Chapter 1

2.2K 97 52
                                    

“Magpakabait ka na sa labas, alam ko naman na mabuti kang tao, napakaliit nga lang ng kasalanan mo kung may tumulong lang sana sa iyo, sana nakalabas ka na matagal na, hindi yung ginugol mo pa ang sampung taon at mahigit sa loob ng sardinas na ito,” ang sabi ni Fred ang kakosa niya sa loob ng municipal jail.

Sa loob ng lagpas sampung taon ay ito ang naging kaibigan niya pagkatapos niya munang makatikim ng pambubugbog sa mga ito at nang hindi siya umiyak o nagmakaawa ay nakuha niya ang respeto nito. Si Fred ay isa sa mga lider ng grupo sa loob ng municipal jail, at dahil sa naging malapit siya rito, kahit pa hindi siya sumapi sa samahan ng mga ito ay prinotektahan siya ni Fred sa iba pang mga grupo at sa mismong miyembro ng samahan nito. Si Fred ay may kasong panghabambuhay na pagkabilanggo, dahil sa kasong triple counts of murder. Kahit pa paiba-iba ang kwento ng buhay nito ay isa lang ang alam ni Martin at iyun ay hindi na makalalabas pa si Fred ng kulungan.

“Oo kuya, ikaw din dito,” ang sagot niya sa lalaking naging kaibigan niya sa loob ng kulungan.

“G*go ka ba, kaya nga ako nandito sa kulungan at hindi na makalalabas pa tapos gusto mo pa akong magpakabait?” ang nakangising sagot sa kanya nito at isang ngiti na lamang ang kanyang naisagot dito at saka siya napailing.

“Seryoso, maging matuwid ka na, kung hindi mo naman kailangan na gumawa ng kasamaan ay huwag mo ng gawin pa, ako wala na talaga akong pag-asa, ikaw, bata pa at ginawa mo dahil sa mag-ina mo,” ang pagpapaalala nito sa kanya at napatungo na lamang siya at tumangu-tango siya bilang sagot sa sinabi nito.

“Saan ka nga pala uuwi?” ang tanong nito sa kanya at muling umangat ang kanyang mukha para tingnan ito sa mga mata, at umiling ang kanyang ulo at ang kanyang ngiti ay sa isang direksyon lamang na pakurba sa kanan.

“Hindi ko pa alam kuya, sa totoo lang wala ako uuwian dito, hindi ba at naikwento ko na sa iyo na, nag-asawa na ng foreigner ang kinakasama ko at inampon na rin ng lalaki ang anak ko, malamang nasa Australia na ang mga iyun, mabuti na rin iyun, para hindi na sila makatikim ng hirap dito sa Pinas,” ang sagot niya kay Fred na tumangu-tango sa kanyang sinabi.

“Ibig sabihin paglabas mo palaboy ka? Walang tirahan walang makain, eh huwag ka na nga lang lumabas dito, dito lahat libre he he he,” ang biro pa nito sa kanya.

Isang mahinang tawa rin ang kanyang pinakawalan at umiling siya. At napansin niya na may binunot si Fred sa likuran na bulsa nito. Nag-uusap silang dalawa sa gitna ng mga nagsisiksikan na mga nakakulong na kasama nila, at literal na halos magkapalitan ng mukha sa loob niyun.

Maya-maya pa ay may inabot ito sa kanya, hindi niya pa masyado mahulaan kung ano ba ang inaabot nito sa kanya, basta napansin niya ang papel na diyaryo na nakabalot dito.

“Um,” ang sambit ni kuya Fred sa kanya sabay abot nito ng bagay na nakabalot sa diyaryo. Kumunot pa muna ang kanyang mga mata at tiningan niya ang isinusuksok nitong bagay sa kanyang dibdib.

“Ano ito?”ang tanong niya pero di niya hinawakan ang bagay na nasa kamay nito.

“Akala mo naman ahas ang inaabot sa iyo, kunin mo na!” ang giit nito sa kanya at muling idiniin nito ang bagay sa kanyang dibdib.

Nagtaas ang kanyang dalawang kilay at kinuha niya ang bagay na inaabot nito. Medyo may kakapalan ang ang bagay na nakabalot sa diyaryo at tiningan niya sa mga mata si kuya Fred at mabilis na tumikwas ang baba nito sa kanya tila ba inuutusan siyang buksan niya ang hawak niyang bigay nito.

Tumango siya at kanyang binuklat ang nakatupi na diyaryo, isa-isa niyang iniangat ang apat na pagkakatupi nito at saka tumambad sa kanya ang mga perang papel na iba-iba ang halaga. May tig-isandaan, sikwenta, ngunit mas makapal ang tig-bente pesos na papel na maayos na pinagsama-sama at binalot ng diyaryo. Nanlaki ang kanyang mga mata at mabilis niyang tiningan sa mga mata si kuya Fred na nakataas ang isang kilay sa kanya at nakangisi.

Spitting Image (romantic suspense) (Completed) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon