PAGBABA KO sa tapat ng gate ng ospital, agad akong nagbayad sa tricycle driver. Halos mahulog ang barya sa nanginginig kong mga kamay dahil sa matinding kaba. Dali-dali akong pumasok at agad na nagtanong kung nasaan ang kuwarto ni Justine. Nang malaman ko kung saang palapag siya naroon, agad akong tumakbo papunta sa hagdanan at binilisan ang pag-akyat. Ramdam ko ang malamig na pawis na tumatagaktak mula sa aking noo pababa sa leeg ko.
Tinahak ko ang malawak at tahimik na hallway. Bawat silid na nadadaanan ko ay madilim, tila may mga aninong nagkukubli sa bawat sulok. Ang bawat hakbang ko'y sumasalubong sa akin ng bumibigat na pag-iisip, ang bawat pintig ng puso ko, tila martilyong tumatama sa dibdib ko. Hindi ko matanggal sa isipan ko ang bumabalot na pangamba at takot, hindi ako matantanan. Ang buong paligid ay parang naghuhumiyaw ng katahimikan, tila may masamang nag-aabang sa bawat pintuan.
Nang makatapat ko ang pintuan ng kuwarto ni Justine, hinawakan ko ang seradura at pinihit ito pabukas. Dismayado ako nang malamang hindi ko ito mabuksan.
Bakit ba naka-lock ang pintuan ng kuwarto ni Justine?
Sinilip ko sa loob gamit ang maliit na bintanang transparent sa pintuan. Maliwanag sa loob, ngunit ikinataka ko kung bakit kalahati lamang ng silid ang naiilawan. Sa kabila, kung nasaan ang kama ni Justine, ay puno ng kadiliman. Parang may isang pwersa na nagpipigil sa liwanag na makarating sa kanya, tila may bumabalot na anino sa bahagi ng silid na iyon. Ang puso ko, lalong bumilis ang tibok, at naramdaman ko ang kilabot na gumapang sa aking balat.
"Justine! Justine! Buksan mo ang pintuan!" sigaw ko habang kinakalabog ito nang malakas.
Mula sa kadiliman, may bahagyang gumalaw na aking nakita. Umupo si Justine, mga paa niya ang unang nakita ko mula sa liwanag sa kabilang parte ng silid. Hindi ko alam kung anong ginagawa niya, pero ang alam ko lang ay nakaupo siya habang...
habang...
nakatingin sa akin...
Putangina.
"Justine! Buksan mo ang pintuan! Lumabas ka diyan!" sigaw ko ulit, mas malakas at puno ng pag-aalala. Ngunit nanatili siyang nakaupo, hindi gumagalaw, hindi sumasagot. Ang malamig na pawis ay patuloy na tumutulo sa noo ko, at ang kaba ay lalong bumibigat sa dibdib ko.
Bakit hindi siya kumikilos?
"Nandito na ang kaibigan mo, Justine."
Tumigil ako sa pagkalabog ng marinig ang mabigat, masakit sa tenga, at nakakakilabot na boses. Hindi ito tunog ng tao, para itong boses ng demonyo. Napatigil ako, nanlalamig ang buong katawan sa takot.
Sino ang nagsasalita?
Bakit nandiyan siya kasama ni Justine?
Putangina.
"Justine?" tawag ko, pero ang boses ko ay halos pabulong na sa takot. Pinilit kong sumilip muli sa maliit na bintana, ngunit wala akong makitang anuman kundi ang malalim na kadiliman na bumabalot sa kanya.
"Justine, lumabas ka diyan!" ulit ko, ngunit alam kong may ibang presensya sa loob ng silid, isang bagay na hindi ko maipaliwanag pero ramdam ko ang kasamaan nitong nagtatago.
"Kaibigan?" Si Justine. Nagsalita siya!
"Justine! Buksan mo ang pintuan! Buksan mo, parang awa mo na! Lumabas ka diyan!" Pagmamakaawa ko habang kinakalabog ang pintuan.
Nang marinig ko ang kanyang boses, nagkaroon ako ng kaunting pag-asa. Patuloy kong kinakalabog ang pinto, halos mawasak na ito sa lakas ng sipa at suntok ko.
"Justine, please! Kailangan mo lumabas diyan!" Sigaw ko, ang boses ko ay nagbabadyang mawala na sa sobrang desperasyon.
Sa loob, naririnig ko ang mga paggalaw ni Justine, ngunit nananatili pa rin siyang hindi lumalapit sa pintuan. Ang kaba at takot ay lalong bumibigat sa dibdib ko. Ano bang nangyayari sa loob? Bakit hindi siya lumabas?
Kailangan kong malaman kung ano ang nasa likod ng pintuang iyon bago mahuli pa ang lahat.
Dugo?
Napatingin ako sa dugong umaagos sa sahig papunta sa direksyon ko. Sinusundan ko iyon hanggang sa makalabas ang dugo sa ilalim ng pintuan. Napaatras ako sa sobrang gulat at takot. Biglang narinig ko ang paglaguktok ng buto mula sa loob ng silid, malalakas at halatang masakit pakinggan.
Napatingin ako muli kay Justine. Nakaupo siya sa kama, ngunit ngayon ay nasa harapan ko na siya, sa likod ng pinto. Ang katawan niya ay balian, ang mga buto'y baluktot sa mga hindi natural na anggulo, at ang kalahating bahagi ng kanyang mukha ay wala na, naglalantad ng buto at laman.
"Justine!" Napasigaw ako, hindi makapaniwala sa nakikita ko. Ang takot at pagkabigla ay bumalot sa buong pagkatao ko, halos hindi ko na maigalaw ang mga paa ko.
Ano itong nangyari sa kanya? At ano ang naroroon kasama niya sa silid?
"Sir, may problema po ba?"
Tinignan ko ang tricycle driver na nasa harapan ko, hawak ang baryang ibabayad ko sana sa kanya. Nagtatakang tumingin ako sa paligid at doon ko lamang napagtanto na nasa labas pa rin ako ng ospital, at halatang kabababa ko lamang ng tricycle.
"K-kanina pa ba ako nandito?" tanong ko, litong-lito. Nagaalala itong nakatingin sa akin, bahagya pang namamawis ang noo niya.
"Opo, sir. Kabababa niyo lang po ng tricycle," sagot niya, halatang nagtataka rin. "Mukha po kayong natulala."
Pakiramdam ko, nanlalamig ang buong katawan ko. Ang mga nangyari sa loob...ang dugo, ang boses, si Justine...lahat ba iyon ay imahinasyon lamang?
Pero bakit pakiramdam ko parang totoong-totoo?
Tinignan ko ang building ng ospital, hinanap ng aking mga mata ang bawat bintana kung may nakabukas na ilaw.
Wala akong makita.
Nang mapansin kong wala ngang ilaw, titingin na sana ako sa tricycle driver nang biglang mahagilap ng aking mga mata ang biglang pagsindi ng ilaw sa isang kwarto. Bahagyang bumukas ang bintana at halatang may sumilip roon kahit na napakataas ng building.
Bumuka ang kanyang bibig at halatang may sinasabi ito. Pilit kong tinitigan ng maayos, ngunit ang itim na anino ay patuloy na bumabalot sa kanya, kaya't hirap akong basahin ang kanyang mga labi. Patuloy siyang nagsasalita, ngunit walang tunog na lumalabas.
Sinubukan kong unawain ang kanyang sinasabi. Mukhang mahalaga ito, ngunit ang dilim at distansya ay nagiging hadlang. Ang kaba ay lalo pang tumindi. Kailangan kong malaman kung ano ang sinasabi niya.
"Nagpapaalam na siya," sagot ng tricycle driver na aking ikinagulat.
Napatigil ako at muling tinitigan ang driver, ramdam ang bigat ng kanyang sinabi.
"A-anong ibig mong sabihin?" tanong ko, halos hindi makapaniwala sa narinig.
Tahimik siyang tumingin sa akin. "Ang kaibigan mo... huli na para iligtas mo siya."
YOU ARE READING
Sinister Facades (Complete)
Romance"Behind every sinister facade lies a tale of hidden intentions." *** Kyle Snapper Alonzo wakes with no memory except for an old bar where he once tended nights. When news of mysterious killings linked to a woman with red eyes emerges, Kyle's world i...