“Ikaw, ikaw ang kailangan ko,” pabulong na sabi ni Moon at saka tinitigan nang matiim si Azarea.
Hindi nakakibo si Azarea. Hindi niya inaasahan na magiging ganoon ang sasabihin ni Moon. Lalo tuloy nag-aalpas ang puso niya. Para itong lalabas na at tatakbo palayo.
Lalayo na sana siya sa pagkakatumba kay Moon nang pigilan siya nito at hilahin palapit dahilan para tuluyang nagdikit ang kanilang mga labi. Nakapikit lamang si Moon habang hinahalikan niya si Azarea habang ang dalaga naman ay natuod sa kaniyang pwesto at nanlalaki ang mga matang nakatitig sa nakapikit na si Moon.
Parang hinuhukay ang tiyan niya. Para nga itong may lamang kung ano-anong hayop at nagsasayaw sa loob ng tiyan niya. Para bang mayroong napakaraming paruparo.
Makalipas ang ilang segundo ay si Moon na rin ang tumigil nang may ngiti sa labi pero nakapikit pa rin ito habang si Azarea naman ay agad na napabalikwas at nanlalaki ang matang napahawak sa sariling dibdib para pakiramdaman ang tibok ng kaniyang puso. Sa kaunting segundong iyon, naging mabagal ang lahat. Para siyang nakarating sa pinakakakaibang mundo at tanging sila lamang ang tao. Iyon ang kauna-unahang halik na naranasan niya sa kauna-unahang taong minahal niya.
Pero hindi pa niya lubusang naipoproseso ang mga nangyayari nang hilahin na naman siya ni Moon at napabagsak na naman dito.
Ano bang problema ng lalaking ito at lagi na lamang akong hinila? Iyan ang tanong niya sa kaniyang sarili.
“M-mamaya ay mapuputol na ang kamay ko dahil sa kahihila mo. Hindi ka ba nasasaktan sa paulit-ulit na pagtumba ko sa iyo?” seryoso ngunit kinakabahan na tanong ni Azarea na ikinangisi ni Moon.
Minsan nga ay nagtatanong siya kung lasing ba talaga ang lalaking iyon dahil mukha naman siyang hindi lasing.
“Hindi ako nasasaktan. Mas nasasaktan ako kapag iba ang kasama mo at wala akong magawa para makasama ka,” nakapikit na sabi ni Moon. Seryoso na siya at hindi gaya kanina na nakangiti.
Hindi na nakaimik pa si Azarea. Tahimik lamang siyang nakatitig kay Moon. Sinasamantala na niya ang pagkakataong hindi ito nakamulat dahil baka hindi na niya magawang pigilan ang kung ano man ang nararamdaman niya kung sakaling magkatinginan sila. Pero nahalikan na siya nito at aminado siyang mas lalo lamang lumala ang kung ano mang pagkagusto na nararamdaman niya.
Hindi pa rin binibitawan ni Moon ang braso ni Azarea at sa halip ay niyakap pa niya ang dalaga. Mas lalong hindi makagalaw si Azarea kaya napapikit na lamang siya dahil alam niya sa sarili niya na mas nahuhulog na nga siya at natatakot siyang baka hindi na siya makausad pa.
“Isa, bitaw,” naniningkit ang mga matang sabi ni Azarea kay Moon.
“Ayoko nga,” nakangusong sagot naman ni Moon.
“Dalawa.”
“Tatlo,” dugtong naman ni Moon na ikinabuntong-hininga ni Azarea.
“T-tutulog na ako, matulog ka na rin,” sagot naman ni Azarea na pilit inaalis ang kamay ni Moon.
Hindi naman siya nagtagumpay sa pag-alis niya sa pagkakahawak ni Moon. Ginamit naman ni Moon ang kanan niyang kamay para tapikin ang espasyo sa tabi niya.
“Dito ka nalang,” pakiusap ni Moon na ikinailing ni Azarea.
“H-hindi maaari iyang gusto mo, tutulog ako sa aking silid kaya bitawan mo na ako,” pakiusap rin ni Azarea.
BINABASA MO ANG
Azarea [ COMPLETED ]
FantasySa isang natatago at mahiwagang mundo sa kanlurang bahagi ng Monasteria na tinatawag na Agoshopeia, magsisimula ang lahat. Bunga ng kasakiman ng reyna ng Agoshopeia, pinatawan siya ng mahigpit at malupit na parusa. Ang kaniyang anak ay dadalhin sa m...