Kabanata 29

17 5 0
                                    

"H-hindi siya naging diyamante! Moon, dalhin mo siya sa pagamutan, ngayon na! Hindi siya tao dahil may dugong Agos siya kaya hindi naging epektibo!" natatarantang paliwanag ni Azarea.

Agad namang kumilos si Moon at binuhat ang ina. Nag-abang siya ng sasakyan at panay naman ang agos ng dugo mula sa tiyan ng kaniyang ina. Nanghihina si Moon lalo na at nakikita niyang nahihirapan ang kaniyang ina pero kailangan niyang maging matatag.

Sa kasamaang palad, walang dumating na sasakyan kaya panay ang takbo niya. Lumuluha na rin siya dahil hindi niya alam kung makakarating pa ba siya sa ospital. Maraming tao sa kalsada na nakatingin sa kanila. May mga nagtatanong kung anong nangyari at nag-aabang na rin ng daraang sasakyan para matulungan si Moon pero wala talagang dumaraan.

"Naku, hijo, mayroon palang ginagawang kalsada sa banda roon kaya hindi makaraan ang mga sasakyan," sabi ng isang matandang lalaki.

"Nais man kitang tulungan pero pasensya na, wala akong sasakyan, pare," malungkot na saad pa ng isang lalaki.

"M-maraming salamat ho, una na ho ako sa inyo," tugon ni Moon at saka nagpatuloy sa pagtakbo.

"Ina, kapit ka lamang ha? Bibilisan ko ho ang pagtakbo ko para makaligtas kayo," matapang na saad ni Moon na hindi pinapansin ang nakakalabo sa paningin niyang luha.

"A-anak, m-mapapagod ka lamang," nakangiti ngunit may luhang sagot ni Sariya. Hirap na ito sa pagsasalita pero pinilit pa rin niya dahil nakikita niyang pagod na ang anak.

Kahit nasa ganoong sitwasyon sila, talagang namayani pa rin ang pagiging ina ni Sariya. Hanggang sa dulo ay iniisip pa rin niya ang kalagayan ng anak.

"H-hindi, ina! Hindi ako pagod, tingnan ninyo, malakas ako!" sagot ni Moon na pinipigilan ang pagpatak ng luha para maipakitang malakas siya.

Hindi na nagsalita si Sariya at pumikit na ito kaya lalong nataranta si Moon. Doon siya ay napaiyak ngunit pinipigilan niya ang paghagulhol dahil alam niyang naririnig siya ng ina. Binilisan niya ang takbo habang pinagtitinginan pa rin siya ng mga tao.

Masakit para sa anak na makita ang magulang na nanghihina. Hindi lang minsan naipapakita ng mga anak na nag-aalala sila pero masakit rin sa kanila na nakikitang nasasaktan ang magulang kahit na sila mismo ang may kagagawan kung bakit sumasama ang loob ng mga magulang.

Ganoon rin naman ang magulang, kahit na napapagalitan nila ang kanilang mga anak ay ganoon na lamang ang kanilang nararamdamang sakit sa tuwing nagagalit at nasasaktan ang kanilang mga anak. Pinapagalitan nila ang kanilang anak sa tuwing gabi na umuuwi pero ang totoo, nag-aalala lamang sila at ang mga nasasabi nilang masakit paminsan-minsan ay bugso lamang ng damdaming may kaba.

Hindi napansin ni Moon ang bato sa dinadaanan kaya agad siyang napadapa pero hindi niya pinabayaan ang ina at pilit na tumayo kahit na nasugatan ang kaniyang tuhod at ang kaniyang daliri sa paa ay dumugo dahil sa pagkatisod. Nararamdaman niya ang hapdi pero mas masakit pa rin ang nararamdaman niya. Ayaw niyang mawala ang dalawang taong pinakamahalaga sa kaniyang buhay.

Nawalan na siya ng ama at pinilit niyang itago ang sakit na nararamdaman niya nang mawala ito dahil ganoon lagi ang sinasabi sa kaniya ng ama. Maging matatag at maging matapang kahit nasasaktan na. Noong nawala ang kaniyang ama, gabi-gabi siyang umiiyak pero sa umaga, nagpapanggap siyang hindi nakakaramdam ng sakit.

Ayaw niyang mawala ang ina dahil kay Azarea pa lang, nasasaktan na siya. Alam niyang iiwan siya ni Azarea at kung mawawala pa ang ina, para na rin siyang pinatay. Ang mabuhay nang walang kasama at naninirahan sa bahay kung saan nabuo ang masayang alaala ang pinakamasakit na pangyayari na ayaw niyang maranasan.

Ilang sandali pa ang lumipas, nababawasan na ang taong naroroon sa kalsada ngunit mas lalong nanghihina ang tuhod niya at masakit na rin ang paa niya kakatakbo. Hindi na niya kaya pang tumakbo dahil malayo-layo pa ang tatakbuhin niya kaya agad siyang nagtungo sa tagong lugar at humiling na sana ay magkapakpak siya. Napagbigyan ang kaniyang hiling at agad naman siyang lumipad.

Azarea [ COMPLETED ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon