Kabanata 9

23 3 0
                                    

Kabanata 9

"Binibini, makinig ka ang pangyayaring iyon ay hindi ko sinasadya—"

"Sinasadya o hindi ang nangyari ay nangyari na! Ano pa ang iyong mababago mo doon! Lapastangan!" buong lakas na bulyaw ni Almira sa ginoo. Doon na tuluyang nanahimik ang binata. Alam niya ang naging pagkakamali at tatagapin niya kung ano man ang ibabato sa kaniya ng binibini.

Ngunit lumipas ang ilang minuto ay tila pinapakalma nito ang sarili bago kausapin si Ambrosio. Kung kaya naman hinayaan ng ginoo ang binibini sa kaniyang nais. Hanggang sa magtanong na lamang ang binibini na sinagot naman agad ni Ambrosio.

"Magpakilala ka!"

Mabilis pa sa hangin ang kaniyang naging pagtugon.

"Ako si Ambrosio Aguilar, tubong Maynilad na naninirahan sa Tondo." Nang marinig ni Almira ang sinabi nito ay alam na niyang nagsinungaling ito sa una nilang pagkikita.

Isang sinungaling na magnanakaw ang Ginoo, kaiba sa kaniyang unang naisip nang una silang magkita.

"Ilang taon ka na?" Doon na hindi sumagot ang binata. "Sumagot ka!"

"Dalawampung taong gulang!" Kung gayon ay mas matanda pala ang hangal sa kaniya.

"Nasaan ang purselas?" Doon na dali-daling inilabas ni Ambrosio ang  purselas at iniabot sa kaniya. Kinuha naman agad iyon ni Almira bago pinakatitigan ang ungas. Magkahugpo na ang mga kamay nito at akala mo ay isang presong nahuli ng gwardya sibil. Kaiba sa lalaking kanina ay tumalon mula sa barko na animo'y sanay na sanay. Napailing na lang siya dahil doon. "Wala ka bang sasabihin sa akin?" Nang tanungin ni Almira iyon ay saglit pang nagtaka si Ambrosio hanggang sa maunawaan na lamang niya ang ibig sabihin ng binibini.

"Paumanhin, Binibining Almira. Paumanhin sa kaganapang naganap kanina. Ang aking kapangahasan ay nararapat lamang patawan ng kaparusahan. Tatanggapin ko ang anumang kaparusahang iyong nanaisin huwag mo lamang kaming isuplong sa mga gwardya sibil!" Ang biglaang pagpapanikloob nito ay hindi na ikinagulat pa ni Almira. Lumuhod si Ambrosio sa harapan ng binibini na tila nakasalalay sa kaniya ang buhay ng bawat isa sa kanila.

"At bakit ko naman gagawin iyon?"

"Binibini, ang mga taong iyong nakita at tumulong sa amin kanina ay pawang kapamilya ko na nangangarap lamang ng masaganang buhay sa Europa. Upang sa aming pagbalik ay maiahon namin ang aming mga pamilya sa hirap!" Nangunot ang noo ni Almira sa sinabi ni Ambrosio.

"Sa iyong palagay ba, ang pagnanakaw ay isang magandang paraan upang guminhawa?" Mabilis na nagangat ng tingin si Ambrosio sa binibini. Alam niyang niyuyurakan na nito ang kaniyang pagkatao sa paraan pa lamang ng pagtatanong ng dalaga. "Masama ang magnakaw Ginoo, nasasaad iyon sa bibliya—"

"Mapapakain ba ng bibliya ang halos isang daang ka-tao sa ikatlong palapag ng barkong ito? Magmulat ka, Binibining Almira!" Muntik nang mapatalon si Almira sa naging sigaw ng Ginoo. Sa paraan pa lamang ng pagimik nito ay alam ni Almira na hindi naniniwala ang Ginoo sa diyos na sinasamba niya. Gayunpaman bagamat nakaramdam na ng kaba ay pinilit ni Almira na salubungin ang tingin ng binata.

