Kabanata 3

34 5 4
                                    

Nakakunot ang noo at tila inis na inis si Moon habang kumakain. Katabi niya ang ina habang kaharap naman niya si Azarea na napapakagat na lamang na labi sa tuwing tumitingin sa kaniya si Moon.

Nangyari lahat ng ito nang matapos ang usapan nila kanina. Makikita kay Moon na pinipigilan lang niya ang inis niya, inis siguro sa sarili.

“Sampu,” biglang sambit ni Sariya sa gitna ng katahimikan.

Napalingon naman silang dalawa kay Sariya na isa-isa silang tinitingnan.

“Pansampung beses ka nang nagbuntong-hininga, anak ko.”

“Tch,” tanging nasambit ni Moon at saka napabuga na lamang ng sariling hininga.

“Ano bang problema mo, anak? Sobrang lalim ba? Hindi na mahukay?” sunod-sunod na tanong ng ina.

Napatingin lamang si Azarea kay Moon na parang nagsasabing wala siyang alam at wala ring ginawa sa kaniya para magkaganoon siya.

“Hoy, huwag mo nga akong tingnan nang ganiyan, babae. Nilinlang mo ako,” nakataas ang sulok ng labing sabi niya kay Azarea.

“W-wala naman akong ginagawa sayo ah,” sagot ni Azarea at saka pinagsiklop ang mga labi.

“Wala? Bahala ka nga, nakakaasar ka rin e, ano?” huling sabi ni Moon bago pumasok sa kaniyang silid.

“Azarea, ano bang nangyayari sa anak kong iyon? Alam mo ba kung bakit mukhang malalim ang pinaghuhugutan niya ng hininga?”

Umakto lamang si Azarea na tila nag-iisip at saka nagpaliwanag, “Naging ganiyan po siya nang matapos po kaming mag-usap kanina.”

“Ano bang pinag-usapan ninyo?” pakikiusyoso ni Sariya.

“Ina, ano ba naman iyan? Napapakinig ko kayo mula sa aking silid kaya naman hindi ko kayang marinig pa ang mga susunod na sasabihin niyang babaeng iyan. Naku naman talaga, nakakaasar.”

Hindi nila napansin si Moon na nakasandal sa may pintuan at prenteng nakatingin sa kanila.

“Nagtatanong lamang naman ako kay Azarea kasi hindi ka naman nagpapaliwanag,” nagtatampo-tampuhang sagot ni Sariya.

“Sumakit ang ulo ko dahil sa paliwanag ng babaeng iyan, biruin ninyo ay umiiyak siya kanina tapos—”

“Azarea, bakit ka umiyak kanina? May ginawa ba sa iyo si Moon?” natatarantang tanong ni Sariya na ikinailing naman ni Azarea.

“Patapusin muna ninyo ako, ina. Ganiyan rin ang tanong ko sa kaniya kanina pero nabaliw lamang ako sa sagot niya,” naiinis na paliwanag ni Moon.

“Ano ba iyon, ha? Bakit kasi paputol-putol ka kung magpaliwanag at ayaw mong aayusin, anak?”

“Kasi naman ina, pinuputol ninyo ako kaya hindi ako matapos.”

“Kaya nga mas mabuti pang si Azarea nalang ang tanungin ko kaysa sa ikaw, hindi ba?”

“Ako na lamang ang magpapaliwanag, ina, kahit na nakakabaliw itong maririnig ninyo.”

“Bakit ba puro kabaliwan ang naririnig ko sa iyo ha, anak? Ituloy mo na kaya o paghuhugasin kita ng mga plato?”

“Itutuloy ko na lamang ina kaysa bumuo ng relasyon kasama ang mga platong iyan,” nanlalaki ang matang pagdepensa ni Moon. At kahit anong gawing laki ng mata nito ay nanatili pa rin itong singkit.

Azarea [ COMPLETED ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon