Kabanata 15
Kung ang ngiti ay kayang burahin ang lahat ng masasamang bagay sa mundo, tiyak na naglaho na ito sa ganda ng ngiti ni Almira umaga ng ika-labing isa ng Mayo. Araw nang lunes taong 1896. Tila bagamat hindi maganda ang panahon at napakalakas ng alon sa dagat at may pailan-ilang ambon ay hindi niyon nagawang burahin ang ngiti ng dalaga.
"Tila ikaw ay maligaya aking kapatid? Masaya ka ba na hindi bumisita ngayon ang Señor?" Nawala ang ngiti ni Almira nang mapansin ang pagtaas ng kilay ng kaniyang nakatatandang kapatid dulot ng kaniyang pagngiti.
"Hindi naman po sa ganoon, Hermana."
"Kung gayon ay bakit tila ngiting-ngiti ka Almira? Hindi naman yata magandang nakikita kang ngumingiti sa kabila nang pagkakaroon ng sakit ni Señor Cesar."
Nais ni Almira na ipagpasalamat pa ang pagkakaroon ng sakit ng Señor. Sa isip niya, ito marahil ang karma ng ginoo sa kahalayan nito. Gayunpaman siya na ang pumigil sa sarili. Hindi niya nanaising muling makatanggap ng sampal sa kaniyang kapatid na tanging ang pagsunod lamang sa utos ng kanilang mga magulang ang ginagawa.
Alam ni Almira higit sa kahit na sino kung gaano kung pahalagahan ni Aurora ang kanilang pangalan bilang pamilya. Dahil iyon ang itinatak ng ina nila sa kanilang isip mula pagkabata.
"Hindi naman sa ganoon, Hermana. Naliligayahan lamang ako sa mga pagkain sa hapag. Tunay na napakasasarap." Saglit na natigilan si Aurora at binalingan ang mga pagkain sa hapag.
"Kung sabagay."
Doon na natapos ang kanilang paguusap at nagpatuloy ang dalawa sa pagkain ng agahan. Hindi naman mapigilan ni Almira ang sarili na mapaisip sa mga mangyayari pa ngayong araw. Kinapapanabikan niyang makasama na ang binatang nagngangalang Ambrosio. Ngunit lingid sa kaalaman niyang ang kaniyang hermana ay talagang nagtataka na sa kaniyang ikinikilos na umabot sa puntong nagawa na nitong utusan ang isa sa mga alalay upang bantayan sa buong araw ang kapatid habang siya ay abala sa loob ng kumbento ng barko.
Sa kabilang banda naging abala si Almira sa pagaayos ng sarili kung kaya naman hindi na niya namalayan ang oras. At nang kaniya na itong napansin doon na nagtatakbo ang dalaga suot ang kaniyang pinaghalong puti at rosas na saya. Ikinagalak na lang niya na hindi nawala sa pagkakatirintas ang kaniyang buhok sa ginawang pagtakbo patungo sa kubyerta ng barko.
"Kanina pa kita hinihintay, Binibini." Hinihingal man ay nagangat ng tingin si Almira sa Ginoong nakatayo sa dulo ng barko kung saan sila huling nagkita kagabi.
"Paumanhin nahuli ako ng—"
Hindi napigilan ni Almira ang hindi matigilan sa hitsura ngayon ni Ginoong Ambrosio. Suot ang isang amerikano habang maayos na nakahawi ang buhok. May pipa itong hithit sa kaniyang bunganga at tila bastos na ginoo nitong binugahan siya ng usok. Ngunit imbis na magalit ay natawa na lang si Almira. Hindi niya inaasahan ang madaratnan.
Kaysa noong una niya itong makita pakiramdam ni Almira ay mas totoo na ang ginoo sa sarili ngayon. Wala na itong halong pagbabalat-kayo. Walang duda, ang lalaki sa harapan niya ngayon ay walang iba kung hindi si Ambrosio, ang tunay na Ambrosio.
Tila nahiya naman si Ambrosio dahil sa biglang pagtawa ng binibini. Kung kaya naman hindi niya napigilang masamid sa usok. Tumikhim-tikhim at napaubo muna siya bago umimik.
"Bakit natatawa ka, Binibini? Mukha ba akong katawa-tawa ngayon?" Sa pagkakataong ito ay namumula na ang Ginoo.
Doon na tumigil sa pagtawa si Almira bago sinadyang sipatin ng tingin ang kabuohan ng binata. Napapalunok naman si Ambrosio sa ginagawa nito.
"Hmm, wala namang nakakatawa. Nakakapanibago lang talaga." Doon nakahinga ng malalim si Ambo. Gayunpaman nang agawin na ni Almira ang pipa ay doon na siya muling kinapos ng paghinga.
"Akin iyan binibi—"
Hindi na natapos ni Ambrosio ang sasabihin niya nang subukan na ni Almira na humithit din sa pipa. Nanlaki ang mata ng Ginoo at dali-dali nang inagaw sa binibini ang pipa.
"Ano ba ang iyong ginagawa!" Napasigaw na si Ambo dahil doon. Mabuti na lamang talaga at silang dalawa lamang ang naroon. Hindi naman agad nakasagot si Almira dala nang pagubo sa usok na nahithit niya. Hindi maganda ang lasa niyon at talagang isusumpa niyang hindi na niya muling gagawin.
"Nahihibang ka ba?"
Pero nagpatuloy lang ang binibini sa pagubo kaya naman nauwi ang galit ni Ambo sa tawa. Masyadong nakakatuwa ngayong kasama ang binibini. Ibang-iba ito sa tila mahinhing babaeng nakilala niya noong una silang magkita.
"H-Huwag kang tumawa! N-Napakasama pala ng lasa niyon, ano't naisipan mong magdala nang ganiyan ngayon?" Iyon ang tila iritadong anang ng binibini nang siya ay makahuma. Napapanguso naman si Ambrosio dahil sa pagtaas ng boses ng binibini.
"Nakikita ko kasi sa mga peninsulares itong pipa. Napansin kong mas kaakit-akit tingnan ang mga ginoong mayroon nito kaya sinubukan kong magdala, " pagsisinungaling niya. Dahil ang katotohana'y hindi maitatagong gawain na talaga ng ginoo ang paninigarilyo.
"Sinungaling." At mukhang hindi iyon nakalusot kay Almira ngayon.
"B-Binibini! Hindi maganda ang magparatang—"
"Ngayong araw nais kong huwag makarinig ng pagsisinungaling mula sa iyo. Maging tapat ka sa iyong sarili Ginoong Ambrosio upang maging tapat din sa iyo ang mga tao sa paligid mo."
Ang pangaral na iyon ng binibini ay isang bagay na nakapagpatigil kay Ambrosio. Tama ang binibini. Kung naghahanap ang isang tao ng katapatan sa kaniyang kapwa dapat ay maging tapat din siya sa kaniyang sarili.
Doon huminga ng malalim si Ambrosio at inalis ang lahat ng pagbabalat-kayo sa katawan. Maging ang mga plano niyang pagbabago sa sarili upang magustuhan ng dalaga ngayong araw ay kinalimutan na niya. Dahil tama ito, mas maiging magpakatotoo.
"Ayan! Mas nais kong makita ang malawak mong ngiti Ginoo."
I M _ V E N A
BINABASA MO ANG
Adios Por Ahora
HistoryczneCompleted A story that depicts about two different individual who meet at the year 1896. The untold story of Almira Labrador and Ambrosio 'Ambo' Aguilar in the ship of dream, Valencia. *** "Mi amore, adiós por ahora." (My Love, goodbye for now) Lan...