“Azarea, alam mo ba kung nasaan si Moon? Hindi ko pa iyon nakikita simula noong makakain tayo ng umagahan,” tanong ni Sariya kay Azarea na naghuhugas ng platong ginamit nila ni Sariya. Hindi pa kasi nakakakain si Moon ng tanghalian dahil wala naman siya ngayon doon.
“Hindi ko po alam kung saan siya nagpunta, ina.”
Nakita lamang niya noong lumabas si Moon pero hindi niya alam kung saan ito patungo. Lalo na at hindi naman niya kayang tanungin ito kung saan man ito pupunta dahil wala naman siyang karapatang pigilan ito.
“Ang batang iyon talaga, hindi pa naman iyon kumakain ng tanghalian,” nagaalalang saad ni Sariya.
“Saan ho ba siya maaaring pumunta?” tanong naman ni Azarea na nag-iisip rin kung saan maaaring magtungo ang binata.
Saglit naman na napatigil si Sariya dahil sa tinanong ni Azarea at saka nag-isip nang mabuti.
Sa kabilang banda, si Moon ay nagpakalayo-layo. Hindi naman sobrang layo ang pinuntahan niya pero doon sa lugar na iyon niya natagpuan ang sariling umiiyak at ito rin ang lugar kung saan maaari niyang ilabas lahat ng gusto niyang sabihin nang walang nakakarinig.
Ang lugar kung saan nagsimulang lumalim ang kaniyang nararamdaman para kay Azarea.
Ngayon, naroon si Moon at umiiyak. Nagpapakalunod siya sa alak sa pag-asang maglalaho ang kung ano man ang nararamdaman niya dahil napagtanto niyang hindi naman siya gusto ni Azarea at ang tanging gusto nito ay si Stanley.
Hindi na mabilang ang bote ng alak na naroon sa kaniyang tabi. Simula kaninang umaga ay doon na siya nagpalipas ng oras. Mistulan siyang nakatitig sa ilog na tila ba binibilang ang bawat paggalaw nito na napakaimposible naman.
“H-hindi mo ako—hik—gusto,” umiiyak na sabi ni Moon sa sarili. Kahit na lasing na siya ay alam pa rin niya ang dahilan kung bakit siya nagkakaganoon.
Iyon ang kauna-unahang beses na nagmahal siya ng ibang babae bukod sa kaniyang ina. Hindi pa niya nararanasan ang ganoong klase ng sakit simula noong siya ay maisilang. Oo nga at naranasan niyang mawalan ng isang ama ngunit iba ang pakiramdam na nandiyan ang taong nais mong makasama ngunit hindi naman siya ang gusto.
Pinahid lamang niya ang sariling luha at umub-ob sa sariling tuhod. Ang tanging sandalan na lamang niya ay ang kaniyang sarili. Walang nakakaalam ng kaniyang tunay na nararamdaman kung hindi ang sarili lamang niya.
“Sabi ko na nga ba e, narito ka lamang,” ani ng babae na nakapagpatigil sa kaniya.
Tumigil siya sa paghagulhol pero nanatili ang kaniyang paghikbi.
“P-paano ho ninyo n-nalaman na narito ako?” pilit na tanong ni Moon dahil hindi siya makapagsalita nang ayos dahil sa kalasingan pero alam niya kung saan galing ang boses na iyon.
“Ito lamang ang tanging lugar na alam ko na maaari mong puntahan,” saad ni Sariya at saka umupo sa tabi ni Moon.
Pinulot ni Moon ang isa pang bote ng alak na naroroon at hindi naman siya pinigilan ng ina.
“Nakakatawa kung paano nagbago ang lahat. Noon kapag umiiyak ka, tanging gatas lamang ang ibinibigay ko sa iyo para mapatigil ang pag-iyak mo pero ngayon, alak na. Pero hindi ka naman tumitigil sa pag-iyak kahit na mayroon kang iniinom na alak. Gusto mo ba ng gatas?” dagdag pa ni Sariya na nakapagpangiti kay Moon kahit kaunti.
Hindi siya sumagot at sa halip ay humilig lamang sa balikat ng ina.
“Tinanong mo ako kung paano ko nalaman na narito ka. Hindi ba at dito ka rin naman pumunta noong sinabi kong aalis na tayo rito at lilipat na sa mundo ng mga Agos.”
BINABASA MO ANG
Azarea [ COMPLETED ]
FantasySa isang natatago at mahiwagang mundo sa kanlurang bahagi ng Monasteria na tinatawag na Agoshopeia, magsisimula ang lahat. Bunga ng kasakiman ng reyna ng Agoshopeia, pinatawan siya ng mahigpit at malupit na parusa. Ang kaniyang anak ay dadalhin sa m...