Kabanata 14

18 5 2
                                    

"Ikaw po iyong nakita ko!" tuwang-tuwang bulalas ng batang babae.

"H-ha?" maang-maangang tanong ni Azarea na kinakabahan.

Sina Moon, Sariya at iba pang taong naroon ay nakaabang lamang sa pag-uusap ng dalawa.

Hindi na mapakali si Azarea. Hindi niya alam kung anong gagawin at sasabihin niya. Kinakabahan kasi siya sa pwedeng sabihin ng batang iyon.

Ang batang ito, siya ang nakita ko sa ibaba ng puno noong panahong lumipad ako para puntahan sa Maynila si Moon. Nakita niya akong may pakpak at mukhang natatandaan niya ako. Iyan ang sinabi ni Azarea sa kaniyang sarili.

"Ikaw nga iyon," namamanghang sabi pa ng bata.

"Ano bang sinasabi mo, Astrid? Ngayon ka pa lamang nakapunta rito at ngayon pa lamang natin nakilala ang magandang dilag na ito," singit naman ng isang kapatid ni Sariya at mukhang anak nga niya ang batang babae.

"Hindi po, sigurado po akong nakita ko na siya. Nakita na po ninyo ako, hindi ba?" tanong ng bata kay Azarea at lumapit pa rito. Napakunot naman ng noo ni Moon at pinagmasdan ang reaksyon ng dalaga. Sa nababasa nga ni Moon ay tama ang sinasabi ng bata pero pilit na umiiwas si Azarea sa tanong ng bata.

"H-hindi pa, ngayon pa lamang kita nakita," sagot ni Azarea na ikinanguso at ikinasibangot ng batang babaeng nagngangalang Astrid.

"Kung ganoon po, siguro nga po ay panaginip lamang iyon," malungkot na saad ni Astrid.

"S-siguro nga," sagot naman ni Azarea at saka hinaplos ang buhok ng batang babae.

"Halina muna kayo at magsikain na, naghanda na ako ng makakakain natin," alok ni Sariya na tila naguguluhan pa rin sa sinabi ng batang si Astrid pero para maiiwas si Azarea ay nag-alok na lamang siya na kumain na. Mamaya na lamang niya aalamin kung anong sinasabi ng bata.

Napatingin naman si Azarea kay Moon at makikita rito ang nagtatanong nitong tingin. Napangiwi na lamang siya. Mukhang masasabi niya ang dahilan kung bakit siya basang-basang umuwi noong isang gabi at kung saan siya nanggaling.

Hinintay muna nilang makapunta ang lahat sa hapag-kainan bago sila nagharap ni Moon.

"Anong sinasabi ni Astrid?"

"Kasi. . ."

"Kasi ano?" nag-aabang na tanong ni Moon.

"Ang batang iyon. . ."

"Gutom ka na? Tara, kumain ka muna at saka mo na sa akin ikuwento iyan nang buo at hindi putol-putol," natatawang sambit ni Moon at saka inakbayan si Azarea.

Sinubukan namang alisin ni Azarea ang pagkakaakbay ni Moon pero isinukbit lamang ulit ni Moon ang kamay nito sa kaniyang balikat. Paulit-ulit lamang iyon at si Azarea na rin ang sumuko dahil makulit si Moon.

"Hayaan mo akong akbayan ka para malaman nilang magkasintahan tayo, baka maagaw ka pa ng mga pinsan ko. Mahirap na," nagsisiguradong saad ni Moon na ikinanguso ni Azarea.

"Hindi naman nila ako maaagaw," sagot naman ni Azarea.

"Bakit, magpapaagaw ka ba?" tanong ni Moon kaya agad siyang nilingon ng dalaga.

"Hindi, hahayaan mo ba akong maagaw?" tanong naman ni Azarea.

"Hindi rin, mas gwapo naman ako," nagmamayabang na sagot ni Moon.

"Sige, sabi mo iyan kaya bitawan mo na ako," umaasang sambit ni Azarea.

"Ayoko, ayokong bitawan ka,"  naniningkit ang matang sagot naman ni Moon.

Azarea [ COMPLETED ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon