Nakarating na si Beluria at Mutual sa tahanan ng dalaga pero nananatili pa rin ang tingin ni Beluria kay Mutual. Kanina pa niya ito tinatanong kung ito ba ang narinig niyang nagsalita o guni-guni lang niya. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin nito pinapansin ang mga sinasabi niya.
"Uy! Huwag ka ng mahiya sa'kin. Magsalita ka na. Promise, hindi ko ipagsasabi. Usapang matino, sa atin lang dalawa 'to," muli niyang pangungulit habang naghahapunan sila. Tinaas pa niya ang kaliwang kamay dahil injured ang kanan niya.
Si Mutual ang naghanda ng kanilang hapunan. Masasabi niyang magaling ang lalaki sa pagluluto. Eksperto itong kumikilos sa kanyang kusina kanina. Tila sanay na sanay itong gumamit ng lutuan gamit ang kahoy bilang panggatong. Napuno ng mabangong amoy ng pagkain ang buong bahay pero inuna pa rin niyang kulitin ang lalaki kaysa kumain.
Pinipilit niya talaga sa kanyang sarili na si Mutual ang nagsalita kanina. Pero base sa pinapakita nitong reaksyon ngayon, parang hindi ito ang nagsalita kanina. Dalawa lang naman sila. Baka si Hit ang nagsalita?
Biglang tumingin si Beluria kay Hit ng maisip iyon.
"Hindi." Ipinilig niya ang ulo. "Imposibleng nagsalita si Hit." Muli niyang tiningnan si Hit habang kumakain sa ibaba ng mesa. "Napaka-imposible talaga."
Lumingon naman siya kay Mutual nang marinig ang tunog sa kanyang plato.
Tinuktok nito ang plato niya para kunin ang kanyang atensyon at itinuro nito ang walang bawas na pagkain sa plato niya.
"Magsalita ka muna, kakain ako." Kunwari hamon niya. Baka matakot at biglang magsalita. Gusto niyang patunayan na ito ang nagsalita para hindi niya isiping nagsalita si Hit o kaya naman ay may sumusunod sa kanilang multo.
Napanguso na lang si Beluria ng itinuloy nito ang pagkain at binalewala siya.
"Killjoy naman nito," reklamo niya bago simulan ang pagkain.
Kahit natapos na sila sa pagkain iniisip pa rin ni Beluria ang narinig.
"Baka naman nasa isip ko lang 'yon?" Muli niyang tanong sa sarili habang pinapanood ang paghuhugas ni Mutual sa kanilang pinagkainan.
Nakatalikod ito sa kanya.
Lumapit naman siya sa katabi nito.
"Hindi ka ba nakakapagsalita o ayaw mo lang magsalita?" tanong niya rito. Sumandal pa siya sa dingding malapit dito.
Hindi siya nito pinansin.
"Guni-guni ko lang ba 'yon?" muli niyang sabi sa sarili. "Nababaliw na yata ako." Napakamot pa siya sa kanyang ulo.
Naramdaman niyang may kumalabit sa kanya kaya muli siyang bumaling kay Mutual.
Tinuro nito ang buo niyang katawan bago ang pintuan ng kanyang palikuran. Nakuha naman niya ang ibig sabihin nito.
Siguro nga hindi nito kayang magsalita dahil mahirap gawin ang sign language kung pwede namang gamitin ang bibig. Alangan namang pinapahirapan lang nito ang sarili o kaya trip lang ni Mutual na hindi magsalita. Kakaibang trip naman iyon.
Tumango na lang siya bilang sang-ayon kay Mutual. Natanggal na niya ang ilang kasuotan sa pangangaso tulad ng vest, gloves at boots sa tulong nito. Hindi niya kayang alisin ang gloves sa kaliwang kamay at ang vest kaya hiningi niya ang tulong nito kanina.
Kumuha muna siya ng malinis na damit at towel bago nagtungo sa banyo.
Habang naglilinis ng katawan iniisip niya kung sino ba talaga si Mutual. Kung saan ito nanggaling at kung ano ang nangyari rito dahil sugatan ito ng natagpuan nila. Kagagawan ba iyon ng hayop o tao? Matagal na nilang tinatanong kung ano ang nangyari sa lalaki pero hindi ito nagsasalita kaya't siya na rin ang nagbigay ng pangalan dito para na rin may pagkakakilanlan ang lalaki.
BINABASA MO ANG
Lady HUNTER
AksiA personality that hides in her angelic face and a dangerous capability that hides in her sexy body. What is the biggest secret behind her innocent face? Will the untruth be revealed? Let's find out. **"Extreme emotion can awaken the demon."** Tagal...