Umalis at lumipad ang dalawa palayo sa lugar na iyon pero noong sumapit ang gabi ay naisipan na nilang bumalik na para sa kaniyang ina. Walang kasama si Sariya sa bahay at isa pa sa iniisip nila ay ang baka mapahamak pa ito. Kailangan nilang masiguradong ligtas ang ina.
Agad silang lumipad papunta sa kanilang bahay pero natanaw nila ang napakaraming ilaw na parating. Parating na naman ang mga taong sabik na sabik para mapatunayan na hindi isang tao si Azarea. Hindi na nila alam kung anong gagawin para makalimot ang mga tao.
"Kung kaya ko lamang burahin ang kanilang alaala ay gagawin ko na pero hindi ko kaya," bulong ni Azarea at saka napabuntong-hininga.
"Makakayanan natin ang pagsubok na ito, lilipad pa tayo sa buwan," saad ni Moon na ikinalingon ni Azarea at saka ginawadan ito ng simpleng ngiti. Sa ngiting iyon ni Azarea, halatang nagkaroon ito ng tapang para harapin ang anumang pagsubok.
Maya-maya lamang ay may narinig silang kaluskos. Nakatago kasi sila sa likod ng puno dahil sa gubat sila dumaan. Agad silang napalingon sa parte na may kumaluskos.
"Sino ang nariyan?" medyo mahinang tanong ni Moon at saka itinago sa kaniyang likod si Azarea.
"Shh, ako ito," tinig ng isang pamilyar na boses.
Napahinga naman sila nang maluwag. Kilala kasi nila kung sino ang nagmamay-ari ng boses na iyon.
"Akala ko ay kung sino na," masungit na tugon ni Moon nang lumabas ang isang lalaking nakasuot ng itim na dyaket at nakasumbrero rin ito.
"Bakit ba ang sungit mo pagdating sa akin?" tanong ni Stanley na nakapagpangiwi kay Moon.
"Tss, huwag kang maingay," komento ni Moon.
"Kamusta ka na, Azarea? Ayos ka lamang ba?" nag-aalalang tanong ni Stanley kay Azarea.
"Oo at dahil iyon sa iyo, maraming salamat," saad ni Azarea.
Napanguso naman si Moon habang nakasilip sa mga taong nasa bahay nila. Mabuti na lamang at hindi kita ni Azarea ang mukha niyang nagseselos.
"Walang anuman, basta ikaw prinsesa," sagot ni Stanley na ikinalingon ni Moon.
"Ako lamang ang natawag sa kaniya ng prinsesa kaya huwag mo siyang tawaging ganoon," hindi napigilang singit ni Moon.
"Ah talaga, mahal na prinsesa?" pang-aasar na saad pa ni Stanley kaya nakatanggap siya ng mahinang suntok sa balikat mula kay Moon na ikinatawa ni Stanley pero agad na tinakpan ni Azarea ang bibig nito dahil baka marinig ng mga tao ang tawa ni Stanley.
Lalo tuloy napanguso si Moon dahil sa ginawa ni Azarea pero agad rin itong napawi nang makita niyang pumasok sa loob ng bahay nila ang mga tao.
"Paano na si ina? Naroon silang lahat sa loob," puna ni Moon.
"Doon muna kayo sa aking bahay habang nag-iisip ng gagawin nating galaw," suhestiyon ni Stanley.
"Naming galaw," may diing pagtatama ni Moon.
"Natin," pilit ni Stanley.
"Namin."
"Natin."
Pabalik-balik ang tingin ni Azarea sa dalawa. Para kasi silang aso't-pusa.
"Galaw ko," pagsingit ni Azarea na nakapagpatigil sa kanilang dalawa.
"Hindi pwede!" sabay na sabi ng dalawa kaya agad na tinakpan ni Azarea ang pareho nilang bibig.
"Ang ingay ninyong dalawa, umalis na tayo rito," bulong na saad ni Azarea at saka iniwan ang dalawa roon at dahan-dahang naglakad paalis. Hindi naman pumayag ang dalawa na mauna si Azarea kaya nauna si Stanley habang nakasunod si Moon kay Azarea.
BINABASA MO ANG
Azarea [ COMPLETED ]
FantasySa isang natatago at mahiwagang mundo sa kanlurang bahagi ng Monasteria na tinatawag na Agoshopeia, magsisimula ang lahat. Bunga ng kasakiman ng reyna ng Agoshopeia, pinatawan siya ng mahigpit at malupit na parusa. Ang kaniyang anak ay dadalhin sa m...