Kabanata 30

20 4 0
                                    

"Ano ba?! Nasaan na kasi iyon?!" sigaw ni Moon na may halong prustrasyon sa gitna ng gubat.

Kanina pa siyang lumilibot roon pero hindi na niya makita pa ang lagusan. Hindi niya alam kung bakit nawawala ang Agoshopeia dahil napakaimposibleng mangyari ng bagay na iyon.

"Hindi ako pwedeng sumuko, kailangan ko itong mahanap," lumuluhang sabi ni Moon sa sarili at saka nagpatuloy sa paghahanap.

Sa kaniyang paghahanap, inabot na siya ng dilim. Pabalik-balik lamang naman siya sa gubat dahil parang nililigaw siya doon sa gubat na iyon. Ayaw niyang maniwala na wala na roon ang Agoshopeia pero mukhang wala na nga roon ang lagusan. Kung naroon nga ang Agoshopeia, dapat ay nakita na niya iyon dahil tanda naman niya kung nasaan ito nakatayo.

Nagtatalo ang isip ni Moon. Gusto na niyang umuwi para kay Azarea pero ayaw niyang umuwi para rin kay Azarea. Uuwi siya kasi gusto na niyang makasama ang dalaga pero ayaw niyang umuwi kasi nais niyang hanapin ang Agoshopeia para makasama nang mas matagal pa si Azarea.

Nagulat na lamang si Moon nang biglang umihip ang isang malamig na hangin na naging dahilan ng kaniyang pagkahilo. Nawalan ng malay si Moon at kagagawa iyon ng hangin na inutusan ng inang reyna. Isa lamang ang ibig sabihin noon, nais ng inang reyna na umuwi na si Moon sa kanilang bahay.

Ilang sandali pa ay nagising si Moon na nakahiga sa damuhan. Nasa labas na siya ng gubat at nasa daan pauwi sa kanilang bahay. Nagtaka siya kung bakit siya naroon at naalalang muli ang layunin niya sa gubat kaya agad siyang tumakbo pabalik sa lugar na iyon pero parang may matigas na pader na pumigil sa kaniya na makapasok sa gubat. Hindi siya nakapasok, kahit anong pilit at suntok na ginawa niya ay wala na ang pag-asang makabalik pang muli roon sa gubat.

Napaluhod na lamang si Moon at napaiyak. Hindi na niya alam kung anong gagawin niya. Nais lamang niyang makasama si Azarea. Nagsakripisyo siya ng oras. Tiniis at pinili niyang pumunta sa gubat kaysa makasama si Azarea dahil iyon ang kaisa-isang bagay na maaari niyang gawin. Pero nagdilim na, gabi na at nararamdaman niyang iiwan na siya ng dalaga. Hindi man niya nakikita si Azarea pero ang puso niya ang nakakaramdam.

Nararamdaman niya ang kirot sa bawat pagsimoy ng hangin. Wala na siyang magagawa para makakuha pa ng diyamante. Wala na siyang alam na iba pang paraan kaya napagdesisyunan na niyang umuwi. Kahit na sa pag-uwi, sakit at takot ang sasalubong sa kaniya.

Tinakbo niya ang daan pauwi habang lumuluha na parang bata. Tumatakbo siyang may takot, kaba at sakit. Nagagalit siya at nasasaktan. Kaunting oras na lamang ang mayroon sila para magkasama ni Azarea. Hindi na niya sasayangin ang oras na nasayang na kanina. Pero ang mahalaga ay sinubukan niya kahit hindi siya nagtagumpay. Kalakip ng pagmamahal ang pagsasakripisyo.

Nang makauwi si Moon, wala siyang ibang tinungo kung hindi ang silid ni Azarea kung saan ay natagpuan niya roon si Azarea at si Sariya na umiiyak.

Nang sandaling magtama ang mata nilang dalawa ni Azarea ay naramdaman na naman niya ang sakit. Nakatitig lamang siya sa mata ni Azarea na pagod na pagod na. Kitang-kita sa mata ng dalawa ang sakit ng pamamaalam. Agad na tinawid ni Moon ang distansya nilang dalawa. Hinawakan niya ang kamay ni Azarea at inilagay ito sa kaniyang pisngi para damahin ang haplos nito. Ang mga mata ni Azarea ay parang telebisyon na kung saan, sa bawat pagtitig dito ay may makikitang litrato. Litrato nilang dalawa, mga alaala noong sila ay unang nagkita, mga panahong maayos pa ang lahat.

Sa pamamagitan ng daliri ni Azarea, iginuhit niya sa pisngi ni Moon ang hugis bilog. Kahit hindi sabihin ni Azarea kung ano ang ibig sabihin noon ay alam na ni Moon kung ano iyon.

Agad na binuhat ni Moon si Azarea. Mapapansin ang paggaan ng katawan nito dulot ng ilang araw na paghihirap. Nakayapos ang kamay ni Azarea sa balikat ni Moon na kinasabikan nito. Nakasandal ang ulo nito sa kaniyang dibdib. Nang makahakbang si Moon sa labas ng bahay ay doon nag-umpisang magtuluan ang kaniyang luha.

Azarea [ COMPLETED ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon