"KUMUSTA na si Benedict, Rafael? Ayon kay Abel ay sinisipon ang bata..."
Mula sa pagtitimpla ng gatas ng anak ay lumingon si Rafael sa pinto. "Kayo pala, Mama."Pumasok sa loob ng bahay si Doña Manuela, dumeretso sa kuna ng umiiyak na apo. Yumuko ito at kinarga iyon, isinayaw-sayaw. Mayamaya lang ay huminto sa pag-iyak ang bata at naghikab. Ibinaba nitong muli iyon sa kuna at inabot ang bote ng gatas mula kay Rafael at isinubo sa bata. Young Benedict sucked hungrily. Matapos ayusin ang bote sa gilid ng kuna ay nag-angat ng katawan si Doña Manuela at hinarap si Rafael.
"Ano ang gamot na ibinigay mo sa sipon ng bata?" Puno ng pag-aalala ang tinig nito."Dinala ko si Benedict sa Calapan kahapon, Mama. Pinatingnan ko sa doktor. Ordinaryong sipon lang naman at binigyan ako ng reseta. 'Ayun sa ibabaw ng kabinet " Inginuso niya ang dalawang botelya ng gamot-pambata. Ang pangatlong naroroon ay bitamina.
Isang malalim na hininga ang pinakawalan ni Doña Manuela. Tinungo ang silya at naupo. "Mahigit sa dalawang oras ang biyahe mula rito hanggang Calapan, Rafael. Kawawa naman ang apo ko. May sakit na'y natagtag pa sa biyahe."
Nais matawa ni Rafael. "Mama, sipon lang ang sakit ng apo n'yo.""Ang aking asawa'y namatay bago makarating sa Calapan, Rafael," patuloy nito. At sa basag na tinig ay idinagdag, "Kung may doktor lang sana rito sa baryo natin ay tiyak na natingnan kaagad si Emily at maaaring..." Hindi nito itinuloy ang sinabi at ang hawak na panyo ay idinampi sa mga mata.
Nagsisikip ang dibdib na tumingin sa labas ng bintana si Rafael. Isang taon na ang lumipas subalit hindi nababawasan kahit bahagya ang sakit ng damdamin niya sa pagkamatay ni Emily. Sa loob ng isang linggo ay hindi huminto ang pagdurugo ni Emily. Pagdurugong hindi nito binigyang-pansin sa pag-aakalang ganoon lang talaga ang bagong panganak.Isang madaling-araw ay nagising si Rafael na basa ang tagiliran at nang bumangon siya ay nakita niya ang napakaraming dugong tumatagas mula sa asawa. At nang tingnan niya ito ay halos wala na itong malay.
Nang oras ding iyon ay isinugod niya si Emily sa Calapan. Subalit hindi lumipas ang magdamag at binawian ito ng buhay.
"Kasalanan ko, Rafael," gumagaralgal na sabi ni Doña Manuela. "Kung narito ako at inalagaan ang aking anak, disin sana'y buhay pa siya.""Mama, walang may gusto sa atin sa nangyari!" mariing sabi niya. "At kamamatay lang ng Papa. Kasalukuyan kayong namimighati." Atake sa puso ang ikinamatay ni Don Benedicto, isang buwan bago nagsilang si Emily.
Tumango si Doña Manuela. Suminghot. May ilang sandaling katahimikan ang lumipas bago ito muling nagsalita. "Totoo ba ang sinabi ni Abel na pakakasalan mo si Iluminada?" tahimik nitong tanong.
Hindi lumingon si Rafael. Si Iluminada ay kababata niya at anak ng isa sa magbubukid ng lupain ng mga Aragon.
"H-hindi kita masisisi kung ipasya mong mag-asawang muli," patuloy nito. "Pero nag-aalala ako sa apo ko."Doon siya humarap, puno ng kapaitan ang mukha. "Si Benedict ang dahilan, Mama, kaya pakakasalan ko si Iluminada. Magiliw at masuyo siya kay Benedict. Kailangan ng anak ko ang kalinga ng isang ina."
"Kung kalinga lang ng isang ina ang motibo mo, Rafael, narito ako. Aalagaan ko ang aking apo.""Hindi sa sinusukat ko ang kakayahan ninyo sa pag-aaruga sa apo ninyo. Pero kailangan ni Benedict ng isang inang mamumulatan. Mahal ko si Emily, Mama. Wala akong ibang mamahalin kundi siya, ipinapangako ko sa inyo iyan. Gusto kong may makalakihang dalawang magulang ang anak ko."
BINABASA MO ANG
Kristine Series 22 - Wild Passion (COMPLETED) (UNEDITED)
Romance"Now what shall it be? Go home or have a drink with me?" tanong ni Benedict, watching her over the rim of his goblet. Julianne saw the challenge in his eyes. Itinaas niya ang mukha, accepting the challenge, tulad ng pagtanggap ng maliit na insekto s...