1

24.4K 601 51
                                    


NAPAKADILIM ng buong paligid bagaman may ilaw ang layo-layong poste na nadadaanan nila. Ang beach resort na nilampasan nila ay isa rin sa mga pinagmumulan ng liwanag na halos hindi naman matanaw mula sa main road. Alam niyang kahit paano ay may mangilan-ngilang residente sa likod ng nagtataasang puno ng niyog at makakapal na damong nasa gilid ng daan.Sa kabilang bahagi naman ng daan ay ang dagat na dahil sa gubat ay hindi rin niya matanaw. Nilampasan na nila ang isa sa mga beach resort sa lugar na iyon. At bagaman alam ni Julianne na may ilaw roon ay hindi naman iyon umaabot sa highway.


Ni walang pampublikong sasakyan ang makikitang bumibiyahe. Alas-siete y media ng gabi. Sa ganitong oras ay tulog na ang mga tao sa Capistrano, maliban na lang sa bahagi ng mga resorts kung saan nagkakasayahan pa ang mga lokal at banyagang turista.


Sa ibang pagkakataon ay matatakot si Julianne sa ginawa niyang pagbibiyaheng ito sakay ng tricycle kung hindi kakilala ni Nadine ang driver. Ang kaibigan niya mismo ang nagsabi sa driver kung saan siya ihahatid nito—sa Villa Manuela.


At ngayon nga ay natatanaw niya sa itaas ang patutunguhan. Gayunma'y nasa ibaba pa sila ng sinasakyan sa isang paikot na daan. Marahil ay sampung minuto pa bago siya makarating sa itaas. At ayon kay Nadine, mula sa main road ay limampung yarda bago ang gate ng villa.


Nadadaanan niya ang lugar na iyon sa maraming pagkakataon sa apat na buwang ipinamalagi niya sa Capistrano. Iyon ang pinakamalaking bahay sa bayan na iyon. At natitiyak niyang nakatayo na iyon doon sa napakatagal na panahon. She would have loved to visit the old house.Subalit hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makarating doon sa nakalipas na apat na buwang ipinamalagi niya sa Capistrano. O di kaya ay maanyayahan man lamang ng nobyo sa bahay nito. Bagaman ayon kay Nadine, hindi pag-aari ni Stan ang villa kundi sa stepbrother nitong si Benedict Aragon.


At nakapagtatakang kahit minsan ay hindi nabanggit ni Stan sa kanya ang tungkol sa stepbrother nito.


Muling hinayon ni Julianne ang villa sa itaas, na siyang pinagmumulan ng tanging liwanag sa kadilimang nakapaligid. Nakatayo iyon sa gilid ng burol. Nakatunghay sa dagat pero may limandaang metro pa bago ang karagatan kung ang pagsukat ay gagawin mula sa mismong ibaba ng burol.


Maliban sa nagtataasang mga damo at punong-kahoy ay hindi niya alam kung ano ang mayroon sa ibaba ng bulubundukin. It could be a deep ravine covered by trees and shrubs. Hindi rin iyon nasabi ni Nadine sa kanya.


Habang palapit siya sa pupuntahan ay hindi niya maiwasang hindi kabahan. Humugot siya ng malalim na hininga nang sumandal sa sandalan ng tricycle. Kung hindi dahil sa natuklasan ni Nadine ay sinunod niya ang payo ng nobyo na umuwi na siya sa Maynila at hintayin ang pagdating nito upang ipakilala niya sa ama. At malamang na patuloy siyang umaasa at nadadaya ni Stan.


Alam niyang mabibigla si Stan sa pagdating niya sa villa. Ang alam nito ay nagbiyahe na siya pabalik sa Maynila dalawang araw na ang nakalipas.


Pero tama ba ang ginagawa niya? Paano niyang haharapin si Stan? At si Milet, kung totoo mang naroon ito?


HINDI inaasahan ni Benedict na may kasayahang nagaganap sa malaking bahay sa muli niyang pag-uwi. Nagulat pa siya nang makitang naiilawan ang buong hardin. Ni hindi niya makuhang ipasok ang jeep sa loob ng bakuran. Natatanaw niya ang mga taong nasa paligid mula sa nakabukas na gate.

Kristine Series 22 - Wild Passion (COMPLETED) (UNEDITED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon