Chapter 7

3.5K 177 1
                                    

Naramdaman ni Beluria ang lamig kaya niyakap niya si Hit pero bigla rin siyang nagmulat ng mga mata para malaman kung si Hit talaga ang niyakap niya. Laking pasalamat niya dahil si Hit ang katabi niya pero-

Bakit na sa labas siya ng bahay?

Nakahiga siya sa bermuda grass sapin ang isang makapal na kumot. Nakaupo naman sa tabi niya si Mutual habang pinapanood ang paglubog ng araw.

Bumangon siya at humarap sa seryosong lalaki.

"Anong nangyari?" Tanong niya kahit inaasahan na niyang hindi ito sasagot.

Ang huli niyang natandaan may tumamang bagay sa kanyang noo kaya't nagdilim ang paningin niya. Nang hawakan niya ang sariling noo, may benda iyon.

"Uy!" Muli niyang kuha sa atensyon nito.

Tumingin lang ito sa kanya at itinuro ang noo niya. Hindi niya nakuha ang ibig nitong sabihin kaya tinanong na lang niya kung nasaan ang mga kaibigan.

"Nasaan sina Lena?" Itinuturo naman nito ang purok. Malamang umuwi na ang mga 'yon dahil malapit ng sumapit ang gabi.

"Bakit na sa labas tayo?" Tinuro naman nito ang paglubog ng araw.

"Gusto mong panoorin 'yan?" Tumango ito.

"Nakakasawa na 'yan panoorin," reklamo niya at muling humiga. Ginawa niyang unan si Hit. Kitang-kita pa rin ang paglubog ng araw kahit nakahiga siya. "Hindi ka pa nakakakita ng paglubog ng araw?" Muli niyang tanong at tumingin dito. Umiling ito.

"Palagi mo 'yan mapapanood kapag narito ka tuwing hapon. Araw-araw ko 'yan nakikita kaya nakakasawa na rin." Aniya.

Wala naman itong reaksyon.

"Bakit ba gusto mo 'yan panoorin?" Wala pa rin itong reaksyon.

"Dahil ba sa girlfriend mo?" Bigla itong tumingin sa kanya kaya't bigla rin siyang bumangon, "May girlfriend ka?" Gulat niyang tanong.

Parang may na-realize naman ito at umiwas ng tingin sa kanya. Binalik nito ang tingin sa pinapanood.

"Killjoy mo talaga," Nguso niya at umayos ng upo.

Tumingin na rin siya sa pinapanood ng lalaki.

Humahanga talaga siya sa tanawin habang lumulubog ang araw. Parang iyon ang nagsisilbing hudyat para magpahinga sa nakakapagod na maghapon. Dati-rati gusto niyang mapanood ito pero kapag palagi mong nakikita ang bagay na gustong-gusto mo, nagiging pangkaraniwan na rin iyon.

Tahimik lang si Beluria habang tinitiis ang malamig na simoy ng hangin.

Tumingin siyang muli kay Mutual.

"Hindi ka ba nilalamig?" Hindi siya nito pinansin.

"Ang sarap mong kausap," bulong niya. "Ano bang silbi ko rito? Bakit nasa labas din ako? Pwede naman niyang panoorin ang paglubog ng araw kahit nag-iisa ah. Ang lamig kaya rito." Reklamo niya sa sarili dahil hindi naman siya pinapansin ni Mutual. Ibinalot niya ang laylayan ng kumot sa katawan niya.

Umayos ng upo si Beluria habang nakabalot hawak ang kumot. Napansin niyang pinagmamasdan siya ni Mutual.

Matamis siyang ngumiti rito.

"Sige, manood ka lang. Narito lang ako at sasamahan ka. Alam kong masarap panoorin ang paglubog ng araw kapag may kasama." Nakangiti niyang sabi pero sa kaloob-looban ay nagngingitngit na siya dahil sa lamig.

Nakatitig lang ito sa kanya. Tila sinusukat kung totoo ba ang sinasabi niya.

"Alam kong maganda ako, pero naroon ang tanawin na nais mong makita kaya tumingin ka roon!" Hinawakan pa niya ang mukha nito at marahang hinarap sa araw na malapit ng magtago sa dilim.

Lady HUNTERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon