at ipinamigay ni Aling Nenita.
"Oo, Bien.." ngumiti ako. "Narito ako tuwing umaga."
Tumawa ang katabi niyang si Cyril. "Ayun naman pala! E 'di, dito na lang din kami tuwing umaga!"
Tumawa rin ako saka umiling. "Bawal akong istorbohin. Nagbabasa ako!"
Nang makaalis sila ay binuklat kong muli ang libro ko. Hindi ko alam na mas magiging interesado pala ako sa algebra ng highschool kaysa sa mga simpleng Math ng elementarya.
Nang tumanghali ay sabay kaming umuwi ni tatay at kumain ng tanghalian. Matapos saglit na magpahinga ay dumiretso na ako sa palengke para tulungan si nanay bilang tiga-sukli sa mga namimili. Minsan ay tinutukso ako ng mga kasama niyang gawin ang ginagawa ko noon para makatawag ng costumer pero nahihiya akong gawin.
"Dalaga na ang anak mo, Lilibeth! Noon lang ay musmos pa iyan. Ang bilis talaga ng panahon!"
Ngumisi si nanay habang nagtatadtad ng manok. "Oo nga, e. Highschool na sa pasukan!"
Ngumuso ang isa sa kanila. "E, baka naman may nobyo ka na, Ally!"
Nagtawanan silang lahat kasabay ng pag-iwas ko ng tingin. Nag-init ang pisngi ko saka tinakpan ang mukha ko. Wala kaya akong boyfriend! Masyado pa akong bata para ro'n! At isa pa, kailangan ko munang makapagtapos!
Umuwi na rin kami ni nanay nang maubos agad ang mga manok na natira. Kinabukasan ay hindi magtitinda si nanay dahil maglalaba siya kaya naman buong araw ang ilalagi ko sa farm para magbasa tungkol sa Biology.
Nang mag-umaga ay sumama na ako kay tatay. Ang iilang mga kaklase kong lalaki ay bumisita rin sa farm at pinuntahan ako sa kubo. Hindi rin ako nakapag-aral dahil sa kanila.
"Hoy! Bawal iyang ligawan, ah?" Sigaw ni Mang Boni mula sa taniman. "Tutuktukan ko mga kukote ninyo!"
Nagtawanan ang mga kaklase ko saka isa-isa rin namang umalis kalaunan. Nang tumahimik ang paligid ay saka pa ako nakapagbasa. Hmm. Ano na ba ang topic ko sa Biology ngayon? Taxonomy?
![](https://img.wattpad.com/cover/228229939-288-k596301.jpg)
BINABASA MO ANG
Rage Against The Heart (Valdemar Series #3)
Teen FictionVALDEMAR SERIES #3 After the tragedy of the Valdemars on the controversial death of their patriarch, Liliana Allysia promised that she will distance herself to everyone of them. For her, proving her mother's innocence after the crime- she, herself...