Kabanata 10
Buong buhay ni Almira ay hindi niya kailanman naranasang maghirap. Ni ang magutom ay hindi ipinaranas sa kaniya ng mga magulang. Inaalagaan siya ng mga ito subalit sa likod niyon alam ni Almira na may dahilan ito. At iyon ay upang makapangasawa siya ng isang katulad ni Señor Cesar Murati na siyang lilinis at magaangat sa pangalan ng kanilang angkan. Ang katotohanang iyon ay ilang beses nang pilit kinakalimutan ni Almira. Pilit siyang nagdadahilan sa kaniyang isip na hindi ganoon ang mga magulang subalit sa pagkakataong ito ay alam niyang paulit-ulit niya lang ring niloloko ang kaniyang sarili.
"Binibini, nahanap mo na ba ang purselas ng iyong lola?" Iyon ang tanong ni Señor Cesar kay Almira sa gitna ng agahan.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan, umaga pa lamang ay bumisita na agad ang Señor. Biro pa nga ng kaniyang kapatid na siyang nagpapasok sa Señor ay mapagkakamalang umaakyat ng ligaw ang Señor kay Almira sa aga nito. May dala pa ang Señor na bulaklak at ilang mga mamahaling tsokolate.
Hindi lang isang buntong hininga ang nagawa niya dahil sa nangyayari. Hindi naman na kasi lingid sa kaalaman ni Almira ang plano ng mga ito. Subalit kahit anong pagkakatitig ni Almira sa Señor ay hindi niya ito magawang gustuhin.
"Ikinagagalak ko ang iyong pagtatanong Señor. Huwag kang magalala at akin na itong natagpuan."
"Mabuti naman kung gayon."
Sa totoo lamang ay mahitsura din naman ang Señor Cesar Murati. Isang dahilan kung bakit halos mabali ang mga abaniko't leeg ng mga binibini sa tuwina itong dadaan. Mestizo ang Señor, bughaw ang mga mata at talagang magsingtangos ang ilong at lalagukan nito.
Gayunpaman ay wala ni isa mga iyon ang nagbibigay ng pagkabog ng kaniyang dibdib. Hindi katulad ng naibibigay na kaba ng presensya ni Ambrosio. Dahil sa isiping iyon ay bumalik sa alaala ni Almira ang nangyari kagabi. Hindi ito nawala sa isip niya hanggang sa pagtulog gayunpaman ay saglit iyong nawaglit nang masumpungan niya ang Señor ngayong umaga. Sa pagkakataong ito ay nabaling na ang tingin ni Almira sa napakaraming pagkain sa kanilang hapag.
"Sa susunod ay pagkaingatan mo ang mga bagay na ibinibigay sa iyo Almira, huwag kang burara."
"Huwag mo nang pagalitan pa ang iyong kapatid, Binibining Aurora. Marahil ay hindi niya lamang iyon napansin."
Tumawa si Aurora na tila hind kanina iritado.
"Paumanhin, Señor ngunit ganito lamang ako magdisiplina sa aking kapatid." At doo'y binalingan na si Almira. "Nakikita mo ba ito Almira, ipinagtatanggol ka na sa akin ni Señor Cesar. Talaga namang napakabait niya." Hindi pa doon natapos si Aurora at nagpatuloy pa ito sa pagpuri sa Señor. "Nakikita mo rin ba ang mga pagkain na ito? Dala ito ng Señor, talaga namang napakabuti niya sa atin! Pinatira na niya tayo sa kaniyang silid, pinakain at inasikaso ng kaniyang mga tagasunod. Nakatutuwa hindi ba-"
Sa haba ng mga sinabi ng kapatid, ni isa ay wala nang napakinggan pa si Almira dahil simula nang magtama ang mata niya sa pagkain ay doon na lang tumakbo ang isip niya. Paulit-ulit niyang hinahanapan ng paraan na ito ay makumpuni nang maihatid niya ito sa ibaba upang mapakinabangan ng mga mas nangangailangan. Sa paraang iyon, hindi na kailangan pa ni Ginoong Ambrosio na magnakaw upang malamanan ang kani-kanilang kalamnan.
Hanggang sa matapos sila sa agahan ay walang ibang tinatakbo ang isip ni Almira kung hindi ang maipuslit ang mga hindi man lamang nagalaw na pagkain. Habang ang kaniyang kapatid ay tila wala nang ibang bukambibig kung hindi ang pagpuri sa Señor na kalaunan ay umalis na rin naman.
"Sigurado ka bang hindi ka sasama sa akin?" Iyon ang tanong ni Aurora kay Almira habang inaayos ang kaniyang kasuotan. Kanina ay inaaya siya ng kapatid na magtungo sa kapilya ng barko. Wala namang mahalagang pagpupulong gayunpaman nagkaroon ng pagpupulong ang mga madre at pari na hindi naman kabilang si Almira. Kung kaya naman ganon na lamang kadali siyang nakatanggi.
"Hindi na, Hermana. Nais kong manatili sa ating silid at kainin na lamang ang mga natitirang pagkaing dala ni Señor Cesar. Hindi naman yata tama na iyon ay sayangin ko na lamang." Tila ang sinabing iyon ni Almira ang naging daan upang mapapayag niya ang kapatid na siya'y hayaan na lamang sa kanilang silid. Isang bagay na nakapagbigay ngiti kay Almira.
Kasabay ng pagsarado ng pintuan ay ang kaniyang pagbalikwas at saglit na pagtakbo upang kumuha ng bakol (basket) na siyang paglalagakan ng mga pagkaing nasa kanilang hapag. Mabuti na lamang at walang mga katulong na nagbabantay sa kaniya ngayon kung hindi ay tiyak na mahaba-habang pagpapaliwanag ang kailangan niyang burdahin.
Matapos maisaayos ang lahat ay ipinatong niya ang mga bulaklak sa bakol upang akalain ng mga makakakita na tanging mga bulaklak lamang ang laman niyon. Nang matapos ay doon na nagdesisyon ang binibini na humayo na at magtungo sa ikatlong palapag.
Suot ang kaniyang sayang kulay dalandan ay taas noo niyang nginingitian ang mga ginoo at binibining nagbibigay bati ng magandang umaga. Sa paraang iyon ay hindi man niya ibalik ang pagbati ay alam ng mga itong nadinig niya sila. Hindi kinasanayan ni Almira ang pagimik o pagkausap sa nakararami lalo kung alam niyang mga hipokrito't hipokrita ang makakausap niya.
Nang makarating sa patutunguhan ay sinalubong siya ng mga tingin ng mga ito. Hindi kagaya kagabi na tila mga walang pakialam sa kaniya ang mga tao sa ikatlong palapag ngayon ay tila isa siyang bisitang hindi inaasahan. Hanggang sa tila nakilala na siya ng ilan.
"Naku, ang binibining insulares!"
"Tawagin ninyo si Ambo, narito ang kaniyang kasintahan!"
"Binibini, magandang umaga!"
"Napakaganda mo sa umaga binibini!"
Hindi malaman ni Almira kung sino ang kaniyang kakausapin nang dumugin na siya ng mga ito. Ang ilan ay namumukhaan niya gayunpaman sari-sari ang mga sinasabi ng mga ito at hindi na halos masundan pa ni Almira.
"Para sa amin ba ang mga bulaklak?"
"Napakagandang mga bulaklak!"
Sa huli at napangiti na lamang si Almira habang pinagmamasdan ang mga tao na unti-unting dumarami. Ang ilan pa ay mga binibining, ngiting-ngiti sa kaniya. Dahil doon ay kumuha si Almira ng bulakbak at inalay sa ilang binibining nakatingin sa kaniya.
"Para sa inyo iyan." Nang una ay hindi ng mga ito iyon tinatanggap gayunpaman hindi naglaon ay kumuha rin naman. Lalong lumawak ang ngiti ni Almira dahil doon.
I M _V E N A
BINABASA MO ANG
Adios Por Ahora
Historical FictionCompleted A story that depicts about two different individual who meet at the year 1896. The untold story of Almira Labrador and Ambrosio 'Ambo' Aguilar in the ship of dream, Valencia. *** "Mi amore, adiós por ahora." (My Love, goodbye for now) Lan...