05 – Dream
Kinusot ko ang mga mata ko nang mag-umaga. Humikab ako saka hinila ang kulambong nakaipit sa ilalim ng kama. Lunes ngayon at balik sa pagtitinda si nanay sa palengke. Si tatay naman ata ay nauna na sa farm.
Hinawi ko ang buhok ko saka binuksan ang kaldero. Mayroong sinangag at itlog ro'n. Wala pa naman akong ganang kumain kaya mamaya na lang muna siguro ako kakain.
Akmang babalik na ako sa higaan nang biglang mayroong kumatok sa pinto. Kumunot ang noo ko saka medyo naiinis na kinamot ang ulo ko.
"Saglit lang!"
Humarap ako sa salamin saka sinuklay ang buhok ko gamit ang daliri ko. Mahina kong tinampal ang pisngi ko para gisingin ang diwa ko. Bumuga ako ng hangin saka naglakad patungo sa pinto at binuksan iyon.
Nanlaki ang mga mata ko nang tumambad si Atlas sa labas. Ang suot niya ay simpleng puting t-shirt lamang at maong na pambaba. Hawak niya ang isang maliit na kaldero habang pinagmamasdan ang mukha ko.
Nagsimula na naman akong kabahan. Napalunok ako saka pilit na ngumiti. Teka, nagsipilyo na ba ako?
"M-magandang umaga!" Bati ko.
Tumango siya saka sumibol ang maliit na ngiti sa labi niya. "Good morning din, Ally."
Tumango ako saka nanatiling pilit na nakangiti. Sandaling katahimikan ang bumalot sa amin bago niya iyon binasag. Bahagya niyang iniangat ang dalang kaldero.
"Ulam.. Pinabibigay ni tita.."
Bumaba ang tingin ko ro'n saka mabilis at parang natatarantang kinuha iyon mula sa mga kamay niya. Ngumiwi siya sa akin ngunit sa huli ay natawa na rin.
"Ah.." tumango akong awang ang labi. "Pakisabi kay Aling Nenita, s-salamat."
Nanatili ang ngiti sa labi niya. Hinawi ko ang buhok ko saka umiwas ng tingin. Pumikit ako nang mariin. Bakit ako kinakabahan? Bakit naman kasi hindi ako magaling makihalubilo sa mga tao?
Bahagya kong iniangat ang kaldero saka pilit na ngumiti. Tumalikod ako para ilagay na iyon sa kusina nang tawagin niya ang pangalan ko.
"Ally.."
Nilingon ko siya. Isang maliit na ngiti ang nakita ko sa labi niya bago nagsalita.
"Pupunta ka ba sa kubo mamaya?"
Tumango ako. "Oo. Doon ako nagbabasa tuwing umaga."
"Sige.. Hihintayin kita ro'n."
Tinalikuran niya ako at nilakad na palayo ang daan palabas sa aming maliit na bakuran. Ang tindig ni Atlas ngayon ay ibang-iba sa noon. Bakit parang ang daming nagbago sa kaniya? Bakit sa akin ay wala naman halos?
Nagmamadali akong kumain nang umagang iyon. Mas mabilis din akong naligo para agad na makapunta sa farm. Biology ulit ang dinala kong libro gaya noong nakaraan, malamang kasi ay mayroong mga kaklase ko ang pupunta sa kubo para makipagkwentuhan. Hindi ko maiintindihan ang equations kung Chemistry o Physics ang dadalhin ko.
Mabilis akong naglakad patungo sa farm. Lahat ng trabahante ay binabati at nginingitian ko tuwing nasasalubong ko. Nang tanawin ko ang kubo ay mayroon nang nakapuwesto. Kinabahan ako nang maisip na baka si Atlas iyon, at hindi nga ako nagkamali. Siya nga iyon.
Kinagat ko ang labi ko saka naglakad patungo ro'n. Matipid ang bawat galaw ko nang ipatong ko ang libro sa kahoy na lamesa.
"Biology?"
Tiningala niya ako saka ipinatong ang siko sa mesa. Binuklat niya ang libro at umangat ang kilay niya nang mapansing puno ng highlight iyon.
"Ah.. Oo."
BINABASA MO ANG
Rage Against The Heart (Valdemar Series #3)
Fiksi RemajaVALDEMAR SERIES #3 After the tragedy of the Valdemars on the controversial death of their patriarch, Liliana Allysia promised that she will distance herself to everyone of them. For her, proving her mother's innocence after the crime- she, herself...