LUMIPAS ANG isang araw at naging maayos na ang aking pakiramdam. Nabawi ko ang lakas mula sa sakit na dinanas ko. Bumangon ako sa kama na magaan ang pakiramdam at dumiretso sa banyo upang maligo. Habang nagsasabon ng katawan, hindi ko maiwasang isipin ang trabaho at si Justine, kasama ang girlfriend niya. Kamusta na kaya siya? Nakausap na kaya ni Justine ang pamilya ng kasintahan niya? Wala kasi akong mobile phone na magagamit kaya hindi ko alam ang mga balita tungkol sa kanya—kung nakita na ba niya ito o ano.
Matapos maligo, dumiretso ako sa cabinet at kumuha ng damit na isusuot. Nagbihis ako sa living room dahil mag-isa lang ako dito sa apartment at wala namang ibang taong papasok dito.
Pag-upo ko sa gilid ng kama, nahagilap ng aking mga mata ang wedding invitation na napatungan ng maliit na flower vase na may lamang mga daisy. Ang mga bulaklak, bagamat simple, ay nagbigay ng kakaibang buhay sa silid na tila nagpapahiwatig ng pag-asa at bagong simula.
Habang tinititigan ang imbitasyon, saka lamang sumagi sa aking isip ang araw ng kanyang kasal. Biyernes. Bukas na pala iyon. Ang pagkakataong matagal nang inaasam-asam ay heto na, halos ilang oras na lamang ang nalalabi. Napabuntong-hininga ako, pinipilit isiksik sa aking isipan ang lahat ng alaala at emosyon. Bukas, isang bagong kabanata ang magbubukas para sa kanya, at para sa akin, isang pahina ng nakaraan ang tuluyan ng magsasara.
Hindi ko namalayan, napatagal na pala ang pagtitig ko sa wedding invitation, halos makalimutan ko na ang nakakabinging katok mula sa pintuan. Nabigla ako at agad na binitawan ang hawak kong imbitasyon, ibinalik ito sa ibabaw ng maliit na flower vase, saka mabilis na lumapit sa pintuan. Pagbukas ko, bumungad sa akin ang isang matangkad na lalaki, nakasuot ng unipormeng pang-delivery. May hawak siyang ilang supot na naglalaman ng pagkain—ang amoy ay sapat na para maramdaman kong kanina pa ako hindi kumakain.
"Delivery food, sir," sabi niya habang inaabot sa akin ang mga supot, may bahid na ngiti sa kanyang labi. Bagamat nagtataka, kinuha ko ang mga hawak niya at tinitigan siya.
"H-hindi ako nag-order," sagot ko, puno ng pag-aalinlangan.
"Naku, sir. Sa inyo po talaga ito," aniya, may kumpiyansang ngiti. "Pangalan niyo po ang nakalagay, maging ang address na imposibleng magkamali."
Habang tinitingnan ko ang mga supot, naramdaman kong may kakaibang pakiramdam akong bumabalot sa akin.
Sino kaya ang nagpadala nito?
Naguguluhan at puno ng katanungan, isinara ko ang pintuan at dahan-dahang binuksan ang isa sa mga supot. Sa loob, nakita ko ang paborito kong pagkain, tila inihanda ng isang taong lubos na nakakakilala sa akin.
Pero sino naman?
Si Chantriel?
Malabong si Chantriel ang nagpadala sa akin. Alam kong hindi na siya pwedeng lumapit sa akin dahil ikakasal na siya sa iba, at ang huling pagkikita namin ay nang ibigay niya sa akin ang wedding invitation.
Habang tinutunton ng aking isip ang posibleng nagpadala, isang bagay ang napansin ko. May maliit na kulay pulang card na nakapasok sa isang supot, halos hindi ko napansin kanina. Binuksan ko ito at binasa ang nakasulat.
"May your meal be satisfying and your hunger be vanquished!"
-CariñoSa pagbasa ko ng mensahe, naramdaman ko ang kakaibang bugso ng damdamin. Sino ang nagpadala ng mga ito at ano ang ibig nitong iparating? Ang mga katanungang ito ay patuloy na bumabalot sa akin habang nauupo akong muli sa gilid ng kama, hawak ang card at iniisip ang kahulugan ng lahat ng ito.
NANG SUMAPIT ang gabi, matapos akong maligo at isuot ang aking formal na puting polo shirt, kasama ang slacks at itim na sapatos, inayos ko ang aking buhok na may katamtamang haba at kulot, na may natural na maitim na kulay na nakabagay sa aking mukha. Bago lumabas ng apartment, maingat kong sinuri ang paligid at tiyak na na-lock ang pinto.
Pagdating ko sa bar, agad kong napansin ang biglang katahimikan. Parang ang malilikot na ilaw na karaniwang nagbibigay-buhay sa lugar ay tila naglaho, at ang buong atmosphere ay tila nawalan ng sigla. Ang mga staff ng bar ay abala sa paglilinis ng mga nabasag na bagay sa sahig. Hindi nakapigil ang aking pagtataka kaya lumapit ako upang alamin ang nangyayari.
"Anong nangyari dito?" tanong ko kay Marry Anne, ngunit agad niya akong iniilingan. Tinanong ko rin ang iba pang staff ngunit walang sinumang sumagot. Ang sunod-sunod na kalabog at basag mula sa kabilang silid ng mga staff ang agad na nakapagpukaw ng aking pansin. Dali-dali akong lumapit, binuksan ang pintuan, at doon ko nakita si Justine, ang kanyang mga kamay ay duguan at ang mga basag na bote ng alak ay nagkalat sa sahig.
Naramdaman niya ang aking pagdating ngunit hindi niya ako pinansin kahit isang sulyap. "Sabihin ko na lang ito sa manager, ipakaltas na lang ang sweldo ko," puno ng galit ang boses niya na ngayon ko lang narinig. Basa ang kanyang buhok at halatang pinagpapawisan siya.
Sinubukan kong lapitan siya, ngunit pinigilan niya ako ng isang kakaibang tingin. Ngunit sa sandaling lumipas, napansin kong napawi ang kanyang dating pagpipigil, at napahiran ng lungkot ang kanyang mga mata, tila halos maiyak.
"K-Kyle..." biglang sabi niya, at agad ko siyang nilapitan nang bumagsak siya sa sahig, tila nanghihina.
Narinig ko ang pagbukas at pagsara ng pinto, kaya't nilingon ko ang dumating na dalawang staff, sina Mary Anne at Jade. Agad kong sinenyasan sila na linisin ang mga basag na bote sa sahig.
"Mga h-hayop sila, m-magbabayad sila!" halos nanlalambot siya sa galit habang hawak ko siya sa braso at pilit na pinapakalma, habang hinahanap ko ang sagot sa kanyang mga ikinagalit.
Nagbabadya ang pag-aalala sa boses ko. "Pare, umayos ka. Ano bang nangyayari?" Tanong ko, ngunit bigla siyang nagluksa, pinagsusuntok niya ang sahig gamit ang duguang kamay.
"Si Ruth..." mahina niyang banggit sa pangalan ng kanyang kasintahan na aking ikinapagtaka. Biglang sumama ang pakiramdam ko nang marinig ang pangalan ni Ruth.
"Pare..." Bumilis ang pagtibok ng puso ko habang unti-unting rumehistro sa isip ko ang dahilan ng kanyang galit at kung ano ang pinagmulan nito. Sa bawat sandaling lumilipas, nagiging malinaw kung bakit siya nagagalit, at nararamdaman ko ang bigat ng sitwasyon.
"Si Ruth, pare. P-p-patay na siya."
YOU ARE READING
Sinister Facades (Complete)
Romance"Behind every sinister facade lies a tale of hidden intentions." *** Kyle Snapper Alonzo wakes with no memory except for an old bar where he once tended nights. When news of mysterious killings linked to a woman with red eyes emerges, Kyle's world i...