Prologo

129 10 0
                                    

"Binabalaan kita Kinarra, huwag mong gagawin ang bagay na iyan," pangungumbinsi ni Adam kay Kinarra.

Si Kinarra ang reyna ng Agoshopeia, ang natatagong mundo sa kanlurang bahagi ng Monasteria.

"Hindi mo ako mapipigilan Adam," walang emosyong ani Kinarra.

"Walang dahilan para gawin mo ang bagay na iyan, paano na ang anak mo? Ano bang nangyayari sa utak mo at nagkaganiyan ka?" tanong ni Adam habang si Kinarra naman ay tila hindi na mapigilan. Walang emosyong nababakas sa kaniyang mukha at mukhang desidido na siya. Para siyang isang demonyong nakatitig sa kawalan.

"Hindi utak ko ang may problema, Adam. Ang puso ko ang may problema at wala ka man lamang magawa para maayos ito. Ikaw lamang ang tanging makakagawa ng bagay na iyon pero. . . wala kang ginagawa," nanatili siyang walang emosyon ngunit mababakas ang lungkot sa paraan ng kaniyang pagsasalita.

"Alam mo namang hindi maari hindi ba—"

"Pero bakit mo ako minahal?"

"Hindi ko sinasadya—"

"Paano mo maipapaliwanag iyang mga sinasabi mo? Paanong hindi sinadya?" nabakas na ang sakit sa kaniyang pagsasalita at maging ang kaniyang kamao ay nakayukom na rin.

"H-hindi ko alam pero may pamilya na ako, Kinarra. Ayaw kong masaktan at maabandona ang asawa at anak ko—"

"Asawa mong tao at ang anak mong tao rin. Hindi siya kailanman magiging purong lahi mo, Adam. Hindi kayo bagay, tao siya at ikaw ay hindi."

"Pero mahal ko sila—"

"Paano ako?"

Nabalot sila ng katahimikan. Sabi nga, parang may dumaan na anghel pero nabawi na rin agad ni Adam ang salitang kaniyang hinahanap.

"May anak ka, may anak ako. May asawa ako—"

"At wala akong asawa, Adam," ani Kinarra at kasabay nito ang paglabas ng mala-demonyong ngiti sa kaniyang labi.

"May asawa ka Kinarra, iniwan ka nga lamang," saad ni Adam. Hindi alam ni Kinarra kung anong magiging reaksyon niya. Tila nang-aasar ang kaniyang kasama sa kabila ng seryosong sitwasyon.

"Kung wala kang magandang sasabihin, mabuti pang lubayan mo na lamang ako. Iwanan mo ako rito at abangan mo na lamang ang pagdaan ng aking karwahe na kung saan ako ay ihihimlay," pangongonsensiya ng reyna.

"Huwag mong gawin iyan, huwag mong sabihin ang mga bagay na iyan. Kinarra, makakahanap ka pa ng iba bukod sa akin. Hindi ko alam na ganito pala kahirap ang dinaranas ng mga magagandang lalaki."

Narinig na naman ni Kinarra ang mga salita na natural na kay Adam na naging dahilan ng pagkahulog ng loob niya.

"Tumahimik ka! Nais mo bang itigil ko ang gagawin kong ito?" tanong ni Kinarra.

"Oo, nais ko," simpleng sagot ni Adam.

"Piliin mo ako, iharap mo ako sa altar ng Agoshopeia at magsama tayo habang tayo ay nabubuhay. Kalimutan mong may pamilya ka," paghahamon ni Kinarra na ikinabigla ni Adam.

"Hindi iyan maaari, alam mong hindi ko kayang gawin ang nais mo!" galit na tugon ni Adam.

"Kung gayon, mas mabuti pang. . . ikaw na lamang ang mamatay sa halip na ako. Ang pagpaslang sa iyo at makakadaragdag pa sa aking buhay."

At bago pa makatakbo at makaiwas si Adam, nahagip na agad ni Kinarra ang mahabang sanga ng punong nasa kaniyang tabi at isinaksak sa tiyan ni Adam.

Hindi nagtagal, ang katawan ni Adam ay naging limang diyamante. Nilunok ito ni Kinarra na naging dahilan ng pag-ilaw ng kaniyang mata. Lumabas ang asul na ilaw sa kaniyang bibig na senyales ng pagdagdag ng buhay ni Adam sa buhay ni Kinarra. Nagkaroon rin ng karagdagang lakas ang huli at may mala-demonyong ngiting nilisan ang lugar.

Azarea [ COMPLETED ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon