Kabanata 17

41 3 0
                                    

Kabanata 17

Noong walong taong gulang pa lamang si Almira. Tinuruan na siya ng kaniyang ama't ina na masama ang uminom ng alak. Hindi iyon maganda para sa isang binibining kagaya niya. Lumaki siyang kinikilalang kasalanan ang paginom niyon dahilan kung bakit kailanman ay hindi pa napatakan ng alak ang kaniyang lalamunan. Subalit hindi niya akalaing ang pagsama kay Ambrosio ngayong araw ay isang bagay na magdadala sa kaniya sa sitwasyon niya ngayon.

Nahihilo at talagang napakasaya niya habang hawak ang kamay ng ginoo't bahagya itong idinuduyan. Nakaupo ang Ginoo sa rehas sa kabilang dulo ng barko habang siya ay nakatayo't minamasdan ang binata na tanawin ang napakalayong baybayin habang makulimlim at malakas ang simoy ng hangin. Papadilim na sapagkat sumapit na ang hapon. Iba na rin ang lakas ng hampas ng alon subalit walang takot silang dalawa na nagtungo doon.

"N-Nahihilo na ako, Ginoo." Pahayag ni Almira na bahagyang nasisinok subalit nakangiti't nakatawa. Doon na siya binalingan ni Ambrosio na bahagya pang kunot noo. Lango din ito sa alak mula kanina gayunpama'y mukhang nahihimasmasan na. "Nakakahilo pala Ginoo ang alak. H-Hindi rin ito masarap sa panlasa." Napatawa na si Ambo.

"Ganon talaga binibini, kaya iyon tinawag na alak dahil sa kakaiba nitong lasa, " paliwanag nito bago muling ibinalik ang tingin sa malayo. "Sinabihan naman kita na huwag nang subukan dahil hindi mo iyon magugustuhan pero matigas ang iyong ulo."

Nangiwi si Almira nang mapansing pinagsasabihan na siya ng Ginoo. Gayunpaman ang lahat ng iyon ay nauwi sa ngiti bago nagpasya ang dalaga na tuluyan nang lumapit kay Ambrosio at umupo na sa may rehas kagaya nito.

"Sumandali binibini, huwag ka nang sumampa rito at baka ikaw ay mahulog pa!" suway na naman ng Ginoo.

"Akin nang napapansin ang patuloy mong pagpuna sa aking mga ikinikilos ngayong araw. Hindi ko naman pinupuna ang sa iyo, manahimik ka na lamang kaya, Ginoo!" napahiyaw na siya sa inis.

Hindi naman siya mabilis mainis noon pa man subalit iba yata ngayong araw. Marahil ay dala ito ng alak na nainom.

Nang mga oras na iyon tanging pasimpleng pagtawa na lang ang naisagot sa kaniya ni Ambrosio habang binubulong ang katagang, 'matigas ang ulo.'

Hindi na lamang inintindi iyon ni Almira at ikinatuwa ang paghampas ng alon na tumatama na sa kaniyang paa.

"Ang mga alon, tila hinahabol nila tayo Ambrosio." Nangiti na lang ang binata doon.

"Tama ka, Binibining Almira." Hanggang sa ang ngiti ay nalusaw at napalitan ng pait. "Ang mga alon ay patuloy tayong hinahabol. Tila walang katapusan at patuloy na lumalaban bagamat walang katiyakan."

Napabuntong hininga siya nang hindi mapigilang ikumpara ito sa kaniyang sarili.

"Binibini, nais kong maging mayaman. Nais kong maiangat ang aming pamilya at angkan sa kahirapan. Iyon ang pangarap ko." Doon na napalingon si Almira kay Ambrosio. "Subalit ang pangarap kong iyon ay parang isang barko na patuloy sa paglalayag. Habang ako ay ang alon na pilit humahabol sa pangarap upang matakasan ang kapalaran at sampal sa mukhang kahirapan." Hindi na napigilan ni Ambrosio ang pagiging emosyonal.

"Hindi ko na kailanman nais pang makitang maghirap sa pagsasaka ang aking ama sa lupang hindi namin pagaari kapalit ng ilang pirasong luya." Gayunpaman ay pinigilan niyang maiyak.

"Hindi ko na maatim na makita si Inay na araw at gabi'y mulat ang mata sa pagaalaga sa aming magkakapatid habang naghahatid ng gulay sa bayan kapalit ang kaunting salapi."

Natawa na lamang si Ambo nang saglit na mapabalik tanaw.

"Hindi ko na nais pang masaksihang sabay-sabay kaming magkakapatid na magkasakit kasama ang aking mga pamangkin ng walang mailaman sa tiyan kung hindi balinghoy mula sa kagubatan."

Isang takas na luha ang mabilis niyang pinunasan upang hindi na iyon makita pa ng binibini.

"Mga bagay na nagdadala sa akin upang mapatanong at mausig ang diyos mo kung siya ba ay totoo. Kung nakikinig ba siya sa dalangin naming mahihirap o kung naaawa ba talaga siya't nahahabag?"

"Ambrosio..."

Tanging pagtawag sa kaniyang pangalan ang naisa-tinig ng dalaga.

"Almira, kahirapan at kagutuman ang papatay sa bawat mamamayan ng bansang ating sinilangan. Kung kasalanan ang pagnanakaw sa paanong paraan niya kami nais tulungan kung maging karunungan at lupa'y ipinagkakait din ng mga dayuhan?"

Napabuntong hininga si Almira dahil doon. Hindi niya magawang sagutin ang nagdadamdam na ginoo sapagkat ang kahirapang binabanggit nito ay nakikita lamang niya't hindi naranasan. Nangangahulugang hindi lahat ng ating nakikita ay ating nalalaman. Hindi natin lubos mauunawaan ang isang bagay na hindi natin napagdaanan.

"Ginoo, may awa ang diyos. Maniwala lamang tayo sa kaniya't manampalataya."

Alam ni Almira na hindi mapapalubag ng kaniyang mga salita ang sama ng loob ng binata. Gayunpaman ay iyon ang kaniyang ibinulalas habang hawak ang kaliwang kamay nito at salikop ng kaniyang mga kamay. "Maniwala ka at magtiwala."

Sa sinabing iyon ni Almira ay saglit na nakalma si Ambrosio. Alam niya na kulang siya sa pananampalataya at hindi niya agad iyon mapupunan ng ganoon kabilis. Subalit ang mainit na kamay ng binibini na sumasakop sa kaniyang kamay ay tila isang apoy sa lampara na nagniningas. Pinapainit ang kaniyang nanlalamig na puso't pagasang pinapatay ng pighati't kalungkutan.

"Maiba ako, Binibini, ano ang iyong pangarap?"

Hindi inisahan ni Almira ang tanong na iyon dahil kailanman ay hindi rin naman pumasok sa isip niya ang salitang pangarap.

Ano nga ba ang pangarap niya?

"Sa totoo lamang Ginoo, wala akong pangarap. Lumaki akong lahat ay idinidikta sa akin. Lumaki akong lahat ay pinaplano ng mga tao sa aking paligid. Hindi ko pa nagagawang gumawa ng sariling desisyon liban ngayon."

Doon na naglapat ang tingin nilang dalawa.

"Ngayon ko lamang nagawang gawin ang mga bagay na ipinagbabawal sa akin. Ngayon ko lamang napagdesisyonang salungatin ang kanilang utos at hindi pansinin."

Huminga si Almira ng malalim bago napiling higpitan ang hawak sa kamay ni Ambrosio.

"Gayunpaman Ginoo, masaya ako. Sa unang pagkakataon naramdaman ko ang sayang hindi ko pa nararanasan kailanman. Kaya, salamat Ginoo. Salamat Ambrosio."

Nais matawa ni Ambrosio dahil doon. Pakiramdam niya ay hindi pasasalamat iyon dahil siya ay naging isang masamang impluwensya sa binibini. Ang mga ginawa nila ay isang masamang impluwensya, kabaliwan at kahipokrituhan. Gayunpaman mukhang masaya ang binibini. Tunay itong masaya at kita iyon ng dalawa niyang mata. Hindi niya nanaising putulin ang kasiyahan ng dalaga dahil lamang sa kaniya ang pagtataka.

Subalit nang magpapasok na sana muli si Ambrosio ng ibang usapan ay nagulat na lamang ang ginoo nang maramdaman ang malambot na labi ng binibini sa kaniyang pisngi. Nagdulot ito ng ilang libong bultahe ng kuryente sa kaniyang kaibuturan na tila nagpahinto sa pagpintig ng kaniyang puso hanggang sa unti-unti itong pinabilis na animo'y barko na napakatulin.

Nang mga oras na yaon, tila naging mabagal ang pagihip ng hangin maging ang alon at lahat ng nakapaligid kay Ambrosio. Napapalunok siya sa hindi inaasahang halik na natanggap.

"Iyan ang aking kabayaran para sa iyong pagpapasaya sa akin sa buong araw." Nahihiya man at pinamumulahan ay isina-tinig iyon ni Almira. Matapos ay bumaba na ang binibini at umakmang tatakbo na pabalik sa loob ng barko subalit natigilan siya sa bumungad sa kaniya.

"Almira, anong ibig sabihin nito!"


I M _ V E N A

Adios Por AhoraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon