“Yakapin mo ako at huwag na huwag kang bibitaw,” seryosong sabi ni Azarea kay Moon. Hindi makapaniwala si Moon sa sinabi nito kaya nanatili itong tulala at tila pinoproseso pa sa utak ang sinabi ng dalaga.Hindi niya akalaing sasabihin iyon ni Azarea. Si Azarea na may malaking takot sa kaniya sa hindi malamang kadahilanan.
“B-bakit?” gulat parin na tanong ni Moon.
Tila nahahawahan na nila ang isa’t-isa. Minsan na ring kumunot ang noo ni Azarea at ngayon ay tila si Moon na ang nauutal sa harap nito.
“Matatagalan kasi kapag naglakad tayo at saka hindi ko kayang maglakad kaya…lumipad nalang tayo. Ako pala ang lilipad at isasama kita,” paliwanag ni Azarea.
“Huwag, delikado ang gagawin natin. Baka may makakita sa pakpak mo,” iling na pagtanggi ni Moon.
“Dahil ba delikado o sadyang takot ka lang na lumipad dahil baka mahulog ka?”
Nanlalaki ang matang binalingan ni Moon si Azarea. Hindi siya takot, hindinghindi.
“Ako? Matatakot? Hindi ah, kahit ilipad mo pa ako at bitawan sa gitna ng paglipad, kaya ko iyon,” pagmamayabang ni Moon na ikinangiwi naman ni Azarea.
“Kapag ginawa ko iyon ay baka humiwalay ang kaluluwa mo at maiwan sa ere,” pang-aasar ni Azarea. Mukhang nababawasan na ang takot nito kay Moon at natututo narin siyang mang-asar.
“Saan at kailan ka pa natutong mang-asar, babae?” may kuryosidad na tanong ni Moon.
“Kay Stanley, magaling siya sa mga ganoong bagay kaya natututo ako,” walang kasinungalingang sagot ni Azarea sa kaniya na nakapagpawala ng kaniyang gana.
“Ano, lilipad pa ba tayo?” walang emosyong tanong ni Moon sa dalaga. Ayaw na niyang marinig pa ang tungkol sa lalaking iyon.
“Hindi ka kaya lalamigin sa ere? Mas malamig roon sapagkat malakas ang ha—”
“Nag-aalala ka ba sa akin?” panunuksong tanong ni Moon na ikinanlaki ng mata ni Azarea. Biglaan iyon at hindi niya napaghandaan ang tanong na gaya noon. “P-pag-aalala ba ang tawag r-roon?”
“Tch, sabi ko nga. Hindi ka nga nag-aalala. Ano, lilipad pa ba tayo?”
“A-ako lang ang lilipad at kakapit ka lang. Hindi ka naman makakalipad, may pakpak ka ba?”
Napataas na lamang ang kilay ni Moon at saka ito kinamot. Napabuntonghininga rin ito dahil sa sinabi ni Azarea. Mukhang kailangan niyang ilayo ito kay Stanley dahil naaasar siya.
“Pwede bang tigilan mo ang pagsagot sa akin ng ganiyan?”
Napatango nalang si Azarea at saka napahikab. Napansin ito ni Moon kaya naman humawak na ito sa braso nito.
“Lumipad ka na, alam kong inaantok ka na,”
Napatulala naman si Azarea sa paghawak nito sa braso niya. Naalala kasi niya ang lalaking nakasuot ng pula kanina na nagligtas sa kaniya. Iniisip niya kung kailan kaya niya ito muling makikita at makikilala. Umaasa siya na dadating ang panahon kung saan makakapagpasalamat siya rito. Kung hindi dahil sa lalaking iyon ay tiyak na may kung ano nang nangyari sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Azarea [ COMPLETED ]
FantasySa isang natatago at mahiwagang mundo sa kanlurang bahagi ng Monasteria na tinatawag na Agoshopeia, magsisimula ang lahat. Bunga ng kasakiman ng reyna ng Agoshopeia, pinatawan siya ng mahigpit at malupit na parusa. Ang kaniyang anak ay dadalhin sa m...