"Ginoo, kahit pagbali-baliktarin mo ang mundo ay mali pa rin ang magnakaw." Sa pagkakataong ito ay mahinahong inilahad iyon ni Almira.

"Para sa aming mga mahihirap na kailangang magnakaw upang magkalaman ang tiyan ay hindi na importante ang tama at mali, Binibini." Mahinahon na rin namang sinabi iyon ni Ambrosio subalit tila buo ang loob nito na wala silang ginagawang masama kahit na sampal sa mukha na ito.

"Subalit—"

"Hindi ko na nais pagpaliwanagan ka, nasabi ko na ang nais ko at naibigay ko na ang iyong purselas. Putol na ang ating koneksyon. Makakaalis ka na. Tangi ko lamang hiling ay huwag mo sanang isuplong ang aming hukbo sa mga gwardya sibil." Doon na tumayo si Ambrosio. Nawalan na din ng emosyon ang mukha nito na tila sumuko sa pakikipagusap sa kaniya.

"Ngunit nakita ka na nila—"

"Malalabo ang kanilang mga mata." Matapos sabihin iyon ay tumalikod na ito sa kaniya. "Diretsohin mo lamang ang daan sa kanan at makikita mo ang daan patungo sa itaas na palapag. Maraming salamat sa pagbisita, Binibining Almira." Matapos iwan ang katagang iyon ay umalis na ito at iniwan na siya. Wala namang nagawa si Almira kung hindi ang pakinggan na lamang ang sinabi ng Ginoo. Gayunpaman sa paglalakad sa pasilyo, kitang-kita ni Almira ang pinagkaiba ng silid ng mga ito sa silid nila sa itaas.

Ang mga ilaw sa kaniyang kinalulugaran ay tanging mga lampara lamang, bukas din ang bawat pinto ng mga nanunuluyan. Ang iba pa ay nagpapalitan ng kanilang mga pagkain. Nakasalubong pa ni Almira ang kasamahan ni Ambrosio kanina na ngayon ay namimigay ng tubig at pagkain sa bawat pintuan.

"Magandang gabi, Binibining Almira!" Tinanguan na lamang niya ito bago nilampasan. Wala na ni isa ang nagpasyang lingunin siya dahil ang bawat isa ay abala na sa kanilang pagkain. May ilang silid pa siyang nadaanan na may umiiyak na mga sanggol at ilang kababaihan. Ang ilan pa ay nagdadasal bago sila maghapunan bagay na nakatutuwa sa mata. Gayunpaman ng kaniyang balingan ang kanilang hapunan ay tinapay lamang iyon na tila tira na lamang ng mga nakatataas.

"Patapos na ang handaan sa itaas, tiyak na ibababa na nila ang mga natitira!" Ang sigaw na iyon ang tuluyang nakapagpatigil kay Almira. Subalit mas natigilan siya sa sumunod na nangyari. Tila biglang nagkaroon ng kasiyahan at tila isa iyong napakagandang balita.

Sa kaganapang nasasaksihan, hindi napigilan ni Almira ang hindi mapatulala na lamang kaniyang mga nakikita. Bumalik sa kaniyang gunita ang tinuran ni Ambrosio kanina.

"Mapapakain ba ng bibliya ang halos isang daang katao sa ikatlong palapag ng barkong ito? Magmulat ka, Binibining Almira!"

"Para sa aming mga mahihirap na kailangang magnakaw upang magkalaman ang tiyan ay hindi na importante ang tama at mali, Binibini."

Hindi nga kataka-taka na ganito na lamang kung magisip ang binata. Sa puntong iyon ay hindi na napigilan ni Almira ang mapaluha.

"Ganito na ba? Ganito na ba ang kinahinatnan ng mga kababayan kong pilit naming tinatalikuran?" Matapos ibulong ang kataga ay nagpatakan na ang mga luha sa kaniyang mga matang pinagpala.

I M _ V E N A

Adios Por AhoraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon