Masakit ang buong katawan ni Martin, hindi, hindi masakit, parang manhid ang katawan niya, hindi pati siya makahinga. Parang may nakadagan sa kanyang dibdib, at may pumipigil sa kanyang katawan na bumagsak.
Masakit ang kanyang dibdib sa bawat paglangghap niya ng hangin gamit ang kanyang ilong at bibig, para bang kulang ang hangin na kanyang nilalanghap kaya hinahabol niya iyun. Halo-halo ang kanyang nararamdaman at hindi na niya mawari kung alin ba roon, may ramdam siya na sakit, kirot, pangangalay, pamamanhid, hindi na niya alam, hindi rin niya maibuka ang kanyang mga mata, mabibigat ang talukap ng mga ito, kahit pa pilit niyang iginagalaw ang mga iyun.
Masakit ang ulo niya na parang namamanhid din, pakiramdam nga niya ay nakahiwalay ang kanyang ulo sa kanyang katawan.
Hindi kaya kaluluwa na lang siya? Oo, malamang, kaya siguro pakiramdam niya ay lutang siya, baka naman nag-marijuana rin siya? Kaya pakiramdam niya ay lasog-lasog ang kanyang katawan?
Naririnig pa rin niya ang malakas na tungo ng na umaalingawngaw para bang maraming tao na nagsisigawan sa paligid niya. Tila ba aligaga ang mga boses na humahati sa ingay ng tunog ng sirena.
"Ughh," ang sambit niya at hindi niya alam kung may lumabas ba na tunog sa kanyang bibig na hindi niya maibuka.
Isang ungol ang lumabas sa kanyang lalamunan, nang maramdaman niya ang labis na sakit nang may humawak sa kanyang balikat at likod ng kanyang ulo. May nag-alis nang parang belt na nakatali sa kanyang dibdib.
Belt? Seat belt? Oo nakaseatbelt siya, hindi ba? Ang sabi ng isipan niya at maya-may ay bumigay ang kanyang nanlalambot na katawan at may mga malalakas na mga kamay at braso na humawak sa kanyang bumagsak na katawan.
"Alalay sa ulo at leeg," ang narinig niyang sabi ng boses at isang ungol na naman ang lumabas sa kanyang lalamunan lalo na nang hilahin na siya palabas nang sasakyan na yupi na ang harapan.
"Yung kasama?" ang narinig niyang boses.
"Diyos ko, hindi na kailangan ng ambulansya yun, mabubuhay pa ba yung lumusot sa windshield at pumasok sa gulong ng truck?" ang tanong ng kasama.
"Alam ko, ang ibig kong sabihin, kung may pagkakakilanlan na ba yung driver?" ang tanong na muli niyang narinig.
"Wala pa," ang sagot na kanyang narinig.
"Uhhh," ang sambit niya at naramdaman niyang inihiga siya sa matigas na bagay, plastic? Hindi niya alam, at maya-maya pa ay may inilagay sa kanyang leeg.
Hindi siya makahinga kahit pa ramdam niya ang ihip ng malakas na hangin, at sumagi sa isip niya ang kanyang narinig. Patay? Patay ang kasama niya, sino nga ba ang kasama niya? Ang tanong ng kanyang isipan.
"Sir," ang narinig niya na sabi ng isa sa mga boses. At naramdaman niyang itinatali o nilagyan ng strap ang kanyang katawan.
"Nakapkapan na ba? Tingnan mo yung bulsa para makita natin baka may wallet o cellphone para makakuha tayo ng pagkakakilanlan," ang sagot ng boses na may dating ng awtoridad.
"Sir ito wallet, cellphone wala sa bulsa sir, baka tumilapon," ang sagot ng boses.
"Sige na isakay niyo na sa ambulansya saan ninyo dadalhin?" ang tanong ng tinig.
"St. Benedict sir," ang sagot na kanyang narinig at muli nakaramdam ng hilo ang kanyang ulo nang maramdaman niyang gumagalaw siya. Binuhat ba siya? Siguro sakay ng di niya alam na bagay.
Hindi siya makahinga, ang gusto niyang sabihin, ngunit hindi niya maibuka ang kanyang mga labi at tanging ungol lamang ang lumabas sa kanyang bibig.
BINABASA MO ANG
Spitting Image (romantic suspense) (Completed)
RomanceStrictly for mature readers only 18 and up! Please be guided! Si Martin Santos ay isang ex-convict, at pagkalaya niya ay nabigyan siya ng pagkakataon na makapag trabaho bilang isang janitor sa isang club. Pero pagkagising niya ay nasa hospital na...