Kabanata 20

37 3 0
                                    

Kabanata 20

"Ano ang maitutulong namin sa iyo?"

"Ang aking lola, nais niya kasing lumabas ng bagon subalit hindi ko naman siya magawang buhatin. Nawala na sa aking paningin ang mga kasama namin at naiwan kami sa loob. Nais lamang makita ni Lola ang kalangitan ngayong gabi." Sa narinig ay agad na kaming sumangayon ni Goyo at nagtungo sa loob ng bagon upang hanapin ng lolang sinasabi ng babae. Gayunpaman sa dami ng tao ay hindi namin agad ito nahanap.

"Nasaan ang iyong Lola?"

"Sa may dulo pa ang aming posisyon. Maraming salamat talaga."

"Walang anuman iyon." Si Goyo na ang sumagot. "Ako nga pala si Goyo at siya si Baste, ikaw?"

"Ako si Ermita."

Hindi ko na lamang pinansin ang pagpapakilala nila at mas itinuon ang atensyon sa paghahanap. Hanggang sa matigilan na lamang ako nang makita ang isang matandang babae na nakaupo sa isang sulok habang nakatanaw sa labas ng tren. May hawak itong malaking larawan at yakap pa iyon.

"Lola! Lola Almira!" Sa sigaw na iyon ni Ermita ay mas lalo pa akong natigilan. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang malakas na tibok ng puso ko subalit narito at nagwawala ito.

Dahil doon ay hindi ko napigilang hindi mapalunok.

Kinakabahan ba ako? Subalit bakit?

Nang tuluyang lumapit si Ermita sa kaniyang lola ay doon na nito ito binalingan. Wala naman kaming nagawa ni Goyo kung hindi lumapit din.

"Oh, apo ko."

"Nagdala po ako ng mga kaibigan na makakatulong sa atin."

Saglit kong inilibot sa paligid ang tingin at karamihan ay tulog na. Iyon siguro ang dahilan kung bakit lumabas pa si Ermita upang may tumulong sa kanila ng kaniyang Lola. Nang muling mabaling ang tingin ko sa lola niya ay doon na nagtama ang mga mata namin.

"A-Ambrosio, " mahinang bulong ng matanda habang nanlalaki ang mata at tila hindi makapaniwalang nakatingin sa akin.

"Diyos ko A-Ambrosio, ikaw nga."

Naguguluhan man sa tinuturan ng matanda ay lumapit ako.

"Lola, hindi po iyan si Ambrosio. Baste po ang ngalan niya, " pagkaklaro ni Ermita.

"H-Hindi apo, si A-Ambrosio ito. Siya ito!" Doon na naiyak ang matanda kaya dali-dali na akong napalapit sa kaniya.

"Ah, Lola.."

Saglit pa akong napatingin kay Goyo subalit sinenyasan niya akong tulungan siya sa pagbuhat sa matanda. Tumango na lang ako.

"Lola Almira, t-tutulungan po namin kayo." Iyon na lang ang itinuran ko bago binuhat ang matanda. Nakaalalay naman si Goyo sa pagbubuhat habang binitbit naman ni Ermita ang larawan at ilang gamit nila.

"D-Diyos ko Ambrosio, nagbalik ka." Iyon ang naririnig kong paulit-ulit na binubulong ni Lola Almira habang marahang inihahawak ang kamay niya sa mukha ko. Sa puntong iyon ay hinayaan ko na lang. Nang makalabas kami ay idinala ko sila sa kinapoposisyonan namin kanina. Ngunit hindi ko naman akalain makakatulog ang matanda sa kandungan ko.

"Ermita, ilang taon na si Lola?" tanong ni Goyo.

"Sisenta na si Lola."

"Kung ganon, hindi pa siya sobrang matanda. Subalit bakit lumpo na agad siya at sobrang payat pa?"

Nakinig lamang ako sa usapan nila habang hinihintay na mailatag ni Ermita ang panlatag upang maihiga muna ang lola niya sa may damuhan kung nasaan kami.

"Ang totoo kasi niyan, biktima si Lola ng paglubog ng barkong Valencia." Hindi lingid sa kaalaman ko ang trahedyang nangyari apat na pot-tatlong taon na ang nakalilipas bago sumiklab ang pagaaklas ng katipunan.

Iilan na lamang marahil ang nakakaalala sa insidenteng iyon at isa ako doon sapagkat isa sa angkan ng aming pamilya ang kasama sa mga nasawi. "Isa siya sa mga nakaligtas. Ngunit, kinuha naman nito ang kakayahan niyang makalakad."

"Parang ang hirap naman niyon, nakaligtas ka nga naimbalido ka naman."

"Sinabi mo pa, salamat na nga lang kay Lolo na siyang nakasama ni Lola kaya lang kasi namatay na din si Lolo kaya ako bilang apo, ako ang nagaalalaga sa kaniya ngayon."

"Nakakalungkot naman."

Dahil sa mga narinig ay hindi ko napigilang katitigan ang mukha ni Lola Almira. Maputi siya at makinis ang mukha. Iyon nga lang kulubot na at payat siya. Gayunpaman kita ang nalalabing bakas ng kagandahang nagdaan mula sa kaniyang kabataan.

Dahan-dahan ko siyang inihiga sa papag bago napiling maupo katabi nito.

Hindi ko maintindihan ang sariling pakiramdam. Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang kalungkutan subalit iyon ang nangingibabaw sa aking nararamdaman. Hanggang sa akin na lamang namalayang nakatanaw muli ako sa kalangitan at naghahari na doon ang buwan. Hindi ko napigilang iangat ang aking kamay, nagbabakasakaling maabot iyon bagamat imposible.

Sa mga oras na iyon, hinayaan ko si Goyo at Ermita na magkwentuhan habang ako ang nagbabantay sa matanda. Hindi ko naman iyon ikinasama ng loob ni kinatamaran. Tulog naman kasi si Lola Almira.

Oras ang lumipas at hindi ko na napansing tuluyan na palang nakatulog ang dalawa. Wala na ring siga ang apoy at tahimik na rin ang kanina ay maingay na estasyon.

I M _ V E N A

Adios Por AhoraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon