Chapter 9

88 17 0
                                    

NAGPASYA AKONG manatili sa bar kagabi kaya hindi na ako nakauwi sa apartment. Sinabihan ako ni Officer Brixton at pinayuhan na pansamantalang huwag munang umuwi dahil may mga impormasyon akong natanggap mula kay Justine. Hindi ko alam kung ako ang susunod na target ng taong pumatay sa kasintahan ni Justine.

"Narito na ang pagkain," sabi ni Marry anne habang inilalagay ang mga dala sa mesa. Nakabalot ang mga ito sa plastik at may mga malalaking yelo pa itong dala sa kamay, na tila nangalay sa pagbitbit.

Kinuha ko ang puting towel mula sa staff room at kumuha ng yelo sa ibabaw ng mesa. Pinukpok ko ang yelo sa pader hanggang mabasag ito at kinuha ang ilang piraso. Maingat kong binalot ang mga ito at lumapit kay Justine, na tila tulala at nakatingin sa kawalan.

Ginamit ko ang yelo para dahan-dahang idampi sa kanyang mukha na hindi pa nawawala ang mga pasa nito.

"Justine, kumain ka muna," sabi ko, ngunit hindi siya sumagot. "Sabi ni Officer Brixton, kailangan mong magpalakas, para kapag nakabalik na si Officer, pwede ka na ulit niyang kausapin." dagdag ko, habang abala sa pag-aalaga sa kanya. Pagkatapos, pumasok ako sa staff room upang basahin ang puting towel at isampay ito sa gilid ng bintana.

Hindi ko alam kung bakit, ngunit habang ginagawa ko ito, biglang naramdaman ko ang kakaibang lamig sa silid, kahit na mainit at tirik ang araw sa labas.

"Hindi ka pa naman siguro nababaliw, Kyle Snapper." Biro ko sa sarili, habang tinatanggal ang kakaibang nararamdaman.

Paglabas ko ng staff room, bigla kong nakita ang tatlong tao na papasok. Kasama ang matandang lalaki, ang kanyang asawa, at si Raine, kapatid ni Ruth. Mukhang kalmado na ang matandang lalaki ngayon, marahil dahil nahimasmasan na sa mga nalamang impormasyon kay Justine. Umupo ito sa gilid, nakatitig sa kawalan, habang ang dalawang babae naman ay nasa tabi niya, tila rin tulala.

Bumalik sila dito dahil sa kahilingan ni Officer Brixton, lalo na't hindi namin alam kung kami na ang susunod na target matapos malaman ang impormasyon.

Pansamantala munang sarado ang bar dahil sa nangyaring pangyayari. Nahihirapan si Justine at hindi pa ganap na maayos ang pag-iisip. Baka bigla na lang siya magwala lalo na magulo sa loob ng bar kasabay ng malilikot na ilaw.

PAGSAPIT NG GABI, madilim na sa labas habang nagliliwanag ang mga streetlights sa paligid. Naupo ako sa gilid ng bintana, natatanaw ang kabuuan ng Villa Romanillos. Payapa ang villa dito, ngunit hindi ko inaasahang magkakaroon ito ng bangungot dahil lamang sa sinaradong pribadong daanan sa liblib na kalye, malapit sa mga puno.

Hindi ko napansin, ngunit pumapatak na pala ang ulan sa labas. Bawat patak ay nag-iiwan ng bakas sa bintana, tila baga mga luha ng langit na nagbabadya ng isang lihim na misteryo na bumabalot sa villa. Sa bawat ulan, parang mas lalong lumalalim ang kadiliman, animo'y may itinatagong kwento ang bawat sulok ng Villa Romanillos na naghihintay lamang ng tamang pagkakataon upang muling mabuhay.

Huminto ang sasakyang itim sa harap, at sa tingin ko, pag-aari ito ni Officer Brixton. Bumaba siya mula roon, balot ang ulo ng kanyang leather jacket, at dali-daling pumasok sa loob ng bar. Mula sa labas, narinig ko ang mabibigat na bagsak ng ulan bago muling isara ang pintuan.

"Pasensya na kung ngayon lang," panimula niya, hinarap si Justine na tila tulala sa kawalan. Naupo siya sa harapan nito at maingat na inilagay ang mga hawak na papel sa ibabaw ng mesa. Kahit anong gawin, hindi pa rin nakukuha ang ulirat ni Justine. Sa bawat segundo, parang lalong lumalalim ang kanyang iniisip, tila may bagay na bumabagabag sa kanya na hindi basta-basta maipaliwanag.

Kanina ko pa sinusubukang kausapin si Justine, ngunit tulala siya magdamag at walang kibo sa kinauupuan. Parang malayo ang kanyang iniisip, at kahit anong gawin ko, hindi ko magawang maabot ang kanyang ulirat.

"Justine, naririnig mo ba ako?" tanong ni Officer Brixton.

Matagal siyang nakatingin kay Justine, tila sinusuri kung magsasalita ito o hindi. Nakakabinging katahimikan ang bumalot sa loob ng bar, habang ang pamilya ni Ruth ay tahimik na nakikinig. Ang ibang staff ng bar ay wala na, pinauwi ko na ito bago sumapit ang gabi. Ang bigat ng sitwasyon ay ramdam ng lahat, na parang bawat segundo ay naghihintay ng isang pagputok ng katotohanan.

"Ruth," banggit ni Officer Brixton sa pangalan ng kanyang kasintahan. Unti-unting napatingin si Justine sa mga mata ng lalaki. Hindi ko maipaliwanag ang kanyang reaksyon, para kasi siyang nakakita ng multo. Sa isang iglap, nagbago ang kanyang mukha, mula sa pagkawalang-kibo patungo sa isang masidhing takot na hindi maitagong naglalaro sa kanyang mga mata.

"We found her body in broad daylight earlier, inaagnas na ang katawan at tila kinain na ang ibang parte niya. I'm sorry, Justine..."

Hindi si Justine ang nagreak kundi ang pamilya ni Ruth sa kabilang lamesa. Agad kong pinigilan ang ama ni Ruth na nagtatangkang lapitan si Officer Brixton upang suntukin ito sa mukha, marahil hindi matanggap ang katotohanan. Nakakapanindig-balahibo ang tensyon sa loob ng bar, habang ang bawat isa ay bumabalot sa kani-kanilang emosyon.

Galit, hinagpis, at takot.

"N-nasaan ang katawan niya! Gusto kong makita ang bangkay ng anak ko!" sigaw ng lalaki. Hinawakan ko siya sa balikat at pilit na ibinabalik sa pagkakaupo, pero malakas ang puwersa niya. Napaatras ako at napaupo sa sahig, halos tumama ang ulo ko sa paanan ng lamesa. Mabuti na lang at braso ko ang natamaan.

Hindi ko namalayan, masyadong mabilis ang pangyayari. Nakita ko na lamang na napaupo si Justine sa sahig, tahimik at wala pa ring kibo. Si Officer Brixton naman ay biglang tumayo at agad na hinawakan ang dalawang kamay ng lalaki, pilit siyang pinipigilan sa kanyang galit. Sa gitna ng kaguluhan, ang bar ay napuno ng tensyon at hindi maipaliwanag na takot. Isabay pa ang matinding, nakakatakot na kidlat mula sa labas na sumilay sa kalangitan, lalong nagpalala sa bigat ng sitwasyon. Ang bawat kalabog ng kulog ay tila nagbabadya ng mas malaking peligro.

Sinister Facades (Complete)Where stories live. Discover now