Fourth day ko sa trabaho at masasabi kong ang dami ko nang nagawang katangahan sa buhay. Paglubog ng araw, nagluto agad ako ng steak ni Mr. Phillips saka ako nagtago sa may kitchen pagkatapos kong ihanda yung mesa. Ayokong maabutan niya ako, nakakahiya talaga yung nangyari sa kotse.
Pero kasalanan ko ba 'yon e siya naman yung nanguna? Siya yung nangagat sa leeg e, buti sana kung ako. Sa susunod nga, hindi ko na siya patutulugin sa balikat ko. Kung alam ko lang na sasakmalin niya ako sa leeg ko, sana itinulak ko na lang siya papuntang bintana at doon pinasandal.
Maaga akong nagluto para sa dinner ko at maaga akong kumain bago siya, kaya maaga rin akong nakapaghugas ng mga ginamit ko. Sumilip ako sa may bintana ng kitchen door nang makarinig ako ng ingay sa labas.
Hayun na naman siya at wala na namang damit pang-itaas. Gusto ko sanang magreklamo na bakit ba lagi siyang naka-topless, kaso naiisip ko na kung wala naman ako rito, naka-topless pa rin naman siya. Saka siya yung may-ari ng bahay. Paano kung magtanong siya na bakit ko pinapansin, baka pagbintangan pa akong pinagpapantasyahan ko yung katawan niyang maraming muscle at firm ang abs.
Napansin kong parang may hinahanap siya sa paligid. Malayo naman siya, higit sampung metro din. Lumingon siya sa likod, sunod sa magkabilang gilid, sunod sa direksyon ko. Nanlaki agad ang mga mata ko at nagsara ng kurtinang maliit lang ang pagkakabukas.
Bigla akong hiningal at napahawak sa dibdib ko. Para akong sinasakal ng pressure tapos kung makakabog naman ang puso ko, parang naghahamon makawala mula sa loob. Gigil na gigil na tumibok, nakakabanas.
Binuksan ko ulit yung bintana para sumilip.
"Ay, palaka!"
Napaatras agad ako kasi dibdib na yung nakita ko. Dahan-dahang bumukas yung pinto ng kusina at pinanlakihan ko na naman ng mata si Mr. Phillips na nakakrus ang mga braso sa dibdib habang tinataasan ako ng kaliwang kilay.
"What are you doing?" seryoso niyang tanong.
"Po?" nanginginig kong tanong.
"Are you still afraid of me, Chancey?" kunot-noo nang tanong niya.
"Po?" Mabilis akong umiling. "Hindi po!"
"Then, what's this?"
"Po? Wh-What's . . . this?" Napangiwi ako sa tanong niya. Ano'ng this ba ang tinutukoy niya?
"Where's your dinner?"
"Ku-kumain na po ako, Mr. Phillips."
"When?"
"Bago po ako mag-ano—magluto ng ano . . . ng hapunan n'yo."
"You seem scared."
"Hindi po!" Mabilis akong yumuko para mag-iwas ng tingin. Hindi naman ako natatakot. Naiilang saka nahihiya ako. Sino bang matinong tao ang gagawin yung ginawa ko kanina? Buti sana kung intensyon ko talagang mang-akit ng mayamang boss. Maliban sa ayokong magkaroon ng problema sa trabaho, nakakadiri kayang imagine-in na nang-aakit ako. Ew lang, ha.
"Samahan mo 'kong kumain."
"Po?"
Imbis na sagutin ako, tumalikod lang siya tapos dumiretso sa puwesto niya sa mesa.
Ano ba naman 'yan? Inagahan ko na nga ang pagkain para hindi ko siya makasabay, pasasabayin din pala niya ako sa pagkain niya. Hindi ba siya marunong makaramdam na ang awkward talaga para sa akin ng nangyari kanina sa kotse?
Wala akong choice kundi sumunod. Baka kapag nagalit siya, kung hindi man niya ako kainin nang buhay, baka i-hold naman niya yung sahod ko. Both reason, ayokong mangyari kasi pareho akong patay kung sakali man. At mas natatakot pa akong i-hold niya ang sahod ko kaysa kainin niya ako nang buhay dahil mas posible pa niyang alisan ako ng income kaysa ubusin niya lahat ng dugo ko sa katawan.
BINABASA MO ANG
Prios 1: Contract with Mr. Phillips
VampireNapakadaldal na babae ni Chancey kaya kataka-taka kung bakit siya ang napiling sekretarya ni Mr. Donovan Phillips sa gitna ng napakatahimik na lugar ng Helderiet Woods. Kalat na kalat ang balitang walang tumatagal na sekretarya sa chairman ng Prios...