Hindi ko naman itatangging natatakot ako. At ayoko na ring lumabas para mag-walkout kasi gabing-gabi na. Sabi ni Mr. Phillips, hindi raw ako puwedeng matulog sa kuwarto niya kasi nga naman katabi lang ng bintana niya yung bintana sa kabila.
Oo nga naman. Kung doon ako sa kuwarto niya, e di mas delikado ako. Ang tanga ko rin minsan mag-isip.
Kaya ang nangyari, pagkatapos kong maligo at magbihis ng malaking pulang T-shirt at maikling cotton shorts, kinatok ko ang pinto ni Mr. Phillips para sabihing matutulog na ako.
Alam ko namang medyo makapal ang mukha ko para utusan siyang bantayan ako samantalang ako nga yung sekretarya niya, pero siya naman kasi yung powerful sa aming dalawa physically. Saka nag-promise na siyang babantayan niya ako kaya dapat tuparin niya 'yon kasi aasa ako sa salita niya. Saka kapag hindi niya talaga ako binantayan, talagang kakalampagin ko ang kuwarto niya buong magdamag.
Madali namang kausap si Mr. Phillips at hindi na siya nagpapilit. Pagpasok niya sa kuwarto ko, nginitian ko agad siya.
"Doon na lang po kayo sa kama, dito na lang po ako sa sahig matutulog," sabi ko habang tinuturo sa kanya ang higaan kong niligpit ko pa nang bonggang-bongga saka pinabanguhan para hindi naman amoy something na aayawan niya.
"No, that's your bed, Chancey. I'll sit here." Kinuha niya ang wooden chair sa dresser at doon naupo.
"Pero, Mr. Phillips, hindi kayo puwedeng maupo buong gabi." Itinuro ko ulit yung kama. "Doon na lang kayo sa kama."
"I'm good, thank you." Nagkrus siya ng mga braso at binti.
"Mr. Phillips, kayo yung may-ari nitong Cabin, tapos mauupo lang kayo magdamag? Sa sahig naman ako hihiga! Sanay ako sa sahig!"
"I'm not even asking, Chancey." Itinuro niya ang kama gamit ang nakalahad na kanang palad. "Go to sleep, babantayan kita."
Nagpamaywang agad ako. "Mr. Phillips, bakit ba ang kulit mo?"
Nagtaas agad siya ng mga kilay at nagtatakang tiningnan ako. "Excuse me?"
Itinuro ko ulit yung kama. "Doon ka nga kasi sa kama! Ako sa sahig!"
"Are you scolding me, Chancey?"
Kumalma naman ako. "Hindi naman sa gano'n, Mr. Phillips. Ang akin lang, mangangawit kayo diyan sa upuan."
"Chancey, ikaw ang matutulog sa ating dalawa."
"Doon ka," naiinis nang utos ko at itinuro ulit ang kama.
Ang kulit-kulit ni Mr. Phillips, nakakaloka siya. Wala namang kakain sa kanya sa kama. Saka sa sahig nga ako matutulog para komportable siya sa puwesto niya tapos makikipagtalo pa sa akin.
Bumuga siya ng hininga at tumayo na.
Marunong din naman pala siyang sumunod, gusto pang—
"MR. PHILLIPS!"
Napasigaw na lang ako nang bigla niya akong buhatin gamit lang ang kanang braso.
"AAAHH—Aray!" Tumalbog agad ako sa kama nang ibato niya ako na parang manika lang.
"Stay there or I'll eat you alive," banta niya sa akin nang duruin ako. Tumalikod na agad siya at bumalik sa inupuan niya.
"Sabi mo, di ka kumakain ng tao!" sigaw ko sa kanya pagkabangon ko.
"I'll make an exemption if you didn't shut your mouth." Umupo na ulit siya at bumalik sa pagkrus ng mga braso at binti saka ako matiim na tiningnan.
Nanlaki lang ang butas ng ilong ko sa sinabi niya. Ito si Mr. Phillips, siguro allergic lang sa tao 'to kaya ganito ang ugali. O baka ayaw lang talagang mahiga kaya ayaw sa kama.
BINABASA MO ANG
Prios 1: Contract with Mr. Phillips
VampireNapakadaldal na babae ni Chancey kaya kataka-taka kung bakit siya ang napiling sekretarya ni Mr. Donovan Phillips sa gitna ng napakatahimik na lugar ng Helderiet Woods. Kalat na kalat ang balitang walang tumatagal na sekretarya sa chairman ng Prios...