Sobrang sikip ng dibdib ko. Hindi ako mapakali pagkauwi ko ng bahay.
"Jillian, totoo ba 'yung balita na inatake sa puso si Carlos?" Lumapit sakin si Mama.
Hindi ako nakasagot.
"Namumutla ka." pansin niya sakin.
I took a deep breath. Pero andyan parin ang bigat ng dibdib ko.
"Ah, nagugutom lang ako."
"Okay, kumain na tayo."
Hindi naman ako ginanahan kumain. Napapansin na ni mama na mukha akong balisa. Si tito Jaime naman ay tinitimbang ang reaksyon ko.
"Anak, may problema ba?" tanong ni mama.
"Okay lang po ako." sagot ko. Parang hindi siya kumbinsido sa sagot ko.
Tinawagan ko si Eros nang nasa kwarto na ako. Sa pangatlong ring ay sinagot niya na ito.
"K-kamusta ang papa mo?" tanong ko kaagad.
"Kritikal ang kondisyon niya." bakas ang pagod sakanyang boses. Bumalik ulit ang bigat na nararamdaman ko.
"Eros--" pinutol niya ang sasabihin ko. Ipapaliwanag ko na sana kung bakit kami magkasama sa opisina ng kanyang ama.
"Matulog ka na, hatinggabi na, don't worry, gagaling din siya." aniya.
Tumango nalang ako kahit di niya naman kita. Binaba niya na ang tawag.
Pasado alas-dose na, hindi ako makatulog. Nakatulala lang ako sa kisame. Paulit-ulit na sumasagi sa isip ko ang nangyari kanina.
Baka ako ang sinisisi nila.
Tama nga ako, dahil nang pumunta ako ng ospital kinaumagahan, sa labas ng ICU ay sinalubong ako ng matatalim na mga mata ng ina ni Eros, ganun din si Shayne na kasama nito.
"Anong ginagawa mo dito?" mariing tanong ng mama ni Eros.
Hindi agad ako nakapagsalita. Pinangunahan na agad ako ng kaba.
"Umalis ka, baka masaktan lang kitang babae ka!" mariin pa nitong sinabi.
Nakita ko naman si Eros na kararating lang. Agad niya akong nilapitan.
"Paalisin mo ang babaeng yan!" sambit nito kay Eros.
Tiningnan ko si Eros, umiwas siya ng tingin sakin. Hinigit niya na ako palabas ng ospital.
"Kamusta na ang papa mo?" alalang tanong ko nang makalabas na kami. Nangingilid ang mga luha ko sa mata.
"Kritikal parin ang kondisyon niya."
May dumaang sakit sa dibdib ko.
"Anong pinag usapan niyo ni Papa?" tanong niya.
"Nagalit siya sakin." malungkot kong sagot.
"Pinagsalitaan mo ba siya ng masasakit na salita?" tanong niya. Masakit na ang bawat pintig ng puso ko. Napayuko nalang ako, nangilid ang mga luha.
"S-sorry, hindi ko naman sinasadya."
Rinig ko ang pagbuntong hininga siya.
"Magkita nalang tayo mamaya." aniya.
Tumango nalang ako at tumalikod na. Akala ko susundan niya ako pero hinayaan niya nalang ako.
Para akong pagod sa maghapon. Natutulala nalang ako sa opisina. Kahit abalahin ko ang trabaho ay naiisip ko parin ang nangyari. Ipinagdasal ko na sana gumaling na ang papa ni Eros. Kung may mangyari man ditong masama, ay parang papasanin ko ito habang-buhay.
Bumukas ang pinto at bumungad sakin ang galit na itsura ni mama.
"Ano 'tong nabalitaan ko na ikaw ang sinisisi sa nangyari kay Carlos?"
Hindi agad ako nakasagot.
Problemado siyang napasapo sa noo.
"Sabi ko naman kase sayo Jillian, na layuan mo ang Eros na yan! O ano ngayon, ikaw ang sinisisi nila."
"Gusto niya raw ako makausap kaya ako humarap sakanya?" pagdadahilan ko.
"Bakit?" tanong niya.
"Na layuan ko raw ang anak niya."
Napasinghap nalang si mama.
Nang hapon ay naglakad-lakad ako sa gilid ng daan. Gusto kong mapag isa. Gusto kong matakasan ang problemang 'to. Nakakapagod.
Tinanaw ko ang papalubog ng araw sa dagat. Inisip ko si Eros. Ano kayang nararamdaman niya sakin ngayon? Galit ba siya sakin? Nagsisisi na ba siyang may relasyon kami?
Humugot ako ng malalalim na paghinga para mabawasan ang bigat ng dibdib ko, pero andyan parin ang bigat, umalis saglit pero bumalik.
May humintong magarang kotse sa tabi ng kalsada. Si Shayne ang bumaba dito. Matalim ang tingin niya nang papalapit sakin.
"Ikaw pala ang dahilan kaya inatake sa puso si Tito Carlos,"
Nanumbalik ang sikip ng dibdib ko sa sinabi niya.
"Pinapalayo ka niya kay Eros dahil nakatakda itong ipakasal sakin." aniya pa.
Umiling ako. Hindi ako naniniwala sa sinabi niya.
"Now, he's in a critical condition, makikipaghiwalay ka na ba kay Eros?"
Hindi ko alam ang sasabihin ko. Gulong-gulo na ang utak ko.
Umiling nalang ako.
"Kalandian parin ang pinapairal mo!"
Kumukulo na ang dugo ko sa sinasabi ng babaeng 'to. Akala niya naman ay siya ang mahal ni Eros.
"Pinaglalaruan ka lang ni Etos, dahil sa huli, ako parin ang pakakasalan niya."
Ano bang pinagsasabi ng babaeng 'to? Na siya ang pakakasalan? In her dreams.
Tama nga ang unang kita ko sakanya noon na may gusto siya kay Eros.
"Kahit anong sabihin mo, hindi mo kami mapaghihiwalay." Atlast, nakapagsalita na ako.
Mukhang nagngingitngit na siya ng galit. Hinila niya bigla ang buhok ko.
"You, bitch!"
Ang sakit na ng anit ko. Ayaw ko man manlaban pero kailangan. Nasasaktan na ako. Hinila ko rin ang buhok niya. Hanggang sa nakita ko ang isang paa niya na naapakan ang malambot na lupa upang gumuho ito at tuluyan siyang mahulog sa bangin. Natulala nalang ako nang makita siyang pagulong-gulong hanggang mapunta sa damuhan na wala ng malay.
Napatakip nalang ako sa bibig ko, nanlalaki ang mga mata. Ramdam ko ang matinding kalabog ng puso ko. Nangangatal ang kamay kong kinuha ang phone ko sa bulsa at tinawagan ang emergency hotline. Sinabi ko na may nahulog na babae dito sa bangin.
Hindi nagtagal ay may naririnig na akong serena ng ambulansya papalapit dito.
"Ayun po siya."
Nangangatal kong tinuro sa mga magreresponde ang walang malay na si Shayne sa bangin.
***