NAKATULUGAN na ni Sharmagne ang labis na pag-iyak. Maliwanag na sa labas ng magmulat siya ng mga mata. Wala mang sakit ay mabigat ang kanyang pakiramdam. Nang maalala ang natuklasan kahapon ay tila mayroon na naman bumikig sa kanyang lalamunan. Parang nais na naman niyang umiyak.
Sinulyapan niya ang cellphone na nakapatong sa coffee table. Iniabot niya iyon at nang buksan ay marami na ang mensahe na naroroon. Halos lahat ay puro kay Gerson. Kinakamusta siya nito. At dahil pinatay niya ang gadget ng nagdaang gabi ay laman na rin ang pag-aalala sa mga mensahe ng binata. Ngumiti siya ng mapakla. Totoo kaya rito ang mga pinagsasasabi sa kanya sa mga text nitong ‘yon? Kung marahil sa ibang pagkakataon niya iyon natanggap aykinilig na siya ng sobra at tinawagan na ito kaagad. Subalit hindi. In-off na lamang niyang muli ang cellphone at bumalik sa pagkakahiga.
Sa sobrang paglamlam ng kanyang mga mata ay nakatulog siyang muli. At nang magising ay ala-una na ng tanghali. Maya-maya pa ay kinatok na siya ng kanyang kawaksi. Nakahanda na raw ang kanyang pagkain. Wala siyang ganang kumain subalit alam niya na magtataka ito at magsusumbong sa Tita Demi niya. Sinabihan kasi ito ng ikalawa na magsaabi kapag may napapansin na kakaiba sa kanya. At sa ganoong pagkakataon ay huling nanaisin niyang sermonan siya ng kanyang tiyahin. Ipinagpapasalamat na lamang niya na wala siyang trabaho sa buong araw na iyon.
Matapos kumain ay umakyat na siyang muli sa kanyang kwarto at naligo na pagdaka. Tila nakatulong ang maligamgam na tubig upang kumalma na ang sistema niya. Pinag-isipan na maigi kung ano ang kanyang nararapat gawin.
Kakatwang labis man ang kanyang naramdamang sama ng loob ay hindi pa rin nawawala ang pag-asa niya na marahil ay nagsisinungaling lamang si Betina. Marahil ay masyado lamang siyang naniwala kaagad sa babae. Nabigla lamang siya kagabi kaya’t hindi na siya nakapagisip ng maayos. Kailangan niyang makausap si Gerson. Hihingin niya ang paliwanag nito. Kung itatanggi ng lalaki ang namamagitan rito at sa Betina na iyon ay paniniwalaan niya ito. Basta’t linawin lamang nito ang kung ano mang relasyon mayroon ito at sa babae.
MALAPIT na si Sharmagne sa bahay ni Gerson ay saka naman siya inatake ng kaba. Kaninang paalis pa lamang siya ay buo ang kanyang loob at matapang na tatanggapin kung ano man ang totoo. Iba na pala kapag nalalapit na sa rurok ng katotohanan. Hindi mawari kung gugustuhin mo pang malaman.
Ngunit naroon na siya. Mas naniniwala pa rin siya sa lalaking minamahal niya.
Humimpil na ang kanyang sasakyan sa tapat ng bahay ng binata. Pag-ibis niya ng kotse ay siya namang paglabas ni Matilde sa gate. May bitbit itong mga itim na plastik ng basura.
“Uy idol este Sharmagne!” ngiting-ngiti na tawag nito sa kanya.
Nginitian rin niya ang babae. “Hi Matilde. Uhm, nand’yan ba si Gerson?” nag-aalinlangang tanong niya rito.
Napakunot ang noo nito. Malamang ay nagtataka na hindi niya alam kung nasa loob ang binata o wala. Bumalik rin ang pagkakangiti nito pagdaka. “Ay nand’yan idol! Pasok ka na! O gusto mo samahan mo muna ako? Hindi, biro lang! Sige pasok ka na,” mabilis na pagsasalita nito.
Hinintay muna ng babae na makapasok siya bago ito lumakad na muli.
Habang naglalakad palapit sa bahay ay tila halo-halo na ang emosyon na kanyang nararamdaman.
Nang makalapit ay napansin niya na bahagyang nakabukas ang main door. Malamang ay nakalimutan ni Matilde na isara iyon ng maigi. Kakatok na sana siya ng may makaulinigan. Hindi niya intensyong makinig subalit nadinig niya ang kanyang pangalan.
“I know. But i need to tell her about it.” Tinig ni Gerson ang nagsasalita. Nang sumilip siya ay nakita niya na may kausap ito sa telepono. “She doesn’t deserve this.” Animo rin ito hindi mapakali. Paroo’t parito ito sa paglalakad sa kabuoan ng sala.

BINABASA MO ANG
IT MIGHT BE YOU
Hayran KurguSharmagne Guevarra is considered as one of the most popular celebrities of her generation. She's an actress, a singer, a performer. She's the best on her craft. Kahit na sino ay nanaising makipagpalit ng pwesto sa kanya kung tatanungin. At her age...