11. Grand Cabin's Monster

6.2K 430 58
                                    


Kahit anong subok kong bumalik sa pagtulog, hindi na talaga ako nakabalik. Wala naman sigurong makakabalik sa pagtulog pagkatapos ng mga nangyari. Nakasampa lang ako sa kama habang namamaluktot doon sa pagkakaupo. Nakabantay lang ako kay Mr. Phillips na nakapikit lang sa upuan niya. Marami pa rin siyang mga sugat pero mga hindi naman nagdudugo na. Pagtunog ng wall clock sa alas-singko impunto, tumayo na siya at lumabas ng kuwarto ko. Hindi niya ako tiningnan, hindi niya ako nilingon, hindi siya nagsalita, tumalikod na lang siya at lumabas.

Tingin ko nga, maayos na ang pakiramdam niya kasi nakatayo na siya nang maayos. Pagkasara niya ng pinto, mabilis akong tumayo.

Hindi ko na alam kung ano na ang nangyayari. Kung bakit ganoon ang nangyayari sa Cabin, kung bakit ganoon ang nangyayari kay Mr. Phillips. Nalilito ako sa nagaganap at hindi ko alam kung nasa lugar ba ako para magtanong.

Natatakot pa rin ako, pero hindi na gaya noong pinupunasan ko siya. Wala siyang ginawa. Wala siyang sinabing kahit ano no'ng sinabi kong gusto ko nang umalis.

Nagbukas ako ng pinto at sinundan ko siya ng tingin. Akala ko, babalik siya sa kuwarto pero hindi. Naabutan ko pa siyang bumaba sa hagdan.

Tiningnan ko ulit yung sahig. Puro na naman dugo sa wooden floor gaya ng nilinis ko kahapon nang umaga.

Galing ba kay Mr. Phillips yung mga dugo? Dahil ba doon sa malaking aso? Paano nakaabot sa third floor yung malaking aso?

Nagsuot na lang ako ng blazer at running shoes. Kinuha ko rin ang wallet ko saka ako bumaba.

Hinanap ko pa kung nasaan si Mr. Phillips pero hindi ko siya nakita sa living room. Inisip kong baka nasa kusina siya kaya sinamantala ko iyon para pasimpleng lumabas ng Cabin.

Bahagya nang lumiliwanag at tahimik pa rin sa paligid. Mabilis akong tumakbo palayo sa mansiyon. Hindi ko alam kung ano ba'ng gagawin ko. Tumakbo agad ako sa asphalt na kalsada papalabas ng Helderiet Woods.

Alam ko namang maraming kung anong hayop sa loob ng kakahuyan, pero nasa Cabin na kami e. Bahay na 'yon, hindi na kakahuyan. Dapat safe na sa loob, pero bakit gano'n pa rin?

Saka si Mr. Phillips, ano ba talaga siya? Bakit kailangang patay ang lahat ng ilaw sa Cabin kapag alas-siyete ng gabi? Bakit kailangang huwag lumabas ng kuwarto pagdating ng alas-dose hanggang alas-sais? Bakit bawal pasukin yung kuwarto sa black door? Bakit tulog sa umaga si Mr. Phillips at sa gabi lang siya gising? Bakit naging pula yung gold niyang mata? Bakit mahaba ang pangil niya? Bakit niya ininom ang dugo ko?

Ang dami kong tanong habang tumatakbo papalabas. Ilang minuto rin ang lumipas bago ko narating ang iron gate. Pagbukas n'on, hingal na hingal akong tumawid sa Belorian Avenue.

Nangangasul pa rin ang langit at paunti-unti nang dumarami ang sasakyan sa kalsada. Sumaglit ako sa Belorian Diner para doon mag-stay. Bumili ako ng kape pampakalma at umupo sa may counter kung saan nagse-serve si Jerry, ang may-edad na ginoong matagal nang nagtatrabaho roon.

Naiwan ko pala ang phone ko sa kuwarto. Hindi ko matatawagan si Zephy.

Humigop ako ng mainit na kape at tinitigan ang tasa. Pamilyar ang gapang ng init sa lalamunan. Kaparehong init na naramdaman ko noong sinipsip ni Mr. Phillips ang dugo ko, pero sa braso naman.

Napapikit na lang ako para makalimutan ang itsura niya, pero pagpikit ko, parang lalo lang luminaw ang gusto ko na ngang kalimutan.

Hawak-hawak lang niya ang braso ko habang nakapikit siya at sinisipsip ang dugo ko. Napalunok ako habang naaalala iyon. Kahit anong isip ko na baka halimaw siyang kinakain ang braso ko, iba talaga ang naaalala ko.

Prios 1: Contract with Mr. PhillipsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon