Chapter 4

4K 202 11
                                    

"Pasok ka, Mutual. Ano ang iyong sadya?" Tanong ni Aling Liway. 

Inalis nito ang tingin kay Beluria at bumaling sa matanda. Ipinakita nito ang mga hawak na gamit sa pangangaso. 

"O, sige. Ilagay mo na lamang diyan sa gilid." Turo ni Aling Liway sa kabilang tabi. 

Nakasunod lang ang tingin ni Beluria kay Mutual. Muli itong tumingin sa kanya pagkatapos na isalansan ang mga gamit. Tumingin din ito sa may benda niyang kamay. 

"Mutual," bumaling ang tingin nito kay Aling Liway. "Kung hindi nakakaabala sa iyo, pwede mo bang samahan si Beluria sa kanila? Kailangan niya ng makakasama para gumawa ng mabibigat na gawain. Hindi niya pwedeng ikilos pansamantala ang kamay niya."

"Hindi na po kailangan Aling-" 

"Mabuti kung ganun." Nakangiti nitong putol sa sasabihin ni Beluria. 

Bumaling naman siya kay Mutual. 

"Pumayag ka?" Tumango ito sa tanong niya. 

"Inay, payagan mo rin akong samahan si Beluria." Presenta ni Lena pero hindi ito pinansin ni Aling Liway na abala sa inaayos na halamang gamot. Naglalagay ito sa lalagyan at hula niya, iyon ang ipapadala nito sa kanya. 

"Inay-" 

"Tigilan mo ako Lena, hindi ka naman nakakatulong doon." Putol ni Aling Liway sa pangungulit ni Lena. 

"Pero Inay, sino ang magpapalit ng bihisan ni Beluria? 'Di ba bawal pa niyang ikilos ang kanyang kamay? Paano siya makakaligo ng maayos? Kailangan niya ng alalay at ako ang tamang-tama sa trabahong iyon. Hindi naman siya pwedeng bihisan ni Mutual. Baka makapagsalita 'yan ng wala sa oras kapag nakita ang kasexy-han ni Beluria."

"Lena-" Nahihiya niyang saway rito ng bumaling si Mutual sa kanya. Minsan kasi, hindi rin mapigilan ang bibig ni Lena. 

Nakangiting kumindat naman sa kanya si Lena bago muling bumaling kay Aling Liway. Kahit nasa labas na sila ng bahay patuloy pa rin si Lena sa pagkumbinsi sa Ina.

"Sige na, Inay. Payagan mo na ako." 

"Marami tayong gagawin sa bayan. Hindi ka pwedeng sumama. Dumadagsa ang mga mamimili ngayon sa palengke." Balewala ni Aling Liway sa pagmamakaawa ni Lena.

"Si Talet muna ang itulong mo sa pagtitinda. Malaki na 'yon, pwede na siyang sumama sa palengke," tukoy nito sa nakababatang kapatid.

"Tapatin mo nga ako Lena? Bakit ngayon ka lang nagpupumilit sumama sa bahay ni Beluria? Dati-rati ayaw mong magtungo roon dahil sa mataas na daan? Nagrereklamo ka sa pagod at sakit ng binti. Hindi sapat na dahilan ang pagbibihis kay Beluria para sumama ka. Kaya niyang gawin iyon gamit ang isang kamay. Kasama lang si Mutual, sasama ka rin? Umayos ka, Lena. Huwag kang gumaya sa ibang babae riyan sa paligid. Baka makurot kita sa singit." Sermon ni Aling Liway habang nakahawak ang dalawang kamay sa baywang.

Napalunok naman si Lena sa itsura ng Ina. 

"S-sabi ko nga po, ako ang sasama sa'yo sa bayan. Hindi na po ako sasama kay Beluria kasi mahirap ang daan. Baka madapa lang po ako at maging pabigat sa kanya." Nakanguso nitong sagot. "Hatid ko lang po sina Beluria." Hindi na nagsalita si Aling Liway.

Nagpaalam at nagpasalamat naman si Beluria sa matanda bago umalis.

"Pasensya na Beluria hindi ako makakasama sa'yo. Si Inay kasi ang dumi ng isip. Hindi ba pwedeng nag-aalala lang ako sa'yo? Bonus na rin kasi kasama si Mutual, pero ikaw talaga ang dahilan kaya sasama ako. Hindi man lang niya ako pinayagan." Reklamo ni Lena habang naglalakad sila.

Lady HUNTERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon