"GUSTO n'yo raw akong makausap?" bungad ni Julianne kay Mrs. de Castro na naghihintay sa kanya sa sala. Umaga pa lang ay pinaabisuhan na siya na gusto siya nitong makausap bago umuwi nang hapong iyon.
"Maupo ka, Julianne..." Itinuro nito ang pang-isahang sofa. Tahimik na naupo si Julianne, iniisip kung ano ang maaaring kailangan sa kanya ng employer. Pagkuwa'y bahagyang kumunot ang noo niya nang madaanan ng tingin ang isang pay envelope sa mesita.Nag-angat siya ng tingin dito. May ilang beses na tumikhim ito bago nagsalita. "Nahihiya ako sa iyo, Julianne," wika nito. "Pero napag-usapan na natin noong una pa man na pansamantala lang ang trabaho mo. Dadalhin na sa Maynila ang mga kabayo."
"Oh." Tumango-tango siya at ngumiti. "Huwag kayong mag-alala, Mrs. de Castro. Katunayan ay nagbabakasyon lang naman ako. At natutuwa akong nagkatrabaho ako sa nakalipas na tatlong buwang mahigit. Katunayan ay napalipas ng trabaho ko ang mga araw nang hindi ko namamalayan." Bagaman hindi madali ang trabaho niya at nangangapal na ang mga palad niya, sa nakalipas na ilang buwang pagtatrabaho niya sa mga de Castro ay totoong nag-enjoy siya. Naranasan niya kung paano maging isang simpleng tauhang pinasasahod.
Pag-uwi niya sa Paso de Blas, ipinangako niya sa sariling magiging mas makonsiderasyon siya sa mga tauhan. Totoo namang dinanas nilang magkapatid ang magtrabaho at kumita ng sariling pera. Subalit hindi sa ganitong paraan. Iba kung sa sarili nilang kompanya sila nagtatrabaho dahil naroon pa rin ang reserbasyon ng mga tauhan ng kompanya dahil alam na anak sila ng Big Boss.
At hindi kailanman ibibigay ni Bernard sa kanila ni Jess ang ganitong uri ng trabaho. She agreed this was a man's job. Pero naroon na siya at pinangatawanan na niya.
"At ikaw ang pinakamahusay kong naging horse trainer, Julianne," putol ni Mrs. de Castro sa daloy ng isip niya. "A lot better than my previous male trainers. Hindi ko miminsang inasam na sana'y katulad mo si Milet sa pagkakaroon ng interes sa mga kabayo. And we really don't want to lose you... but—" Hindi nito itinuloy ang sinabi, umiwas ng tingin at tila naiilang na di-mawari. Pagkatapos ay iniabot sa kanya ang pay envelope. "Hinusto ko nang isang buwan ang sahod mo, Julianne," dugtong nito.
Tinanggap niya ang sobre at nagpasalamat. Tumayo siya at nagpaalam na. Bago siya nakalabas ng bahay ay natanaw niya sa may hagdan ang anak nitong si Milet. Nakangiti ito sa kanya.Gusto niyang gumanti ng ngiti subalit tila nanigas ang mukha niya. Hindi dahil hindi niya ito gustong ngitian. Kundi dahil ang ngiting ibinibigay sa kanya ni Milet ay tila yaong nakatataas para sa isang hamak na tauhan.
Naalala niya nang ipakilala siya rito nina Mr. at Mrs. de Castro kinalunesan pagpasok niya."So, you are the horse trainer my parents were talking about, huh?" Tumaas-baba ang mga mata nito sa kabuuan niya bago dinugtungan ang sinabi na nakataas ang mga kilay. "And you are Stan's new girlfriend?" Ang akma niyang pagkumpirma sa tanong nito ay napigil nang humalakhak ito. Isang nakaiinsultong halakhak. Bagaman nairita, hindi niya ito pinatulan.Nakangiti pa rin ito nang mapatapat siya rito. Bahagya niya itong tinanguan at nagtuloy-tuloy na sa paglabas. Nakalampas na siya rito nang magsalita ito.
"Dinispatsa ka na ba ng Mama, Julianne?"
Napahinto siya sa paglakad. Biglang hindi niya maiwasang mag-isip kung may kinalaman si Milet sa pagtatapos ng trabaho niya. Whatever. It didn't really matter. Hindi niya kailangan ang trabahong ito. At mabuti na ngang sa mga de Castro na nanggaling ang dismissal. Aalis na rin naman sila ni Stan sa susunod na linggo.
BINABASA MO ANG
Kristine Series 22 - Wild Passion (COMPLETED) (UNEDITED)
Storie d'amore"Now what shall it be? Go home or have a drink with me?" tanong ni Benedict, watching her over the rim of his goblet. Julianne saw the challenge in his eyes. Itinaas niya ang mukha, accepting the challenge, tulad ng pagtanggap ng maliit na insekto s...