FINAL CHAPTER
Copyright © Marco Jose (SiMarcoJoseAko)
"Hoy, namboboso ka na naman diyan!" Sigaw ko kay Travis na nakatambay na naman sa may harapan ng basketball court nang subdivision namin. Nakatambay kasi siya lagi roon at naiinis ako kapag nakikita ko ang pagmumukha niya.
Lagi kasi siyang naroroon para mamboso ng mga babaeng dumadaan sa may harapan niya. Akala niya kasi sa sarili niya ay guwapo siya kahit hindi naman talaga, masyado lang talaga siyang pilingero at akala niya ay lahat ng babae sa lugar namin ay mayroong gusto sa kanya.
Mas lalo pa akong nainis sa kanya nang malaman kong pinsan siya ng bestfriend kong si Din. Lagi ko siyang nakikita at kapag nakikita niya ako, walang araw siyang pinalagpas na hindi ako asarin. Gustong-gusto niya raw na inaasar ako dahil sinusungitan ko siya kahit daw na pangit ako. Sabi niya kasi, magaganda lang dapat ang nagsusungit. Kaya sa sobrang inis ko sa kanya, sinipa ko ang junior niya.
Mas lalo pang dumalas ang pagkikita namin ng magbakasyon. Wala kasi akong kalarong babae sa bahay dahil puro lalaki ang mga kapatid ko kaya lagi akong pumupunta kay na Din at Heena. Madalas kaming na kay na Din dahil gusto lagi ni Tita Lilet na doon kami maglalaro. Kaya sa tuwing maglalaro kami sa bahay nila, kasama na sila Travis. Inis na inis ako sa kanya lalo na ng baliin niya ang ulo ng barbie doll ko. Hindi ako umiyak, tumayo ako at sinabunutan siya nang malakas hanggang sa magmakaawa siyang tigilan ko na siya.
Sino ba ako para umiyak? Ako si Jeorge Rivas at wala siyang karapatan na paiyakin ang isang diyosang tulad ko. Sinabi sa akin ni Mommy na ang mga babae, hindi dapat sinasaktan ng mga lalaki. Kaya lalaban ako hangga't alam kong tama ako at hanggang sa tumigil siya sa pang-aasar sa akin.
Mas lalo pang gumulo ang buhay ko nang malaman kong kaklase ko si Travis. Inis na inis ako at kahit na gusto ko magpalipat ng school ay hindi ko na nagawa pa. Mahirap makapasok sa school ko dahil mataas ang standards nila at gusto kong mapatanong kung paanong nakapasok si Travis dito.
Sa bawat araw na ginawa ng Diyos, walang araw na hindi lumandi si Travis. Kaliwa't kanan ang pambababae niya at hindi rin niya pinalagpas na hindi ako bwisitin sa klase. Walang araw na hindi kami nag-away at kinasanayan ko na iyon. Ugali na kasi niya ang pagiging alaskador at makulit. Wala rin naman akong mapapala kung papatulan ko ang mga pang-aasar niya kaya hinayaan ko na lamang siya sa gusto niyang gawin.
Hanggang lumipas ang mga taon at dumating prom night. Wala akong kapartner at wala pang nag-aaya sa akin. Gusto kong mapatanong dahil hindi naman ako pangit at maganda naman ako para walang mag-aya sa akin. Kahit na nakangiti ako, hindi pa rin mawala sa isipan ko na baka walang lalaki ang gusto akong maka-date dahil sa pagiging masungit at perfectionist ko. Nang araw ding iyon, sinira ni Travis ang umaga ko dahil sa kalandian niya.
Inis na inis ako sa kanya hanggang sa makauwi ako sa bahay. Ewan ko ba kung bakit ganoon na lang ang pagka-inis ko sa kanya. Makita ko pa lang kasi ang mukha niya, nabubwisit na ako. Lalo na kapag ngumingisi siya at akala mo hinuhubaran ako sa mga titig niya. Basta, sobra na lang ang pagkainis ko sa kanya.
Noong gabing din iyon, pumunta siya sa bahay. Akala ko makikipaglaro lang siya sa mga kapatid ko, pero nagulat ako ng sabihin niya sa mga magulang ko na siya ang ka-date ko sa prom namin. Tumutol man ako, hindi ko na nagawa pa dahil kung tutusin ay wala rin akong ka-date kaya hinayaan ko na lang.