Itong si Mr. Phillips, hindi ko alam kung ano ba talagang problema nito at labas nang labas para lang saktan ang sarili. Kung ako siya, magsasara na lang ako ng bahay sa gabi at hahayaan yung mga monster na gumala-gala sa kung saan man nila gustuhin. Saka kahit pa sabihin niyang kasalanan ko kaya inaatake itong Cabin ng mga monster sa labas, hindi naman siguro nila masisira agad-agad yung bintana.Wala nga akong makitang sira sa pader ng Cabin noong tinapon ko yung karne-
Ay, shit! Ibig sabihin, karne ng monster yung kinakain ng mga fox noong nakaraan? YUCK! Tapos tinangay ko pa sa kakahuyan? My gosh, ang tapang ko naman para lumapit doon. Buti hindi ako pumasok sa loob kahit parang ang sarap mamasyal.
"Nakita mo 'to, Mr. Phillips?" tanong ko habang tinuturo yung dibdib niyang may tatlong kalmot. "Wala ka sanang ganyan kung di ka lumabas."
Inabot ko sa kanya ang puting bathrobe na nakatago sa drawer ng closet na naroon na bago pa ako makapagligpit ng mga gamit ko noong isang araw.
"Naiintindihan ko naman na ginagawa n'yo 'to gabi-gabi, pero hindi naman puwedeng gabi-gabi n'yong pinapahamak ang sarili n'yo. Paano kapag namatay kayo, sino'ng magpapasahod sa 'kin? Kanino na 'ko magtatrabaho?"
Sumampa ako sa kama kung saan ko siya pinaupo pasandal sa headboard. Nag-indian seat ako sa kaliwa niya at nabuburyong siyang pinanood habang sinusuot nang dahan-dahan ang bathrobe.
Naiinis ako na naaawa habang pinanonood siya. Halatang hirap na hirap siya dahil sa malaking sugat niya. Wala na rin naman yung mga sugat niya kagabi, at hindi ko alam kung paano iyon nangyari. Kung mabilis gumaling ang mga sugat niya, baka kaya ang lakas ng loob niyang makipagpatayan sa labas tuwing gabi.
"May paraan ba para di mo na kailangang lumabas tuwing gabi, Mr. Phillips?" seryoso kong tanong sa kanya nang masuot na niya ang bathrobe at bumalik sa pagkakasandal sa headboard. Iyon lang, hindi niya isinara yung robe at kita pa rin ang katawan niyang may mga sugat.
"Chancey." Tiningnan niya ako para makiusap.
At anong ipapakiusap niya? Na huwag na akong magtanong? So, habang narito ako sa Cabin, gabi-gabi kaming may ganitong ganap? Magigising ako sa kalabog, babagsak siya sa duguang sahig, tapos gagamutin ko siya sa mga sugat niya? Aba! Nurse ang kailangan niya, hindi sekretarya!
Napapakamot na lang ako ng ulo. Hindi ko siya nage-gets. Sino ba'ng may gustong ipahamak ang sarili niya? Ang sabi ko at ang usapan namin, babantayan niya ako-dito sa loob, hindi sa labas. Ang sarap-sarap ng tulog ko, biglang makakalampagan sa kabila.
"Wala pang alas-kuwatro, Mr. Phillips. May mga kumakalabog pa sa labas. Kapag bumalik ka sa kuwarto mo, baka nasa bintana mo naman yung mga monster." Umupo ako sa tabi niya at hinawakan siya sa kaliwang kamay. Isinilid ko ang mga daliri ko sa pagitan ng mga daliri niya para pigilan siya. "Hahawakan na lang kita para di ka alis nang alis."
Ito si Mr. Phillips, ikadena ko na lang kaya ito tuwing gabi para hindi labas nang labas. Pang-apat na araw ko na ngayon. Kung mamayang gabi, ganito na naman ang mangyayari, e di sana buong araw na lang din akong matulog at sa gabi gising para nakikita ko ang ginagawa niya.
Baka kaya walang tumatagal sa kanyang sekretarya, ganito ang nangyayari. E kahit sino naman yatang magtatrabaho sa ganito, hindi rin magtatagal.
Paano ako aalis nito ngayon? Wala pa akong sahod maliban sa allowance ko. Kulang pa 'yon pambayad sa renta sa apartment. Saka kung iiwan ko naman si Mr. Phillips, maghahanap na naman siya ng bagong sekretarya. E ang hirap-hirap pumasa sa application sa kanila, tapos ganito pa ang maaabutan nila rito sa Grand Cabin.
"Mr. Phillips, puwede bang isara na lang natin yung bintana sa kabila para di pumasok dito yung mga monster?" tanong ko pagtingin ko sa mukha niya. Nakapikit lang siya at nakasandal ang ulo sa may dingding sa likuran naming dalawa. Tulog ba siya?
BINABASA MO ANG
Prios 1: Contract with Mr. Phillips
VampireNapakadaldal na babae ni Chancey kaya kataka-taka kung bakit siya ang napiling sekretarya ni Mr. Donovan Phillips sa gitna ng napakatahimik na lugar ng Helderiet Woods. Kalat na kalat ang balitang walang tumatagal na sekretarya sa chairman ng Prios...