Kapag nagmahal ang tao, pinakaimportante sa lahat ay ang pagiging totoo. Hindi ito puro kilig at kasiyahan dahil dadating ang lungkot at mga problema para subukin ang katatagan ng pagmamahalan ng dalawang tao.
May mga mapapalad sa pagibig, mayroon ring hindi. Sina Azarea at Moon, sa umpisa ay napakaswerte nila. Maswerte sila sa isa't-isa dahil ang pagmamahalang ipinakita nila ay totoo. Parehas sila ng nararamdaman kahit sa una pa lamang. Wala silang ginawa noon kung hindi ang hintayin na dumating ang araw kung saan magiging maligaya sila pareho. Natupad iyon dahil ikinasal sila. Pero hindi ganoon kapalad ang kanilang pag-iibigan. Sa huli, may maiiwan at maiiwan.
Si Moon, matapos ang pangyayari ay naging matamlay at walang lakas. Sa bawat paglingon niya sa bawat sulok ng bahay, tanging si Azarea lamang ang naaalala niya. Nawalan siya ng gana sa lahat ng bagay at si Sariya naman ay lihim na napapaiyak sa tuwing nakikita ang anak sa ganoong estado.
Madalas na nakatulala si Moon, pumupunta sa kwarto ni Azarea at doon natutulog, pumupunta sa ilog para makahanap ng katahimikan, pumupunta sa natatagong tulay sa pamilihan, tumititig sa pader kung saan nakasulat ang kanilang pangalan at lumilipad para subukang puntahan ang buwan.
Hindi naalis ang lungkot sa kaniya makalipas ang dalawang linggong wala si Azarea. Para bang bumalik siya sa kung sino siya noon. Hindi siya ngumingiti at puro sakit lamang ang nararamdaman. Gabi-gabi, nanghihina siya at umiiyak at sa umaga naman ay gumigising na may luha sa mata dahil sa kaniyang panaginip, nakikita niya ang asawa pero paggising nito ay nabubura na ang lahat. Sa panaginip niya, pinapaalala ni Azarea na bumalik na siya sa dati kung saan lagi siyang masaya, nabubuhay nang payapa at puno ng pagmamahal.
Minsan na rin niyang napanaginipan si Azarea na umiiyak dahil sa pagbabago ni Moon. At napapaisip na lamang siya na hindi na siguro siya babalik sa dati dahil wala na si Azarea. Hindi naman ganoon kadaling mabuhay nang masaya kung alam mong mayroong isang tao sa buhay mo na nawala at kahit kailan ay hindi na babalik pa.
Gabi-gabi, lagi siyang lumilipad para tingnan ang buwan at iniisip na kasama niya si Azarea pero lalo lamang siyang nalulungkot sa isiping iyon. Halos mapaos siya sa kasisigaw at kahihiling tuwing dumarating ang gabi kung saan hindi lumalabas ang buwan.
Ngayon, nakaharap siya sa salamin at kagigising lamang. Halata kay Moon ang hirap na pinagdaanan niya. Lumago na ang buhok nito na halos tumaklob na sa kaniyang mata. Gamit ang mga daliri, hinawi niya pataas ang buhok at tiningnan ang kaniyang mata mula sa salamin. Palagi na lamang siyang puyat at namamayat na rin. Kita ang paga nitong mata at malungkot na awra.
Napakurap na lamang siya nang makita niya ang repleksyon ni Azarea mula sa salamin na nakatayo sa kaniyang likod at nakayakap sa kaniya. Sa pagkakataong iyon, napaiyak siya. Labis na siyang nananabik sa asawa niya. Hinayaan niya ang sariling lumuluha at hindi inalis ang tingin sa salamin kung saan naroon pa rin si Azarea.
"Moon, nalulungkot ako. Nasasaktan ako na nakikita kitang ganiyan dahil sa akin," saad ni Azarea.
Alam ni Moon na hindi iyon bunga ng kaniyang imahinasyon. Alam niyang may halong mahika ang lahat para makausap siyang muli ni Azarea. Marahil, pinagbigyan siyang bumaba saglit at magpakita kay Moon para sabihin ang mga bagay na gusto nitong sabihin.
"P-pasensya ka na ha, a-ang hirap lamang kasing mabuhay muli na parang normal lamang ang lahat," lumuluhang sagot ni Moon.
"P-pero kailangan mong mabuhay nang masaya para maging masaya rin ako, Moon," lumuluhang sagot ni Azarea na pumunta sa harap ni Moon at hinaplos ang mukha ng binata.
"H-hindi ko alam kung paano ako magsisimula," nanghihinang bulong ni Moon kaya niyakap siya ni Azarea.
"Moon, hindi mo kailangang magsimula ulit. Ang kailangan mong gawin ay ang magpatuloy," saad ni Azarea.
BINABASA MO ANG
Azarea [ COMPLETED ]
FantasySa isang natatago at mahiwagang mundo sa kanlurang bahagi ng Monasteria na tinatawag na Agoshopeia, magsisimula ang lahat. Bunga ng kasakiman ng reyna ng Agoshopeia, pinatawan siya ng mahigpit at malupit na parusa. Ang kaniyang anak ay dadalhin sa m...