Hulog talaga ng langit si Eul. Pagkatapos kasi ng ginawa niya sa balikat ko kahit parang sinunog ang kalamnan ko, parang wala akong damage na natanggap. Nakikilos ko ulit yung balikat ko nang maayos. Kahit isang bakas ng hiwa, wala na. Kahit yung hiwa sa braso ko, pinadamay ko na kaya wala na akong sugat na aalalahanin.
"Eul, tanghali ka na naman uuwi," sabi ko habang iniikot-ikot ang balikat kong maayos na.
"It's okay, Miss Chancey. Hindi ko naman puwedeng tanggihan si Mr. Phillips."
Matipid akong ngumiti saka marahang tumango habang nakatitig sa kanya roon sa ladderback. Ang prim and proper ni Eul, saka ang aliwalas ng mukha niya. Naka-krus lang ang mga binti niya at nakasalikop ang mga daliri paipit sa kanang tuhod na nasa ibabaw ng kaliwa.
"Eul, hindi ka ba magtatanong kung bakit di ako nagulat sa ginawa mo?" tanong ko pa. Kasi parang aware na aware na siya sa kung ano man ang alam ko tungkol sa kanila. "Ang ano mo, 'no? Ano'ng tawag do'n? Parang . . .?"
"Walang nagtatagal dito sa Cabin, Miss Chancey. Kahit ang mga maidservant, hindi nagtatagal dito nang isang buong araw. At hindi mga normal na tao ang lumalampas pa nang higit sa dalawa."
Kahit para may sinasabing sobrang nakakatakot na bagay si Eul, hindi ako tinatablan ng takot kasi naka-smile pa rin siya. Yung smile pa naman siya, sobrang sweet, nakakakilig titigan.
Bumalik ako sa pagkakaupo sa kama ni Mr. Phillips at tinitigan siya. "Eul, tanong lang, ilang taon ka nang nagtatrabaho kay Mr. Phillips?"
Mahinhing tumawa si Eul. "Nagtatrabaho ako sa pamilya, Miss Chancey. Hindi lang kay Mr. Phillips."
"Ano'ng pamilya? Mga vampire? Kung bakit may pamilya pala siya, bakit mag-isa lang siya rito sa Cabin?"
"May dahilan kaya narito si Mr. Phillips, Miss Chancey."
"Kasi parusa niya? Kasi pinatapon siya rito? Kasi nagalit yung family sa kanya kasi nag-asawa siya ng tao?"
Nginitian na naman niya ako imbes na sagutin. Ang saya siguro ng buhay nito ni Eul? Parang hindi nawawalan ng dahilan para ngumiti.
"Hindi ba kayo naaawa kay Mr. Phillips?" tanong ko na lang. "Gabi-gabi siyang nasusugatan dito. Although, mabilis naman siyang gumaling, pero di ba? Sino bang may gustong nasasaktan sila?"
"Miss Chancey, this is a family decision, at hindi natin dapat pinanghihimasukan ang mga ganitong bagay."
"Pero kasi—"
"Alam kong masaya si Mr. Phillips dahil hindi ka umalis kahit nalaman mo na ang totoo, Miss Chancey. At nagpapasalamat din ako sa pag-aalala mo sa kanya."
"Pero nahihirapan pa rin siya rito lalo na kasi nandito nga ako."
"Narito siya dahil pinili niyang manatili sa pamilya. Siya lang ang nagtatagal nang may gintong mata sa kanila, Miss Chancey. Kahinaan ang ibig sabihin n'on, at hindi tumatanggap ng mahihina ang pamilya."
"Hindi siya mahina, Eul. Alam ko."
"At alam ko rin iyon, Miss Chancey. Pero hindi dahil alam natin ay alam at tanggap din ng iba."
"Kaya pumapayag ka?"
Ngumiti na naman siya nang matipid, at hindi na ako natuwa. "I'm in no position to speak about that, Miss Chancey. Naglilingkod lang ako, at iyon lang ang tungkulin ko. Kung may magagawa man akong higit pa roon, iyon ay kung bibigyan ako ng pagkakataon."
"Pero kung bibigyan ka ng pagkakataon, tutulungan mo ba siya?"
"I am doing that right now. I'm not allowed to use my ability to cure anyone because that's another job for another family member. At nakiusap si Mr. Phillips na pagalingin kita."
BINABASA MO ANG
Prios 1: Contract with Mr. Phillips
VampireNapakadaldal na babae ni Chancey kaya kataka-taka kung bakit siya ang napiling sekretarya ni Mr. Donovan Phillips sa gitna ng napakatahimik na lugar ng Helderiet Woods. Kalat na kalat ang balitang walang tumatagal na sekretarya sa chairman ng Prios...