24. The Seal

5.5K 371 53
                                    

Ayaw mawala ng malakas na kabog ng dibdib ko kahit nakabalik na ako sa kuwarto ko sa third floor. Sumilip ako sa nakabukas na pinto ng black door pero wala pa rin doon si Mr. Phillips, at wala ring dugong nakakalat sa sahig.

Ang lalim ng buntonghininga ko nang isara ko ulit iyon at saka ako bumalik sa kuwarto habang hawak-hawak ang kaliwang braso kong sobrang sakit. Para akong tinuhog ng tubo 'tapos hindi ko na maramdaman kung may balikat pa ba ako o wala na. Basta sa sobrang sakit, nakakamanhid na sa mismong sugat at nakakairita sa pakiramdam sa ibang parte na hindi naman sobrang apektado.

Wala ngang dugo sa sahig ng blank room, balikat ko naman ang naglawa ng dugo, nakakaloka. Napagalitan pa tuloy ako.

Hinihingal akong umupo pabagsak sa wooden chair na palagi kong ibinibigay kay Mr. Phillips kapag pumapasok siya sa loob ng kuwarto ko.

Hindi ko talaga alam kung ano bang klaseng mga monster yung kanina. Nagta-transform pala sila, kaya pala shapeshifting ang tawag ni Mr. Phillips sa ginagawa ng mga shifter. May mga ganoong nilalang pala rito sa loob ng Helderiet. Akala ko, nakakatakot na ang malamang may mga bampira dito. Mas nakakatakot palang malamang may mga taong putik na nagiging hayop 'tapos umaatake sa gabi. Nakakaloka. Singilin ko na rin kaya si Mr. Phillips sa night differential? Parang lugi ako sa 200 dollars pampaospital pa lang.

Pumikit ako at ibinagsak ang mga kamay ko sa magkabilang gilid habang tinitiis ang pagpintig ng sugat ko sa kaliwang balikat. Kaya pala ganito palagi ang ayos ni Mr. Phillips kapag nakaupo siya rito sa wooden chair, mas komportable pala kahit masakit sa katawan.

May sumpa siguro itong upuan. Nauuhaw na rin ako e. Pero ayoko naman ng dugo. Gusto ko ng tubig—yung sobrang lamig na tubig. Natutuyuan ako ng lalamunan.

Gusto ko nang matulog. Pagsulyap ko sa orasan, mag-aala-una pa lang pala ng madaling-araw. Kung alam ko lang na masusugatan ako nang malala, natulog na lang sana ako at hinayaan si Mr. Phillips na lumaban mag-isa. Ang pabibo ko rin talaga minsan, nakakabanas ang ugali ko, parang tanga.

Sumaglit lang ako ng pikit kasi talagang ang bigat na ng talukap ng mata ko. Pagdilat ko, may nakahambalang na sa harapan ko. Tumingala pa ako at halos bumagsak palikod ang ulo ko sa sobrang bigat. Hindi nga lang natuloy dahil may sumalo agad. Pag-ayos ko ng upo, seryosong mukha ni Mr. Phillips ang una kong nakita.

Gusto kong tumawa nang malakas pero wala na talaga akong energy para tawanan siya. Sobrang bigat pa ng ulo ko. Kung natawa man ako, sobrang hina pa at parang nang-aasar na ngisi na lang.

"Don't sleep, Chancey, or else you're gonna die."

"Araaay!" Napatili agad ako dahil biglang sumakit ang sugat ko. Iyon pala, diniinan niya ng kuko roon. "Mr. Phillips naman!"

"Now, you're awake."

Ang sama talaga niya! Gusto ko na ngang magpahinga kasi inaantok na ako e! Ano ba naman itong bampirang ito, walang konsiderasyon? Nakita na ngang may sugat ako, o! Bulag lang? Bulag?

Nakarinig ako ng telang pinupunit at pinandilatan ko agad ang ginagawa niya sa T-shirt ko.

"Mr. Phillips, ano'ng ginagawa mo?" reklamo ko agad kasi hinuhubaran niya ako. "Huwag po! Hindi pa ako ready!"

Imbes na sumagot, pumunta lang siya sa banyo, at pagbalik niya, dala na niya ang lagi kong ginagamit kapag nililinisan ko siya. Yung metal bowl saka yung puting face towel.

Akala ko, sa kanya ko gagamitin iyon ngayon. Sa akin na pala.

Nagising ang diwa ko sa sobrang kirot, namamanhid na nga kanina. Ngayon, bumalik na naman ang sakit na parang sinasaksak ng ice pick ang mismong sugat ko kaya lalong nagdurugo.

Prios 1: Contract with Mr. PhillipsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon