Chapter 13

84 12 0
                                    

Tulala ako habang nakatingin sa kawalan dito sa loob ng apartment ko. Nakaupo ako sa gilid ng kama, iniisip ang mga nangyari—mula sa mga karanasan hanggang sa mga nararamdamang kakaiba sa paligid. Hindi ko alam, pero parang may saltik na ako sa utak. Ang hirap paniwalaan ang mga nakikita at naririnig ko, para bang lahat ng ito ay gawa-gawa lamang ng malilikot na imahinasyon ko.

Hinawakan ko ang aking ulo, pilit binabalikan ang mga nangyari. Si Justine, ang ospital, ang kakaibang boses, ang dugong umaagos. Totoo ba ang lahat ng iyon? O bunga lamang ng pagod at stress? Pakiramdam ko, unti-unti akong nawawala sa sarili ko. Ang mga aninong nakikita ko sa sulok ng aking mata, ang mga boses na naririnig ko kahit nag-iisa, lahat ng ito tila nagpapabaliw sa akin.

Napalunok ako ng laway, sinubukan kong kalmahin ang sarili. Kailangan kong malaman ang katotohanan. Hindi ko na kayang magpanggap na wala lang ang lahat ng ito.

Ang tunog ng orasan, bawat tik-tak nito ay parang unti-unting lumalakas. Parang sumasabay ito sa tibok ng puso ko. Bawat segundo ay tila bumibigat, sumasabay sa bawat pintig ng aking dibdib, nagpapalala ng kaba at takot na nararamdaman ko.

Napatingin ako sa orasan, pinapanood ang paggalaw ng mga kamay nito. Ang mga tunog ay parang bumabalot sa buong silid, nagiging mas malakas, hanggang sa para bang ang orasan na lamang ang tanging naririnig ko. Ang bawat tik-tak ay nagdadala ng mas malalim na pakiramdam ng pagkabalisa.

Pinilit kong kalmahin ang sarili ko, huminga ng malalim at pumikit. Pero kahit nakapikit ako, naririnig ko pa rin ang tunog ng orasan, parang isang metronome ng aking takot. Kailangan kong kumilos. Hindi ako pwedeng manatili dito, nilalamon ng takot at pagkabalisa. Kailangan kong bumalik sa ospital at alamin ang katotohanan, bago pa tuluyang mawala ang katinuan ko.

Ang tatlong katok mula sa pintuan ng aking apartment ang nakapag-agaw ng aking pansin. Ang mga nakakabinging tunog ng orasan ay tila bumalik sa dati. Tumayo ako mula sa pagkakaupo at nilapitan ang pintuan. Tinanggal ko ang mga nakaharang at unti-unting pinihit ang seradura at binuksan ang pintuan. Nakita ko si Officer Brixton, nakatayo, mukha itong puyat na puyat at kulang sa tulog.

"Good morning," sabi niya, ang boses niya'y mababa at pagod. "Kailangan kitang makausap tungkol kay Justine."

Napalunok ako, naramdaman ko ang bigat ng sitwasyon. "Officer Brixton, anong nangyari? May balita ka ba tungkol sa kanya?"

Tumango si Officer Brixton, ang mga mata niya ay nagpakita ng lungkot at pag-aalala. "May ilang bagay na kailangan mong malaman. Pwede ba tayong pumasok?"

Tumango ako at binuksan ang pinto nang maluwang. Pumasok siya at umupo sa isang upuan habang ako naman ay bumalik sa gilid ng kama. Hindi ko mapigilang maramdaman ang kaba at takot sa kung ano man ang sasabihin niya.

Hindi naman siguro totoo ang mga nakita ko kagabi tungkol kay Justine?

"Si Justine... He was found dead early in the morning." May kinuha siyang litrato sa hawak na plastik at iniabot sa akin. Sinenyasan niya akong tingnan ang litrato habang siya ay nagpatuloy sa pagsasalita.

"Nakalahati ang mismong ulo niya habang may kung anong kalmot ito sa likod at balian ang katawan," kwento niya.

Nanginginig ang mga kamay ko nang kunin ko ang litrato. Pagtingin ko, halos hindi ko na makilala si Justine. Ang kalahati ng mukha niya ay wala na, eksakto sa nakita ko sa ospital. May malalalim na kalmot sa likod niya at ang mga buto niya ay baluktot sa hindi natural na paraan.

Napatitig ako kay Officer Brixton, hindi makapaniwala sa narinig at nakita. "Officer, anong nangyari sa kanya? Paano...?" Hindi ko na natapos ang tanong, dahil napakalaking takot at kalungkutan ang bumalot sa akin.

"Hanggang ngayon, wala pa rin kaming malinaw na sagot," sabi ni Officer Brixton, halatang pagod na pagod na. "Pero kailangan naming malaman kung may kinalaman ka o kung may alam ka sa nangyari sa kanya."

Napalunok ako.

Ang mga imahinasyon ko ba ay totoo?kung ganoon, ano ang ibig sabihin nito? Bakit ako ang nakakita ng mga ito bago pa man natagpuan si Justine?

"Kyle," tawag sa akin ni Officer Brixton. Hindi ko namalayan na nakatulala pala ako sa hawak na litrato.

Hindi ko alam pero may kung anong kahulugan ang kalmot ni Justine sa likuran. Parang mga nakaukit na letra sa paraang hindi ito agad mababasa ng kahit sinuman.

"Someone told me, pinuntahan mo si Justine sa hospital kagabi, that's why I'm asking you what happened?"

Someone? Sino naman sana?

Malalim ang iniisip ko, pilit hinahanap ang kasagutan. Sino naman kaya ang nakakita sa akin kagabi? Ang babaeng lumabas sa sasakyan na iyon... Hindi naman siguro siya ang nagsabi?

Napailing ako. Imposible, ano naman sana ang kinalaman ng babaeng iyon sa akin gayung hindi ko naman siya kilala?

"H-hindi ko alam... Ang alam ko lang, nasa loob na ako ng ospital, nagulat nalang ako nasa labas na ako ng ospital, tulala ako base sa sinabi ng tricycle driver sa akin na halos hindi ko namamalayan," kwento ko, pilit binabalikan ang mga nangyari.

Nakatingin si Officer Brixton sa akin, naghihintay ng karagdagan pang detalye. "Kyle, kailangan nating malaman lahat ng posibleng impormasyon. Anong naaalala mo bago ka napunta sa labas ng ospital?"

Huminga ako ng malalim, pinipilit alalahanin ang bawat detalye. "Pagdating ko sa ospital, agad akong nagtanong kung nasaan si Justine. Pagkatapos, tumakbo ako papunta sa kwarto niya. Pero hindi ko mabuksan ang pinto. Sinilip ko sa maliit na bintana at nakita ko si Justine... pero kakaiba siya, parang wala siya sa sarili. May narinig din akong boses na parang... demonyo."

Napatingin si Officer Brixton sa akin, seryoso at nag-aalala. "At pagkatapos?"

"Pagkatapos... bigla na lang akong nasa labas ulit ng ospital, parang lahat ng nakita ko ay isang bangungot. Hindi ko alam kung paano ako nakarating doon," sagot ko, ang takot at pagkalito ay halatang-halata sa boses ko.

"May kailangan pa kaming imbestigahan tungkol dito," sabi ni Officer Brixton. "Pero habang ginagawa namin iyon, Kyle, kailangan mong maging maingat. Mukhang may mas malalim na dahilan ang lahat ng ito. Kung may naaalala ka pa o may mangyari pang kakaiba, agad mo akong puntahan sa istasyon."

Tumango ako, alam kong seryoso ang mga bagay na ito. Hindi ko alam kung ano ang susunod na mangyayari, pero kailangan kong maging handa. Ang buhay ni Justine at ang katinuan ko ang nakataya dito.

Pero may mga bagay pa na bumabagabag sa aking isip na hindi ko talaga maiwasan. Isa lamang ang pumasok sa isip ko ngayon, ang ekspresyon ni Officer Brixton kagabi.

"Officer," tawag ko sa kanya.

"Yes?" sagot niya.

"Kagabi, sa istasyon..." nakita ko siyang nakatitig sa akin, malalim ang mga titig niya. "Anong ibig mong sabihin?"

Napabuntong-hininga siya ng malalim at bahagyang yumuko. "You really want to know?" Halos pabulong niyang sinabi sa akin.

Tumango ako, "Oo."

"I'm not sure, Kyle Snapper... when that freak hasn't shown you yet,"

Sinister Facades (Complete)Where stories live. Discover now