Kabanata 21

24 5 0
                                    

"Kasi hindi mo naman talaga pinsan si Moon, tama ba?" nahihiyang tanong ni Stanley na ikinagulat ni Azarea. Hindi niya alam kung anong sasabihin niya. Kung dapat ba na sumagot siya ng oo o hindi ang isasagot niya? Kailangan niya ng tagasagot sa tanong na iyon pero tanging siya lamang naman ang naroon.

"H-ha? Kasi...ano—"

"Ayos lang, walang problema sa akin kung hindi ka makasagot agad," nakangiting tugon ni Stanley.

"O-oo, hindi nga kami magpinsan kasi magkasintahan na kami," nabiglang sagot ni Azarea at biglang napatakip sa sarili niyang bibig.

"Alam ko na iyon, Azarea," natatawang pag-amin ni Stanley.

"Ha? Paano mo nalaman?"

"Hinulaan ko lamang at tama naman ang aking hula, hindi ba?"

"Ha?"

"Pwede na akong manghuhula?" natatawang tanong ni Stanley.

"Oo, pwede," lutang na sagot ni Azarea.

Masama palang tanungin ang bagong gising, nagiging lutang. Natutuliro kasi si Azarea at masyadong nabigla sa mga nangyayari. Hindi lubos maiproseso ni Azarea ang mga binibitawang salita ni Stanley.

Ginulo na lamang ni Stanley ang buhok ng dalaga dahil sa natutuwa siya rito.

"Hindi na importante kung paano ko nalaman basta ang mahalaga ay masaya ka sa piling niya," may lungkot na sambit ni Stanley.

Napatitig naman si Azarea sa binata. Hindi niya alam kung bakit ganoon ang reaksyon at emosyon ni Stanley.

"Bakit ka malungkot?" inosenteng tanong ni Azarea.

"Ako? Malungkot? Hindi kaya, masaya ako," natatawang sagot ni Stanley at saka umiwas ng tingin. Tumatawa nga ito pero hindi naman masaya ang tawang iyon.

"Tumingin ka sa akin," pakiusap ni Azarea na ikinatuod ni Stanley. Seryoso kasi ang dalaga at talagang natatakot siya na tumingin sa dalaga dahil baka masabi niya ang tunay na nararamdaman niya.

"Bakit?" tanong ni Stanley na nakatingin sa noo ni Azarea. Doon na siya nakatingin dahil hindi niya kayang tumingin sa mata ng dalaga.

"Sa aking mata ka tumingin at huwag sa noo ko," utos ni Azarea kaya napilitang magbaba ng tingin si Stanley at bagsak ang balikat na tumingin kay Azarea.

"A-ayos na ba?" kumukurap-kurap na tingin ni Stanley. Naningkit naman ang mga mata ni Azarea.

"Bakit hindi ka agad makatingin?" tanong ng dalaga.

"Hindi mo kasi alam kung gaano kaganda ang mata mo," nahihiyang sagot ni Stanley na ikinakunot ng noo ni Azarea.

"Ang mahalaga ay may mata," birong sagot ni Azarea.

"Hindi na ako nagtataka kung bakit nahulog sa iyo si Moon," seryosong tugon naman ni Stanley.

"Ha? Bakit ba?" may kuryosidad na tanong ni Azarea.

"Kasi kakaiba ka," sagot ni Stanley na ikinatigil ni Azarea. Inisip kasi niya na baka alam na ni Stanley na hindi naman siya normal na tao.

"Paano naman ako naging kakaiba? Babae rin naman ako at saka napakaraming mas magandang babae sa paligid," sagot ni Azarea.

"Maganda lamang sila habang ikaw ay mahirap hanapin," may diin na sagot ni Stanley na ikinatawa ni Azarea.

"Hindi naman ako nawawala. Bakit ako hahanapin?" birong tanong ng dalaga.

"Ikaw talaga, sige na. Mahirap na iwan kita pero aalis na ako," malungkot na paalam ni Stanley at saka tumalikod.

"S-sandali," pigil ni Azarea na nalulungkot sa pag-alis ng kaibigan.

Azarea [ COMPLETED ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon