Kabanata 24

16 5 0
                                    

Walang patid ang tibok ng puso ni Azarea. Hindi lamang dahil sa kabang dulot ng akalang babagsak siya nang tuluyan at mamatay pero dahil na rin sa lalaking lumipad para iligtas siya.

Hindi siya makapaniwala. Habang dinadala siya ng hangin kung saan mang lugar ay wala na siyang pakialam. Nakatitig lamang siya sa mukha ng binata, pabalik sa pakpak nitong kakulay ng kaniya. Ang mga mata nito ay nagkulay asul at ang buhok ay naging kulay abo.

"P-paanong?" tanong ni Azarea na hindi pa rin makapaniwala.

Bago pa makasagot ang binata sa tanong ng dalaga ay agad na nitong ikinampay ang kaniyang pakpak at naglabas ng pinong kulay gintong animo ay buhangin at agad na pumatak sa buong Monasteria.

Agad na nagkagulo at nagtaka ang mga tao. Hindi nila alam kung bakit sila naroon. Matapos ang ilang sandaling pagkakagulo nila ay saka sila umalis habang ang iba ay napapakamot na lamang sa ulo.

Nang makaalis ang mga tao ay lumingon-lingon muna ang binata bago bumabang muli sa taas ng gusali.

"Pakpak ko ba iyan?" naguguluhang tanong ni Azarea.

"At paano ko naman ididikit ang pakpak mo sa likod ko?" natatawang tanong ni Moon.

Tama, si Moon nga ang lumipad para iligtas siya. May pakpak ito at hindi niya alam kung paano. Alam niyang kalhating Agos si Moon dahil kay Adam pero nakakapagtakang may pakpak na ito ngayon na noon ay wala naman.

"Kailan pa ang pakpak mo?" muling tanong ni Azarea.

"Nitong nakaraan, hindi ba at masakit ang likod ko? Siguro ay tutubuan na nga ako ng pakpak noon kaya masakit," kwento ni Moon.

"Pero hindi ko iyan nakikita."

"Kanina lamang siya lumabas nang tinawag ko ang inang reyna. Kanina, nakita ko kung paano ka nahulog at hindi ko alam kung paano ka maililigtas. Wala akong nagawa kung hindi ang tawagin ang inang reyna, umaasa na pagbibigyan ako sa aking kahilingan na makalipad para mailigtas ka at nangyari nga, binigyan niya ako ng pakpak pero mawawala rin ito mamaya. Sabi pa niya, maaari akong magkaroon ng pakpak kung kinakailangan lamang at maglalaho kapag hindi na kailangan," paliwanag ni Moon.

"Ang galing, naglalaho na ito ngayon," namamanghang saad ni Azarea kay Moon na naglalaho na nga ang pakpak at bumabalik na sa dati ang tunay na anyo nito.

"Azarea, pasensya ka na ha kung nararanasan mo ang mga bagay na ito sa aming mundo," malungkot na saad ni Moon.

"Hindi mo kailangang humingi ng pasensya sapagkat ikaw ang nagligtas sa akin. Marahil nawalan akong ng pakpak ngunit masaya naman ako na nabuhay ako at magkakasama tayong muli nina ina," saad ni Azarea.

"Mahal na mahal kita," biglang saad ni Moon na ikinatigil ni Azarea kaya napatingin siya sa binata at napangiti.

"Mahal na mahal rin kita, Moon."

Lumipas ang ilang araw at naging normal ang lahat pagkatapos ng pangyayaring iyon. Para bang walang naganap. Maging ang ina at si Stanley ay kasama sa mga nawalan ng alaala tungkol sa nangyari noon.

Lumabas si Moon mula sa kaniyang silid na nakakunot ang noo.

"Anong nangyari sa noo mo?" takang tanong ni Sariya.

"Ina, sadya bang mayroong senaryo na paulit-ulit na napapanaginipan?" tanong ni Moon na nakasuot ng puting sando at medyo magulo rin ang buhok. Umupo ito sa upuang naroon at saka kumagat ng tinapay.

"Mayroon naman," sagot ni Sariya.

Tumango lamang naman si Moon at saka sumimsim ng kape.

"Bakit? Ano bang napapanaginipan mo?" muling tanong ni Sariya.

Azarea [ COMPLETED ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon