Mukhang kilala ni Mrs. Serena ang mama ko, at sinabi niyang mama ko ang dahilan kaya namatay ang may-ari ng Grand Cabin. Wala naman akong matandaang ginawa ni Mama noon na talagang nakakapanindig-balahibo. Seven years old ako noong matapos ni Papa ang painting sa second floor, at sinasabi nila na Marius Helderiet ang pangalan n'on. Kung sino man siya at kung ano'ng kaugnayan ng mama ko sa kanya kaya siya namatay, feeling ko naman, hindi kasalanan ng mama ko iyon. Kasi kung mama ko ang dahilan, e di sana, hindi na kami nakabalik dito sa Grand Cabin noong town declaration para gawing private itong Helderiet Woods.
Saka bakit niya ako paaalisin sa Cabin e si Mr. Phillips naman ang nagpatuloy sa akin dito? Kung may sahod na ako, lilipat na lang agad ako sa apartment na malayo rito para hindi ako nabubulahaw tuwing gabi sa kalagitnaan ng tulog ko.
Hindi na lang ako nagsalita at hinintay na lang silang umalis ng mansiyon para makaalis din ako papuntang Onyx. May deretsong sakay naman papunta roon paglabas ko ng iron gate.
Wala akong number ni Eul, at sinabi na rin niyang night to morning ang shift niya. Ibig sabihin, wala siya sa JGM nang umaga.
Nakakapaglakad naman siya sa araw gaya ni Lance kaya mukhang hindi naman sila masusunog. Siguro, sanay lang talaga siya sa night shift. Si Lance naman, morning shift.
Ang weird na puro sila mga imortal pero mukha rin silang mga tao. Wala bang nagtataka sa paligid nila kung bakit buhay pa rin sila at parang hindi tumatanda? Si Mr. Phillips, maiintindihan ko pa. Pero sina Eul?
Sampung minutong lakaran din ang palabas ng Helderiet Woods. Gusto ko sanang magsuot ng mga pinamili namin ni Mr. Phillips, kaso hindi naman ako mag-oopisina kaya nag-pullover lang ako na navy blue at denim jeans. Mahigpit ang kapit ko sa sling bag kasi nasa loob ang red phone kong pagkamahal-mahal.
Hindi ko naman kinukuwestiyon ang yaman ni Mr. Phillips, pero grabe kung makawaldas ng pera, ako na ang nahihiyang gumastos para sa kanya.
Every two weeks, matatanggap ko ang sahod ko. Ibig sabihin, sa susunod na linggo pa ulit ako magkakapera nang malaki. Pero ayos lang naman kasi sa Friday, magkaka-allowance na naman ako.
Mukhang hindi ako mamumulubi dahil kay Mr. Phillips. Ang laki ng tipid ko sa gastos. Walang gastos sa pamasahe, walang gastos sa renta sa bahay. Ang gastos ko lang, pagkain. E mabubuhay na ako sa isang araw sa two dollars lang. May one hundred dollars akong allowance for one week. 'Tapos may mga overtime pay pa pala ako kung lulutuan ko na naman ng breakfast bukas si Mr. Phillips.
Ang sarap din palang maging sekretarya ng chairman. Hindi nambuburaot ng empleyado.
Paglabas ko sa iron gate, lumiko agad ako sa kanan at nag-stay sa bus stop na ilang metro lang ang layo sa entrance ng Helderiet Woods. Pagkasakay ko sa bus na ilan lang ang pasahero, wala pang limang minuto, nakababa na ako sa Onyx.
"Hi, Johnny!" bati ko sa kakilala kong tagaroon.
"Chancey!" Humalakhak naman si Johnny kaya narinig ko na naman ang tawa niyang parang tawa ng higante.
May-edad na rin siya, nasa singkuwenta na rin mahigit, hindi ako sigurado. Puro na puti ang buhok niya, pati nga ang bigote saka balbas niyang hindi niya inaahit. Mukha nga siyang Santa Claus.
Naglahad ako ng mga braso kaya mahigpit din niya akong niyakap.
"Aah!" Napatili ako nang bigla niya akong inangat para yakapin nang mas mahigpit pa. "Hahaha! Si Johnny talaga!"
Tinawanan lang niya ako pagkabitiw niya sa akin at marahang kinurot ang pisngi ko.
Malapit na kaibigan ni Mama si Johnny. At itong shop ng Onyx? Sobrang tagal na nitong nakatayo sa dulo ng Helderiet Woods. Dito bumibili ng gamit si Mama kapag naglalaro kami sa gubat noon. Hindi ko na masabing laro ang ginagawa namin kasi nanghuhuli talaga kami ng hapunan. Pero siyempre, bata pa ako noon kaya iniisip kong laro lang. Kahit din naman noong college ako, dito ako bumibili ng mga pana kapag may practice kami sa archery.
BINABASA MO ANG
Prios 1: Contract with Mr. Phillips
VampireNapakadaldal na babae ni Chancey kaya kataka-taka kung bakit siya ang napiling sekretarya ni Mr. Donovan Phillips sa gitna ng napakatahimik na lugar ng Helderiet Woods. Kalat na kalat ang balitang walang tumatagal na sekretarya sa chairman ng Prios...