Kabanata 16
"Teka, maiba ako. Ano iyang dala mo? Tila mabigat yata iyan?" Doon na nabaling ang tingin ni Almira sa kanina pa niyang dala. Sa sobrang pananabik ay hindi na niya alintana pa ang kabigatan ng dala kanina.
"Ito ba? Mga gamit ko ito sa pagpipinta, " masayang anang ng dalaga.
"Ganon ba. Kung gayon ay balak mong magpinta?"
Ngumiti ang ito sa naguguluhang si Ambrosio. Ang akala pa naman ng binata ay maidadala niya ang binibini sa ikatatlong palapag. Naghanda pa naman siya doon.
"Tila hindi mo nais ang ideya na iyon."
"Ang plano ko kasi binibini ay magtutungo tayo sa ikatlong palapag. May kasiyahan doon, nais kong isama ka."
"Kung gayon ay sasama ako subalit matapos ang pagpipinta." Doon na muli napanguso si Ambo.
"Subalit mukhang matatagalan ito, " bakas sa boses ng binata ang pagdisgusto.
"Hindi naman."
"Ha? Hindi matatagalan? Ano ba ang iyong ipipinta?" Muling ngumiti si Almira.
"Ikaw ginoo, nais kitang ipinta."
Nang sabihin iyon ni Almira ay tuluyan nang natigilan pa si Ambrosio. Noong una, inakala ni Ambrosio na nagbibiro lamang ang binibini. Subalit nang paupuin na siya nito at magsimula nang mag-ayos ng mga gamit sa pagpipinta ay wala na siyang nagawa kung hindi ang panoodin ang dalaga.
Umabot nang halos tanghali ang pagpipinta ng dalaga gayunpaman hindi iyon nagbigay bagot kay Ambrosio. Ang panonood sa dalaga habang nagpipinta ay tila isang magandang pagtatanghal sa tiatro na hindi niya kayang ipagpalit sa kahit ano. Hindi na alintana ang makulimlim na panahon ni ang panaka-nakang pagihip ng hangin at alon. Bagamat masama ang panahon, iba iyon para kay Ambrosio.
"Alam mo ba Ginoo, naisusulat sa bibliya na ang lahat ng magagandang bagay sa mundo ay gawa ng diyos?"
Natigilan saglit si Ambrosio sa tinurang iyon ng binibini. Saglit siyang napaisip doon. Hanggang sa pumasok sa isip niya ang isang bagay. Kung ang lahat ng mga magagandang bagay sa mundo ay gawa ng diyos, ibig sabihin ay hindi siya kabilang doon. Walang maganda sa buhay niya at hindi siya naniniwalang may diyos pa.
"Kung gayon, mukhang hindi ako kasama sa magagandang bagay na iyon."
Doon na nagangat ng tingin sa kaniya si Almira.
"Paano mo iyan nasabi?"
"Dahil walang maganda sa akin ni sa aking buhay bilang tao. Isa akong magnanakaw at hindi ako naniniwala sa diyos mo, " malamig na turan niya. Inaasahan ni Ambrosio na maiinis ang dalaga subalit iba ang nangyari. Ngumiti ito sa kaniya at tumigil sa pagpipinta.
"Ngunit Ginoo, alam mo rin ba na walang hindi magandang ginawa ang diyos?"
Tuluyan siyang natigilan doon lalo nang lumawak pa ang ngiti ng binibini kasabay ng pagharap sa kaniya ng larawang ipininta nito.
Naroon siya't nakapinta. Pusturang-pustura na tila sinasalamin ang kaniyang hitsura. Napalunok si Ambrosio sa ganda niyon na tila kopyang-kopya ang kaniyang mukha. Walang labis walang kulang. Maging ang mga detalye sa kaniyang likuran.
Doo'y tuluyan na siyang napangiti. Nais ipahiwatig ng dalaga sa kaniya na isa siya sa magagandang bagay na nilikha ng diyos. Isang bagay na mabilis niyang nakuha.
"Almira." Tanging pagtawag na lang sa pangalan ng dalaga ang nagawa ni Ambrosio. Ngunit pagtawa ang isinagot nito sa kaniya.
"Siya, tayo ay bumaba na muna. Nararamdaman kong papatak na ang ulan. Kailangan nating isilong ang larawan upang matuyo muna't hindi masira," anang nito habang nagsisimula nang magligpit. Walang imik na tinulungan naman ni Ambrosio ang binibini dala pa rin ng gulat sa nangyayari.
At mula doo'y nagtungo nga ang dalawa sa ika-tatlong palapag kung saan karamihan sa mga tao ay binabati silang dalawa ng magandang tanghali. Binati naman nila ang mga ito pabalik habang kapwa may ngiti sa labi.
"Ginoo, mas bumabagay sa iyo ang iyong ngiti ngayon kaysa sa huwad mong ngiti noong una tayong magkita." Iyon ang puna ni Almira na muling nagpatigil kay Ambrosio sa ginagawang pagsasaayos ng pagkakatayo ng pininta ng dalaga sa loob ng kaniyang silid habang ang binibini ay nakatayo lamang sa hamba ng pinto. At doon nga ay napagtanto ng binata na tama ang itinuran ni Almira. Lalo nang ang kaniyang mata ay mapabaling na salamin kung saan nakikita niya ang sariling pinamumulahan sa sinabi ng binibini.
Sa isip ni Ambrosio siya ay nagtatanong kung ano ba ang kaniyang nararamdaman. Naghahanap ng kumpirmasyon kung ang kaniya bang nararamdaman ngayon ay pagibig na kay dami nang bibig ang tumuturan.
Ngunit sa huli, isang malalim na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan.
Kung pagibig nga ito, natitiyak niyang lagot siya. Dahil higit sa sino man ngayon, siya ang higit na nakakaalam ng katotohanang langit at lupa ang agwat nilang dalawa sa isa't-isa. Para siyang nangangarap ng tirik ang mata. Isang pangarap na hindi niya dapat pangarapin dahil tiyak na hindi naman niya ito maaabot kailanman.
Gayunpaman, susulitin niya ang mga oras na abot kamay pa niya ang dalaga. Bago ito matapos at gisingin siya mula sa napakagandang panaginip ng kung sino man.
"Binibini, nais mo bang sumama sa akin? May pagdiriwang sa kabilang dulo ng palapag na ito."
Walang pagaalinlangang sumama naman si Almira sa paanyaya ng Ginoo. Dahil doon ay iniwan nila ang kaniyang pininta sa silid ni Ambrosio. Hawak kamay ang dalawang tumakbo at nagtungo doon kung saan nagsisimula na nga ang aliwan. Nagsasayawan ang mga tao, may mga pagkain, kantahan, alak at kwentuhan.
Halo ang babae at lalaki na tila walang tinitingnang kasarian sa paligid. Mapa-bata at matanda ay nagkakasiyahan. Wala ring posisyon sa lipunan na pinagbabasehan.
Sa palapag na iyon natutunan ni Almira ang totoong kahulugan ng pagkakapantay-pantay. Isang bagay na hindi makakamtan ng mga taong palaging nagpapalamangan.
Nang araw na iyon, nakaramdam si Almira ng kasiyahang higit kaysa sa naibibigay na kasiyahan ng mga mamahaling damit, kapangyarihan at pangalan. Isang kasiyahang hindi nabibili ng salapi at kailanman ay hindi maaaring ipagpalit. Kasiyahang puro at walang halong pagbabalat-kayo.
I M _ V E N A
BINABASA MO ANG
Adios Por Ahora
Historical FictionCompleted A story that depicts about two different individual who meet at the year 1896. The untold story of Almira Labrador and Ambrosio 'Ambo' Aguilar in the ship of dream, Valencia. *** "Mi amore, adiós por ahora." (My Love, goodbye for now) Lan...