Kabanata 19
Mayo 1939,
Kasabay ng dahan-dahang pagpatak ng mga ulan sa labas ay ang pagpatak ng takas kong luha matapos isara ang libro. Hindi ko akalaing ang pagbabasa sa gitna ng biyahe patungong Maynila ay magdadala sa akin sa ibang mundo at tatagos pa sa puso ko. Kakaiba talaga ang mga manunulat, kaya naman pinangarap kong maging isa. Gayunpaman, ni hindi ko man lamang masimulan ang pagsusulat ng kahit anong paksa. Isang dahilan ng aking pamomroblema. Dapatwat ganon, pakiramdam ko naman ay ibang kapalaran ang aking matatamasa sa Maynila. Isang kapalarang higit na maganda kaysa sa naibibigay sa aming bayan.
Natigil na lang ako sa pamomroblema nang sa gitna ng byahe ay tumigil ang tren na aking sinasakyan. Saglit na nagkaroon ng kumosyon ang paligid ngunit kagaya ng inaasahan ko, muli na namang naalintana ang byahe dahil sa pagtirik ng tren.
Napabuntong hininga na lamang ako nang maalalang ika-limang beses na ang naging pagtigil namin. Bukod sa napakabagal na nga ng byahe ay patigil-tigil pa. Gayunpaman mas maigi na rin ito nang makakain muna ang bawat isa.
Sa isiping iyon ay tuluyan ko nang iniligpit ang mga gamit ko. Matapos ay tumayo mula sa pagkakalupagi sa lapag ng tren. Sa paglabas pa lamang ay sinalubong na ako ng ilang mga sundalong amerikano na nagbibigay ng mga chokolate. Hindi naman magkamayaw ang mga tao kung kaya naman nakisali na rin ako.
"Maraming salamat!"
"Thank you!"
"Salamat po!"
Ilan lang sa mga papuring isinisigaw ng mga taong naambunan ng matamis na pagkain. Hindi ko naman na napigilang mapangiti na lang habang ikinakaway ang aking kamay na may hawak na tatlong pirasong chokolate.
"Baste!" Nangiwi ako nang marinig ang malakas na sigaw na iyon ni Goyo. Hindi ko inaasahang ipagkakalandakan pa niya ang aking ngalan na akala mo ay kami lamang ang tao sa istasyon ng tren. Natanaw ko siyang papalapit sa akin kung kaya naman hindi na ako gumalaw pa sa kinatatayuan. "Kanina pa kita hinahanap, Baste. Nandito ka lang pala."
"At kanina ka pa ring nagpaalam na ikaw ay bibili lamang ng kutsinta subalit ilang oras na ang nagdaan ngunit narito ka sa aking harapan na walang kadala-dala." Hindi ko na napigilang magreklamo.
Si Goyo ang kasama ko sa aking paglalakbay. Mula nang kami ay bata pa, talagang matalik na kaming magkaibigan. Wala namang malaking dahilan sa aming pagluwas mula sa aming kinalakhan. Sadya lamang na ninais naming magtungo sa Maynila upang makalanghap ng panibagong pakikipagsapalaran.
"Hehehe, paumanhin mahal kong kaibigan subalit ang kutsinta ay nasa aking tiyan na." At doo'y tumawa ito bago ako akbayan na hinayaan ko na lamang at nagpatuloy ako sa paglalakad upang makahanap ng makakainan.
"Oh, chokolate ba iyan? Akin na lang." Bago pa niya hingiin ay kinuha na niya sa akin kung kaya naman wala na akong nagawa kung hindi ibahagi ang isa sa kaniya at kainin ang isa.
"Bili na po kayo! Saging po!"
"Alahas! Alahas! Bili na kayo"
"Kalendaryo! Kalendaryo kayo diyan!"
Natigil na lang ako sa paglalakad nang mabaling ang tingin ko sa nagbebenta ng kalendaryo. Parang kailan lamang ay pinapangarap ko lamang na lumuwas ng Maynila, ngayon ang mga pangarap na iyon ay nagkakatotoo na.
"Ang bilis ng panahon Baste, ano? Parang kailan lamang ay 1937 pa. Kita mo ngayon at 1939 na. Bigla akong nakaramdam ng—"
Natigilan siya nang tila hindi na niya malaman ang sasabihin.
"Teka, ano nga ulit ang salitang ingles na iyon?"
Doon na ako napabuntong hininga.
"Excitement."
"Ayon! Oo tama, eksitiment."
Hindi ko na siya tinama at hinayaan na lamang sa kaniyang kagustuhan.
"Tara doon."
"Ha? Pero pangit ang mga pagkain doon!"
"Hindi tayo pwedeng lumayo sa bagon, baka maiwan tayo." Ngumuso ang hunghang na hinayaan ko naman.
"Sige na nga."
Napailing na lamang ako nang tila napipilitan pa siya. Gayunpaman mas pinili ko na lang bumili ng aming makakaing hapunan. Natitiyak kong uumagahin bago bumalik sa byahe ang bagon kung kaya naman mas maiging malapit ang aming pwesto.
"Manong, dalawa nga pong goto at kanin."
Nang gabing iyon kumain kami ni Goyo hanggang sa mabusog ang aming tiyan. Marami-rami naman akong naipon mula sa pag-i-igib at kung ano-ano pang gawaing ibinibigay sa akin ng aming mga kapit bahay sa aming bayan. Bukod doon ay tumutulong rin ako sa mga amerikanong sundalo na nakadistino sa aming lugar. Galante ang mga iyon kung kaya naman malaki ang naipon ko.
"Maiba ako, anong klaseng libro ba ang binasa mo kanina?" Iyon ang tanong na nakapagpatigil sa aking pagtitinga gamit ang talahib.
"Ah, patungkol sa isang babae at lalaking naglalakbay." Doon na tila naging intresado siya.
Ano na naman kaya ang iniisip nito?
"Aba! Mukhang maganda iyan. Erotika ba?" Sa sinabi niya ay naibato ko ang talahib sa kaniya.
"Ang halay mo, Goyo!"
"Ang bastos mo naman, mantakin mong ibato mo iyan sa akin!" Nangiwi ako.
"Puro na lamang kasi kahalayan ang nasa isipan mo."
"Kung ganon ay hindi ganon ang laman ng librong binasa mo?" Napailing na lamang ako at nagpasyang maupo sa isang bato habang tinatanaw ang bagon at ang mga taong naglalabas-masok doon. "Mukhang hindi nga. Subalit bakit tila gandang-ganda ka kanina?" Nagtataka siya. "Tayong mga lalaki ay hindi naman magkakainteres sa mga romansa lang!"
"Kung gayon ay mukhang hindi ako lalaki, " pambubuska ko dahilan ng saglit niyang paglayo.
Kalaunan ay natawa na lamang kami sa isa't-isa. Hanggang sa nagpasyang magsiga na muna ng apoy upang hindi lamukin at maliwanagan dahil gumagabi na din.
"Ano pala ang iyong balak sa gagawin mong nobela, Baste?" muli nitong usisa. Doon na ako napamulsa at napatingin sa kalangitan.
"Hmm, naisip kong isulat ang ating paglalakbay. Ngunit sa palagay ko ay magiging napakalamya niyon."
"Sabagay, ang nobelang walang babae ay napakalamyang basahin."
Nangiwi ako.
Wala na yatang laman ang utak niya kung hindi babae. Hinayaan ko na lang. Magpapatuloy pa sana ang aming paguusap kung hindi lamang may biglang lumapit sa aming isang babae.
"Mga ginoo! Maari ba akong humingi ng tulong sa inyo?" Halata sa mukha ng babae na tila balisa siya. Hindi ito mapakali at tila nagmamadali. Dahil doon ay agad na kaming napatayo ni Goyo.
I M _ V E N A
BINABASA MO ANG
Adios Por Ahora
Historical FictionCompleted A story that depicts about two different individual who meet at the year 1896. The untold story of Almira Labrador and Ambrosio 'Ambo' Aguilar in the ship of dream, Valencia. *** "Mi amore, adiós por ahora." (My Love, goodbye for now) Lan...