Kabanata 14

21 4 0
                                    

Kabanata 14

"Ginoo, sa aking palagay ay galit ka lamang. Galit ka at naiintindihan ko ang pinanggagalingan mo. Subalit hindi ibig sabihin niyon ay hindi ka na naniniwala dahil Ginoo, hindi mo siya kekwesyonin kung hindi ka talaga naniniwala sa kaniya. Kinekwesyon mo siya dahil naniniwala ka. At hindi mo maintindihan kung bakit ka niya pinababayaan. Subalit pakatandaan mo Ginoo, ang lahat ng bagay ay may dahilan." Natigilan si Ambrosio nang marinig ang bagay na iyon kay Almira.

Matalinong tao si Ambrosio proweba na nito ang mabilis niyang pagkatuto ng salitang espanyol bagamat walang nagtuturo sa kaniya. Alam niya ang pinakapinupunto ng dalaga at sampal sa mukha na niya iyon. Galit siya dahil hindi siya sinasagot at hindi sa hindi siya naniniwala. Pinaniniwala lamang niya ang sariling hindi siya naniniwala upang pagtakluban ang paniniwalang unti-unti nang lumalabo.

"Ito ba ang dahilan kung bakit narito ka?" tanong ni Almira.

Naalala niyang naikwento minsan sa kaniya ng binata na pumuslit lamang ito sa barko upang makasama ng walang binabayarang salapi ni papeles.

"Ganiyon na nga. Nais kong umalis upang hindi na ako maging sakit sa ulo at intindihin pa ng aking mga magulang." Ngunit nang sabihin ni Ambrosio iyon ay sinapok lamang siya ng binibini. "Aray!"

"Ikaw ba ay naluwagan ng turnilyo sa utak? Sa iyong ginawa ay mas lalo mo lamang pinasakit ang ulo ng iyong mga magulang! Hindi ka pa yata nagpaalam sa kanila! Ano na lamang sa tingin mo ang mararamdaman ng iyong ina? Hunghang!" Bagamat nasaktan ay hindi napigilan ni Ambrosio ang mapangiti sapagkat bumalik na ang pagtataray ni Almira. Tanda na kumakalma na talaga ito.

"Nag-iwan ako ng sulat sa kanila, Binibining Almira!"

"Wala ka bang isip? Hindi maaalis ng liham ang pagaalala ng magulang sa kanilang anak!" Binubulyawan na siya ngayon ng binibini. Bagay na ikinangiti na lamang ni Ambrosio. "Ang akala ko pa naman ay matalino ka! Nagyayabang ka lamang ba nang iyong sabihin sa aking natuto kang magsalita ng espanyol gamit lamang ang pakikinig?" Tila masama na ang loob nito nang sabihin iyon kung kaya naman agad na binago ni Ambrosio ang usapan.

"Sumandali, may bulalakaw!" Kasabay niyon ang pagturo niya sa kalangitan kahit wala naman. Sumunod naman sa paglingon si Almira at inis siyang tiningnan nang mapagtantong niloloko lamang siya ng Ginoo.

"Sinungaling!"

Natawa na si Ambrosio doon.

"Madaling magpauto."

"Mayabang!"

"Masungit."

"Pangit!"

"Aba! Hindi na yata iyan makatwiran, Binibini. Ang mukha ko ay kailanma'y hindi mapupulaang pangit!" Sa puntong iyon ay sabay na silang natawa sa isa't-isa na nauwi na lamang rin sa ngitian.

"Maiba ako, Ginoo. Napakaganda ng buwan ngayon, hindi ba?" Isang pagtango tanda ng pagsangayon ang isinagot ng binata. "Sabi nila ang bilog na buwan daw ay isang magandang pagkakataon para magsimula at wakasan ang dati. Naniniwala ka ba roon?"

Ang tingin ni Ambrosio sa binibini ay nalipat sa buwan nang sabihin ito ng dalaga.

"Ikaw ba ay naniniwala, Binibini?"

"Oo naniniwala ako."

"Kung gayon naniniwala na rin ako." Napangiti si Almira nang muli siyang balingan ng Ginoo. "Dahil naniniwala ang napakagandang binibining nasa aking tabi ngayon." Tunay na mabulaklak ang labi ng Ginoo gayunpaman ang paraan nito ay talagang nakakahuli ng loob ng isang binibining kagaya niya.

"Masyadong matamis ang iyong labi, Ginoo."

"Nais mo bang tikman?" Doon na mas lalong natawa si Almira. Ang paraan ng pagbibiro ng Ginoo ay talagang nakatatawa dahil nagtataas baba ang kilay nito. Halatang nagbibiro lamang.

"Huwag mo akong subukan."

"Subalit nais ko."

"Kung gayon, maipapangako mo ba sa aking hindi ka na muling magnanakaw matapos ang gabing ito? Ang iyong pagsangayon ay may gantimpalang kapalit!"

"Ang aking iniisip ba ang gantimpalang kapalit, Binibini?" Sa pagkakataong ito ay seryoso na ang Ginoo bagay na ikinatawa na lang muli ni Almira. "Mukhang hindi iyon dahil ikaw ay natatawa." Lalo lamang siyang natawa dahil halata sa ginoo ang pagbabakasakali.

"Ano ba ang iyong iniisip, Ginoo?" Nanunudyong tanong niya.

Nangiwi si Ambrosio.

"Hindi na bali, ako ay sasangayon na lamang kung ipapangako mo rin na iyong kalilimutan ang nangyari kanina at lalayuan na simula ngayon si Señor Cesar. Kung maulit muli ito ay tawagin mo ako at akin siyang tuturuan ng leksyon!" Bagamat sa isip ni Ambrosio ay nagpaplano na siya kung paano niya tuturuan ng leksyon ang Señor.

Sa isang linggong pagkakilala ni Almira sa Ginoo, alam na niya kung paano ito mag-isip. Labas sa ilong ang mga sinasabi nito. Bagay na ikinangiti ni Almira at ikinatitig na lamang sa binata. Nang mapansin ni Ambrosio ang tingin ng dalaga ay tila nailang na siya at hindi na makatingin dito. Kinakabahan na rin ang Ginoo na tila nahihiya sa bagay na hindi maintindihan.

"Sa pakiwari ko Ginoo ang nais mo ay pagplanuhan ang pagganti sa Señor." Nanlaki ang mata ni Ambrosio dahil doon. Nagtataka siya sa kung paano nalaman ng binibini ang iniisip niya. "Kung gayon nangangako ako." Ngunit ang pagtataka ni Ambrosio nang bigla siyang halikan ng binibini sa labi. Mabilis lamang iyon subalit bolta-boltahe ang naidulot sa kaniya. Natigilan ang buong pagkatao ng ginoo at tila natigil din ang mundo niya.

"Selyado na." Namumula man ay naibulalas pa iyon ni Almira bago nanginginig na hinawakan ang pisngi ng Ginoo. Kapangahasan mang matatawag subalit higit sa kahit na sinong lalaki, ang Ginoo lamang ang gusto niyang pagbigyan ng kaniyang halik.

"Magkita tayo muli dito kinabukasan. Nais kong isuot mo ang pinakamaganda mong barong aking irog." Malinaw na inilahad ni Almira ang katagang iyon bago niya iwan ang Ginoong tulala at halos hindi na makatayo.

Kung kukuhanin lamang sa kaniya ang kaniyang halik, pagkatao at puri. Mas nanaisin niyang ibigay ito sa taong kasalukuyang nagpapatibok ng kaniyang puso.

I M _ V E N A

Adios Por AhoraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon